27.5 C
Manila
Miyerkules, Abril 2, 2025

Informational storybooks, napapanahon

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHALAGA ang mga informational storybooks. Kung dati-rati, ang pagturing sa mga ganitong aklat ay the ugly duckling of children’s literature (ayon sa pahayag ng namayapang si Dr. Lina Diaz De Rivera ng UP Diliman), hindi na ngayon. Marami nang magagandang aklat pambatang kung hindi man non-fiction ay part story, part informational. Isa na rito ang aklat-pambatang inilathala ko kamakailan sa ilalim ng Lampara Books – ang “Lampin Para Kay Quintin” na iginuhit naman ni Marcus Nada.

Tungkol ito sa bedwetting o ang pag-ihi sa kama habang natutulog.

Sa toilet training na ginagawa sa mga bata, ang “kontrol sa pag-ihi habang natutulog” ang pinakahuling stage sa lahat. Dito na inaalis ang nakasanayang pagsusuot ng lampin o diaper sa kanila. Maraming factors ang nagtutulong-tulong para mangyari ito kaya iba-iba rin ang edad ng bata sa pagkakaroon ng complete bladder control. May mga batang nasa edad apat hanggang lima na naiihi pa rin sa kama. Pero hindi lamang mga batang maliliit ang naiihi sa kama. May mga batang kahit nasa Grade 2 o Grade 3 na, lalaki man o babae, ay nangyayaring naiihi pa rin sa kama habang natutulog. Enuresis ang medical term para sa bedwetting.

Maraming dahilan kung bakit nangyayari ang bedwetting. Maaaring ang kanyang nervous system ay di pa gaanong alerto upang ipabatid ng kanyang pantog sa kanyang utak na puno na ito at dapat nang bumangon para umihi. Puwede ring medyo maliit ang pantog kaya madaling mapuno. Pero sinasabing kapag ang mga magulang (kahit ang isa sa kanila) ay naihi rin sa kama noong paslit pa, mataas ang tsansa na mangyari rin ito sa kanilang anak. Kaya naman huwag sisihin ang bata!

Totoong nakaka-upset ang gumising sa gabi para palitan ang damit, kumot, at kubrekamang naihian. Pero dapat tayong maging mapagpasensiya. Tandaan natin na ang batang naihi sa kama ay labis nang napahiya sa nangyari kaya di na siya dapat pang pagalitan. Hindi rin naman niya gusto ang nangyari. Sa mga pagkakataong ganito, kailangan niya ang pag-alo at reassurance na malalampasan din niya ito sa pagdaan ng mga araw.


Huwag na nating ikuwento sa mga kapitbahay o kakilala ang nangyaring bedwetting sa inyong anak. Lalo lamang siyang mapapahiya. Matuto tayong irespeto ang kanilang privacy. Kalaunan, mapapansin natin na di na halos nababasa pa ang kama ng ating mga anak.

 Mga tips kung paano haharapin ang ‘bedwetting’

  • Maging cool sa ganitong sitwasyon. Batiin ang anak sa mga gabing di siya naihi sa kama. Sa mga gabi namang naulit ang bedwetting, huwag siyang pagalitan. Sabihin lamang na bumangon siya at inyong papalitan ang kaniyang damit at sapin ng kamang higaan.
  • Kung naranasan n’yo ring maihi sa kama noong inyong kabataan, ipaalam ito sa anak upang maisip niyang posible rin niyang malampasan ito. Kayo mismo ang patunay!
  • Huwag nang painumin ng maraming tubig ang anak sa gabi bago humiga sa kama. Agad mapupuno ang kaniyang pantog.
  • Ipaalala sa kaniyang magtungo muna sa toilet bago tuluyang matulog.
  • Iwanang bukas ang ilaw ng toilet para di siya matakot bumangon kapag naiihi
  • Kung paulit-ulit ang nangyayaring bedwetting, kausapin ang anak upang malaman kung may gumugulo ba sa kaniyang isipan

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -