KASUNOD ng pagdedeklara ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pag-asa) na nagsimula na ang panahon ng tagtuyot, bumuhos naman ang ulan sa ilang parte ng bansa. Bakit nga ba umuulan pa rin sa panahon ng tagtuyot?
Kahit tag-araw na sa Pilipinas, posible pa rin ang pag-ulan dahil sa ilang mga salik sa klima at panahon. Katunayan, isang araw matapos ideklara na panahon na ng tag-init, naglabas naman ang Pag-asa ng abiso tungkol sa namumuong low pressure area sa dako ng Mimaropa, Bicol region, Visayas at Mindanao.
“Nangangahulugan na ang pagbabago ng direksyon ng hangin mula sa hilaga patungong silangan dahil sa pagkakaroon ng High Pressure Area sa Northerwestern Pacific ng katapusan ng Northeast Moonson sa mas malaking bahagi ng bansa at simula na ng panahon ng tagtuyot. “The shift of wind direction from northeasterly to easterly due to the establishment of the High Pressure Area (HPA) over the Northwestern Pacific signifies the termination of the Northeast Monsoon over most parts of the country and the start of the dry season,” ayon sa pahayag ng Pag-asa nitong Marso 26.
“Gayunman maaari pa ring makaranas ang pinakahilagang bahagi ng Luzon ng paminsan-minsang hanging amihan. Dahil sa pangyayaring ito, magsisimula nang uminit ang pang-araw araw na panahon sa bansa bagama’t inaasahan pa rin ang pagkakaroon ng isolated thunderstorm. (However, the extreme Northern Luzon may still experience occasional northeasterly winds. With this development, the day-to-day weather across the country will gradually become warmer, though isolated thunderstorms are also likely to occur),” dagdag pa nito.
Sa Weekly Weather Outlook naman ng Pag-asa, sinabi na mula Marso 28 hanggang 30, nagdadala ng maulap na papawirin na may manaka-nakang pag-ulan at thunderstorm sa dako ng Mimaropa, Bicol, Visayas at Mindanao ang low pressurea area at ang easterlies.
Sa dakong Batanes, Cagayan at Isabela naman, nagkakaroon rin ng maulap na kalangitan at ulan dala ng Northeasterly wind flow.
Para sa iba pang bahagi ng Luzon, magiging maaliwalas ang panahon na may posibilidad ng manaka-nakang pag-ulan dulot ng thunderstorm.
Nagaganap ang localized thunderstorms dahil sa mainit na temperatura. Dahil sa mabilis na pag-init ng lupa at dagat, nagududlot ito ng matinding pag-akyat ng mainit na hangin na lalamig naman sa taas. Kapag lumamig ito, nabubuo ang mga ulap na maaaring magdulot ng biglaang pag-ulan o thunderstorm sa hapon o gabi.
Tinatawag namang easterlies ang mainit at mahalumigmig na hangin mula sa Karagatang Pasipiko na maaaring magdulot ng pag-ulan lalo na sa silangang bahagi ng bansa.
Sa ilang bahagi ng tag-araw, maaaring bumaba ang intertropical convergence zone sa Pilipinas, ITCZ sa Pilipinas, na nagdudulot ng madalas na pag-ulan dahil sa pagsasalubong ng hangin mula sa hilaga at timog.
Kahit tag-init, may mga panahon na may namumuong low-pressure areas na maaaring magdala ng ulan. Minsan, may bagyo rin kahit hindi pa tag-ulan, lalo na mula Abril hanggang Mayo.
Kapag malapit nang magsimula ang tag-ulan, maaaring maramdaman ang habagat na nagdadala ng mainit at mahalumigmig na hangin mula sa Karagatang Indian. Nagdudulot ito ng madalas na pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Kaya naman ang panahon ng tagtuyot sa Pilipinas, hindi nangangahulugan na wala nang mararanasang pag-ulan. May mga natural na proseso sa atmospera na maaaring magdala ng ulan sa panahon ng tagtuyot.