28.1 C
Manila
Martes, Abril 8, 2025

     ‘Krisis sa Pagbabasa’: Pokus ng katatapos na Bologna Children’s Book Fair

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG habit ng pagbabasa sa mga kabataan ay pabulusok.  Hindi lamang ito napansin sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng daigdig. Pandaigdigang krisis na ito ngayon. Kung paanong ang ‘climate change’ ay itinuturing na ngayon ng mga environmental activists na ‘climate emergency’, nasa level na rin ng krisis o emergency ang estado ng pagbabasa ng mga bata’t kabataan. Nakumpirma ko ito nang ako ay makadalo sa Bologna Children’s Book Fair (BCBF) sa Italya nitong nakaraang linggo (idinaos sa Bologna noong Marso 31 hanggang Abril 3). Lahat ng mga publishers, awtor, ilustrador, at mga reading promoters na tumungo roon ay labis na nababahala sa nakikitang trend sa pagbabasa ng mga bata’t kabataan.

Ang Bologna Children’s Book Fair ang pinakamalaking fair para sa aklat pambata sa buong daigdig. Lagi itong ginaganap sa Bologna, Italya sa loob ng apat na araw tuwing Marso o Abril taon-taon. Dinarayo ito ng mga publishing experts mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nagsisilbi itong meeting place ng mga experts na nais bumili o magbenta ng rights ng kani-kanilang inilalathalang aklat, para sa translation o para sa adaptasyon sa pelikula o animated TV series. Dito rin sa naturang okasyon ina-announce ang mga nanalong laureates sa mga prestihiyosong awards gaya ng Astrid Lindgren Memorial Awards (taon-taon) o ang Hans Christian Andersen Awards (tuwing ikalawang taon).

 


Taong 1963 pa nagsimula ang naturang book fair na kung tawagin sa salitang Italyano ay “La Fiera del Libro per Ragazzi” (The Book Fair for Children). Nagyong taong ito, ang ‘country of focus’ o ‘Guest of Honor’ ay ang bansang Estonia. Nasaan ba ang Estonia? Ito ay kabilang sa Baltic nation na kakaunti lamang ang populasyon: 1.4 milyong tao (at ang 900,000 doon ay nagbabasa sa salitang Estonian). Sinasabing ang salitang Ruso (Russian) ang pangalawang biggest mother tongue sa naturang bansa. Pero ngayon daw, kalahati ng populasyon nila ay nagsasalita na ng English.

Hindi naging hadlang ang maliit nilang populasyon sa pag-unlad ng kanilang paglalathala ng aklat pambata. Noong nakaraang taon, higit sa 800 aklat pambata ang nalathala sa Estonia kung saan ang 204 libro ay original titles na sinulat mismo ng mga Estonian authors. Ayon kay Ulla Saar, Director of Foreign Relations sa Estonian Children’s Literature Centre, labis na pinahahalagahan ng mga teachers, guro, at librarians ang pagbabasa sa kanilang sariling wika (o native language). Ang bawat bata raw ay dapat na makabasa at makapagsuri ng 10 aklat pambatang Estonian taon-taon. “Ito marahil ang dahilan kung bakita ang Estonia ay kabilang sa matataas ang rank sa PISA test in reading,” pagbabahagi pa ni Saar.

- Advertisement -

Sa katatapos na BCBF, marami ang tinanong doon kung ano ang inaakala nila na malaking isyu na dapat talakayin sa naturang book fair. Bawat international delegate ay binabanggit ang ‘reading crisis.’ Yun daw mismo ang terminong binanggit at hindi ang ‘decline in reading for pleasure,’ ayon sa ulat ng The Bookseller, ang official publication ng Bologna Children’s Book Fair. Sa mga nagdaang assessment ng PISA (Programme for International Student Assessment) sa mga kabataang Pilipino na edad 15 pataas pagdating sa pagbabasa, laging nasa mababang ranggo ang ating bansa. Noong 2018, kulelat tayo: ika-78 sa 78 bansang nasuri ng PISA. Noong 2022, pang-77 tayo sa 81 bansang sumailalim sa PISA. Nakalulungkot talaga!

Batid nating lahat na ang pangkalahatang krisis na ito sa pagbabasa ay parte ng mga socio-economic currents at mga policy issues lalo na sa lumalaking disparity sa mga mahihirap at mayayaman, sa mabuway na global economy, sa mga proyektong mas binibigyang prayoridad ng gobyerno, sa kakulangan ng suporta ng mga eskuwelahan at komunidad na patatagin pa ang pagbabasa. Idagdag pa sa lahat ng ito ang kasalukuyang gawi ng mga kabataan – ang pagtutok sa mga screen ng kani-kanilang gadgets. Hindi natin mapapasubalian na dahil sa mga gadgets na ginagamit nila – kung saan halos interactive ang lahat at makukulay pa ang palabas – kung kaya’t hindi na appealing sa kanila ang pagbabasa ng aklat.

 

Pero ang sampalataya natin sa paglikha at paglalathala ng mga aklat pambata ay hindi nababawasan. Patunay nito ang napakaraming aklat na pambata’t pangkabataan na nakita ko sa Bologna Children’s Book Fair. Overwhelming ito sa dami. Pero umaapaw ang puso ko sa galak na makitang buhay na buhay ang industriya ng paglalathala ng aklat pambata sa buong daigdig. Ito pa lamang ang ikalawang taon na sumasali ang Pilipinas na naturang book fair.

- Advertisement -

Ang krisis sa pagbabasa (bilang libangan) sa mga bata’t kabataan ay maiging pinag-usapan sa BCBF. Marami ang nagkakasundo na maglathala ng mas maiikling aklat para sa mga bata, gayon din ang paglalagay ng mas maraming ilustrasyon sa mga aklat. Umaasa sila na ang ganitong mga aklat pambata ay magandang pangganyak sa mga bata upang muling tutukan ang aklat. Kung mas umigsi pa ng attention span ng mga bata ngayon at ang kanilang ‘reading confidence’ ay bumagsak, maiging lumikha tayo ng mga aklat na tutugunan ang napansing trend.

“The message I am hearing is that for readers of any age, meeting them where they are is the key.” Maganda ang sinabing ito ni Calire Wilson, President ng UK Association of Authors’ Agents. Dapat nga tayong lumikha ng mga aklat pambata na mag-a-appeal sa kanilang context. Ito ang nakikita niyang solusyon para hindi masarhan ang isang henerasyon ng mga readers na tuklasin ang life-changing power of reading.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -