27.9 C
Manila
Huwebes, Abril 3, 2025

PNP nagbabala sa mga may-ari ng baril laban sa iresponsableng paggamit ng firearm

- Advertisement -
- Advertisement -

PINAALALAHANAN ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng may-ari ng baril na laging isaalang-alang ang responsableng paghawak at paggamit ng kanilang mga armas. Ito ay matapos ang isang insidente ng road rage sa Antipolo City noong Linggo ng hapon, kung saan nauwi sa pamamaril at nagresulta sa pagkasugat ng apat na indibidwal. Ang pangyayaring ito ay naganap sa kabila ng umiiral na gun ban na ipinatutupad mula pa noong Enero 12, 2025, bilang bahagi ng direktiba ng Commission on Elections (Comelec) para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ngayong election period.

Batay sa datos ng PNP hanggang Marso 30, 2025, umabot na sa 2,056 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa gun ban. Sa bilang na ito, 161 ang nahuli sa mga checkpoint, 1,017 ang nadakip sa police response, 365 ang naaresto sa mga anti-illegal drug operation, 138 ang nahuli sa buy-bust operation, at 375 naman ang inaresto sa iba pang operasyon ng pulisya. Sa kabuuan, 2,147 na baril na ang nakumpiska bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa ilegal na pagmamay-ari ng armas at upang maiwasan ang karahasan gamit ang baril.

Dahil sa patuloy na pagdami ng mga paglabag, isinulong ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang mas mahigpit na parusa para sa mga iresponsableng gumagamit ng baril. Kanyang iminungkahi ang panghabambuhay na diskwalipikasyon sa pag-renew ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at firearm registration para sa mga sangkot sa firearm-related offenses. Kasabay nito, inirekomenda rin niya ang agarang pagbawi ng kanilang kasalukuyang LTOPF at rehistro ng baril upang matiyak na hindi na sila muling makakapagmay-ari ng armas. Ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang regulasyon sa baril at tiyakin na tanging mga responsableng indibidwal lamang ang may pribilehiyong magmay-ari nito.

“Ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyo, hindi isang karapatan. Ang sinumang aabuso sa pribilehiyong ito at maglalagay sa peligro sa kapwa ay mahaharap sa buong bigat ng batas. Election period man o hindi, dapat nating panatilihin ang responsableng paggamit ng baril upang maiwasan ang walang saysay na karahasan,” ani PNP Chief Marbil.

Dagdag pa niya, dapat laging pairalin ng mga gun holders ang pasensya at disiplina, lalo na sa tensyonadong sitwasyon. Aniya, kailanman ay hindi dapat magpadala sa galit kapag may dalang baril.

“Huwag tayong magpadala sa galit. Sa isang iglap, maaaring magbago ang buhay dahil sa isang maling desisyon. Tandaan natin—huli lagi ang pagsisisi kapag may nasaktan o napatay dahil sa hindi tamang paggamit ng baril,” dagdag ni PNP Chief Marbil.

Nanawagan ang PNP sa lahat ng gun owners na sumunod sa mga regulasyon sa pagmamay-ari ng baril at mag-ingat sa paggamit nito. Mahigpit ding binabantayan ng mga awtoridad ang mga lumalabag, at hinihikayat ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa PNP hotline at opisyal na social media accounts ang anumang kaso ng ilegal o mapanganib na paggamit ng baril.

Sa nalalapit na 2025 national at local elections, patuloy ang PNP sa pangangalaga sa kaligtasan at seguridad ng publiko, bilang pagsuporta sa adhikain ng administrasyon ni Pangulong Marcos na tiyakin ang pagpapatupad ng batas at proteksyon ng bawat Pilipino. (PNP-PIO)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -