31.8 C
Manila
Lunes, Marso 31, 2025

Digmaan sa kalakalan at krisis sa pandaigdigang pananalapi 

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG patuloy na pagbabanta ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos sa pagpataw  ng taripa sa mga produktong inaangkat mula sa mga bansang kakalakalan nito ay tinatapatan ng paghihiganti ng mga naapektuhang ekonomiya sa pagbabanta rin ng pagpapataw ng taripa sa mga produktong gawa sa Estados Unidos na pumapasok sa kanilang bansa. Ang ganitong kalakaran ay nauuwi sa digmaan sa kalakalan na may masasamang epekto sa kalakalang global. Sa nakaraang mga sanaysay sa kolum na ito tinalakaay ko ang epekto digmaan sa kalakalan sa pagbaba ng pambansang kita sa mga bansang nagpapataw ng taripa at buwis sa exports bunga ng maling alokasyong ng mga yaman samantalang tumataas naman ang kanilang presyo ng palitan sa kalakan (terms of trade). Sa maikling sanaysay na ito ay tatalakayin ko ang isa pang mahalagang layunin ng mga bansa sa pagpapataw ng taripa at buwis sa exports at ang epekto nito sa posibleng pagbuo ng pandaigdigang krisis pananalapi.

Isa pang mahalagang dahilan sa pagpapataw ng taripa ng isang malaking ekonomiya na hindi ko naisama sa mga naunang sanaysay sa kolum na ito ay upang bawasan ang lumalaking deficit sa Balance of Payments (BOP) ng ekonomiya.  Ang layuning ito ay inihayag ni Donald Trump sa kanyang masidhing kampanya sa pagpapataw ng matataas na taripa sa mga inaangkat na mga produkto. Sa pagliit ng BOP deficit ng bansa sa pamamagitan ng pagliit ng kanyang inaangkat nagiging matatag ang salapi ng bansa at hindi ito nanganganib na sumailalim sa depresasyon.

Samantala, ang mga nagpapataw ng buwis sa eksports ay upang paliitin ang kanilang eksport nang mapatatag ang kanilang salapi nang hindi ito sumailalim sa banta ng apresasyon bunga ng lumalaking BOP surplus mula sa napakalaking eksport. Sa pagliit ng kanilang eksports humihina ang pwersang pataasin ang eksternal na halaga ng salapi.

Dahil ang pagpapataw ng taripa at buwis sa eksport ng mga malalaking ekonomiya ay nagpapatatag sa kanilang salapi, nagbabawas sa kanilang pambansang kita at nagpapataas ng kanilang presyo ng palitan sa kalakalan, nauuwi ang mga epektong ito sa BOP surplus at paglikom ng dayuhang pondo sa mga nabanggit na mauunlad at malalaking ekonomiya lalo’t higit sa mga bansang nagpapataw ng taripa sa kanilang inaangkat.

Samantala, ang mga maliliit na bansa ay nakararanas ng paglawak ng kanilang BOP deficit bunga ng patakarang naghihigpit sa kalakalan ng mga mauunlad at malalaking ekonomiya na nagpapatamlay sa ekonomiyang global at nagpapababa ng kanilang presyo ng palitan sa kalakalan. Ang kanilang BOP deficit ay maaaring tustusan sa pamamagitan ng mga eksternal at internal na pamamaraan. Sa pamamaraang eksternal, maaari silang mangutang sa bansang may malalawak na BOP surplus tulad ng mga bansang mauunlad na nagpataw ng mga taripa. Kaya lang ayaw magpautang ng mga bansang ito at pataasin ang kanilang inaangkat dahil maaaring manganib ang katatagan ng kanilang salapi. Dahil dito, napipilitang tustusan ang BOP deficit ng mga maliliit na bansa sa pamamagitan ng mga pamamaraang internal kasama ang pagbababa ng kanilang gugulin. Ngunit ang alternatibong ito ay may limitasyon din at mahirap ipatupad bunga ng napakalaking sakripisyo sa mga maliliit na ekonomiya. Ang pagbaba ng gugulin sa pagkonsumo, pangangapital at gugulin ng pamahalaan ay mauuwi sa pagbagal ng paglaki ng malilit na ekonomiya.


Ang ganitong sitwasyon ay mitsa sa isang pandaigdigang krisis pananalapi dahil ayaw magsakripisiyo ng dalawang kampo upang tugunan ang lumalalang problema sa pangdaigdigang pananalapi. Ayaw gamitin ng mga mauunlad na bansa ang mga pondo nila mula sa malalaking BOP surplus upang maipautang sa mga maliliit na ekonomiya nang matustusan nila ang kanilang malalaking BOP deficit. Sa kabilang dako, ayaw din namang paliitin ng mga maliliit na bansa ang kanilang mga gugulin dahil nanganganib ang kanilang paglaking ekonomiko.

Maihahambing ang pagtangging magsakripisyo ng dalawang kampo sa nangyari noong 1971 na nauwi sa pagbuwag ng Bretton Woods system. Ayon sa Smithsonian Agreement noong 1971, hinikayat ang mga bansang may malalaking BOP  surplus ay taasan ang kanilang pag-aangkat at mga bansang may malalawak na BOP deficit na bawasan ang kanilang pag-aangkat. Ngunit kaunti lamang ang pagtaas ng inaangkat na isinagawa ng mga bansang may malalaking BOP surplus dahil natakot silang magkaroon ng mabilis na inflation rate sa kanilang ekonomiya. Samanatala, hindi rin naging sapat ang pagbabawas ng inaangkat ng mga ekonomiyang may matataas na BOP deficit dahil natakot silang bumagal ang paglaki ng ekonomiya. Dahil away magbigay daan ng mga malalaking ekonomiya sa isa’t isa napilitang suspendihin ni Pangulong Richard Nixon ang pagpapalit ng mga US dolyar na hawak ng mga bansang may malalawak ng BOP surplus sa ginto. Dahil dito, nabuwag ang Bretton Woods system dahil ang pagpapalit ng US dolyar sa ginto ay pundasyon ng sistemang pananalipi ito.

Batay sa pagsusuri sa itaas, maaaring itanong kung ang pagpapatupad ni Pangulong Trump ng pagpapataw ng matataas na taripa sa mga inaangkat ay nagbabadya ng malawakang resesyon sa buong mundo at isang pandaigdigang krisis pananalapi.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -