PAREHO lang ba ng kahulugan: Magandang lalaki vs. lalaking maganda? Binatang ama vs. amang binata? Dalagang ina vs. inang dalaga?
Sabi ng ating mga aklat sa gramatika, ang pang-uri ay maaaring mauna sa pangngalang inilalarawan, at maaari ding ilagay pagkatapos ng pangngalang inuuri. Kaya, pareho lang daw ng kahulugan ang “batang mabait” at “mabait na bata.” Totoo kaya ito? Ang aking sagot: Hindi. Bakit? Kasi, nagbago ng pwesto ang mga salitang bumubuo ng parirala. Nasa huli ang pang-uri sa una, nasa hulihan ang pang-uri sa pangalawa. Naniniwala ako na kapag may pagbabago sa posisyon ng mga salita, kahit paano ay may nadaragdag o nababawas na kahulugan, gaano man kaliit ito.
Tatalakayin natin ngayon ang sining ng mabisang pagpapahayag. Mabisa ba ang ating pagpapahayag? Mahalaga ang mabisang pagpapahayag lalo na para sa mga guro. Mabisa ang iyong pagpapahayag kapag ang mensahe ng tagapagsalita ay siya mismong kahulugang nakarating sa tagapakinig. Sa maikling salita, hindi naguluhan ang nakikinig at naintindihan siya.
Ang mga katangian ng mabisang pagpapahayag
- Maikli, hindi makulit. Hindi paulit-ulit ang mga salita
- Angkop ang mga salita
- Sunod sa tinatanggap na mga tuntunin sa gramatika. Sabi nga ng isang awtor: “Mahalaga ang balarila sa talastasang mabisa.”
- Madaling maintindihan
Tingnan natin ang unang katangian: Maikli, hindi makulit, hindi paulit-ulit. Pero hindi natin namamalayang paulit-ulit ang ating mga salita. Pansinin ang ilang nakagawian na nating mga pahayag:
- Pumasok ka sa loob.
- Umakyat na kami sa itaas.
- Kulay puti ang damit niya.
- Tubig-baha
- Buwan ng Hulyo
- Taóng 2020
Bakit makulit ang “pumasok ka sa loob”? Ang “umakyat sa itaas”? Saan pa papasok kundi sa loob? Pwede ka bang “pumasok sa labas”? Di ba loob naman talaga pumapasok? Sa itaas din lang tayo pwedeng umakyat, posible bang “umakyat sa ibaba”? Samakatwid, labis ang mga salita. Pwede na ang “pumasok” at “umakyat” na lamang.
Ang “kulay puti” naman? May problema dito, sa totoo lang, kasi may ilan na magsasabing dapat may giling: kulay-puti. Kung sasabihing “Puti ang damit niya,” e di solb agad ang problema. Wala nang dapat pagtalunang gitling. Bakit kalabisang sabihin pang “kulay puti”? Kasi, ang puti ay kulay na. Hindi hugis o laki. Kulay. Kaya hindi na kailangang sabihin pa ang salitang “kulay.” Sapat na ang “Puti ang damit niya” at agad nang maiintindihan ang kulay ng damit. Pero kung “kulay kahel,” tama lang gamitin ang “kulay” dahil hindi kulay ang kahel kundi prutas. Kakulay ng kahel ang sinasabi rito.
Ganito rin ang kaso ng “buwan ng Hulyo” at “taóng 2020.” Ang Hulyo ay buwan at ang 2020 ay taon. Kalabisan nang sabihin pa ang buwan at taon. Samakatwid, sa halip na sabihing “Noong buwan ng Hulyo ng taong 2020,” sapat na ang “Noong Hulyo, 2020.” Mas maikli, mas mabisa, mas masining.
Tubig baha. Ito ang aking paborito, dahil ang aking sinilangang bayan ay kilalang laging binabaha. Noon, kapag baha ang pinag-usapan, ang Malabon agad ang unang sasagi sa isip. Gayon man, ni minsan ay walang napabalitang “nalunod sa tubig baha” sa aming bayan.
Bakit makulit ang “tubig baha”? Kasi, talaga namang tubig ang bumabaha, di ba? Kung minsan, may mababasa kang “bumaha ng dugo” dahil sa naganap na labanan. Pero ito ay pagpapalabis o exaggeration; ibig ilarawan nang makulay ang karahasang nangyari. Kung minsan din, may magsasabing “babaha ng pera” ngayong eleksyon para ipahayag ang dami ng perang ilalabas ng mga kandidato. Kapag bumaha ng pera diyan sa inyo, sabihan n’yo ako agad, ha?
Angkop na mga salita
Nakabasa na siguro kayo ng ganitong balita (o napanood/napakinggan sa TV/radio):
- Nasagip ang nalunod na biktima.
- Ginagamot na sa ospital ang nagpatiwakal na babae.
- Namatay matapos malunod
- Pasan niya sa balikat ang batang nailigtas sa sunog
Kapag nalunod na, hindi na pwedeng sagipin kasi dedo na. Namatay sa tubig, dahil hindi nakahinga sa tubig. May ganito ring pahayag: “Huwag mong itapat ang sanggol sa napakalakas na bentilador, baka ’yan malunod sa hangin.” May kaligiran na nagsasabi ng malakas na hangin kaya baka pansamantalang hindi makahinga ang sanggol. Pero kapag nalunod lamang ang salitang ginamit, ibig sabihin ay namatay na. Gayon man, posibleng may ibang pakahulugan ang ibang mga tagapagsalita na hindi taal na Tagalog. Baka sa kanilang rehiyon, ang pagkalunod ay katumbas lamang ng pansamantalang pagtigil ng paghinga sa ilalim ng tubig, kaya pwede pang sagipin.
Ganito rin ang kaso ng nagpatiwakal at nagpakamatay. Kung nasagip pa at nabuhay, ang tamang sabihin ay “nagtangkang magpatiwakal/magpakamatay.” Ibig sabihin, hindi natupad ang tangka.
Kalabisan na rin ang sabihing “namatay matapos malunod.” Sapat nang sabihing “nalunod.”
Kapag pasan ang isang bagay, ito ay nakapatong sa balikat. Kaya kalabisan nang idagdag pa ang salitang “balikat.” Gayon din ang “kalong” o “kandong” – nakapatong sa kandungan. Kaya kalabisan na ang “kandong sa kandungan.”
Sunod sa tinatanggap na mga tuntunin sa gramatika
Babanggit lamang ako ng ilan. Ang mga sumusunod ay itinuturing pa ring magkakahiwalay na mga salita: Marcos pa rin (hindi parin), Pangako sa ‘yo (hindi Pangako sa’yo), Nakita mo ang resulta, di ba (hindi diba), Kumain ka na ba? (hindi kanaba), Ito na lang (hindi nalang), at marami pang ibang mga halimbawa ng mga salitang pinagkakabit ng mga kabataan. Sa text, maaaring tinatanggap na, o hindi pinapansin ang pagkakabit ng ganitong mga salita, pero kung ibig nating maging mabisa ang ating pagpapahayag, kailangang sumunod tayo sa tuntunin ng gramatika.
Kapag nagawa ang tatlong naunang katangian, madaling maiintindihan ang ating pahayag.
Magandang lalaki vs. lalaking maganda
Balikan natin ang panimulang pangungusap. Pareho lang ba ng kahulugan? Ang “magandang lalaki” ay karaniwang gamit ng ating mga ninuno upang ilarawan ang lalaking guwapo, o pogi o papa sa kasalukuyang lenggwahe. Bagama’t ang salitang “maganda” ay karaniwang iniuugnay sa mga babae, nakagawian nang sabihing “magandang lalaki” ang lalaking makisig, matikas at tunay na “makalaglag- (censored).” Hehehe.
Kapag binaligtad ang ayos ng mga salita, aba, iba na ang kahulugan. Alam na this, di ba?
Iyon namang “binatang ama” at “amang binata.” Ang una ay lalaki na naging ama na, at nag-aalaga ng anak (maaaring iniwan ng ina ng bata) kahit hindi kasal; samantala, ang huli ay maaaring binata na nag-aalaga ng batang hindi niya anak. Gayon din ang “dalagang ina” at “inang dalaga.” Samantala, ang “pusong bato” ay tao na matigas ang puso. Ang “batong puso” ay bato na hugis puso.
Kaya mag-iingat tayo sa pagbabaligtad ng mga salita. Baka ibang kahulugan ang makaabot sa ating kausap, o mambabasa, hindi ang mensaheng ibig nating iparating.
Panghuling salita: Hindi ko sinasabing mali ang “tubig baha” o ang “kulay puti,” pati na rin ang iba pang kauri nito na tinalakay sa itaas. Nakagawian na kasi ang mga ito. Sabihin na lang natin na hindi mali, pero dahil masalita, baka hindi masining, baka hindi mabisang pagpapahayag.