Katapusan ng Dalawang Bahagi
PAPAANONG magiging likhang kamay ng CIA si Duterte gayong kaliwa’t kanan, ang banat niya ay sa Amerika?
Una muna, bakit nilikha ang Trojan Horse? Upang pagkanlungan ng mga sundalong magbubukas sa pinto ng Troy at ibuyangyang ang siyudad sa pamuksang atake ng Griyego.
Sabi nga ni Francisco Balagtas, “Kung ang isalubong sa iyong pagdating ay masayang mukha’t may pakitang giliw, lalong kaingata’t pakaiisipin, kakabakahin kaaway na lihim.”
Nahalal na presidente si Duterte sa kalagayan ng lumalalang away ng Amerika at China para sa hegemoniya sa rehiyong Asya-Pacifico. Sa hidwaan, maliwanag na palaki nang palaki ang inilalamang ng China. Nagawa nitong ipatanggap sa 10-miyembrong Asean ang consepto ng Code of Conduct on the South China Sea (COCSCS) na ang pinakamatingkad na pinagkakaunawaan ay ang prinsipyo ng pagresolba ng mga hidwaan sa rehiyon sa hanay lamang ng mga miyembro ng Asean, walang pakialam ang sinomang panlabas na kapangyarihan. Kulang na lang na tukuyin ang kapangyarihang panlabas na iyun bilang Amerika, na pangunahing kokontra sa konsepto na ito. Ibabaw sa mga isinusulong na adhikain ng Amerika sa rehiyon ay ang Freedom of Navigation Operation (FONOP) na ano pa ba kundi ang kalayaan na maglabas-pasok sa South China Sea na ayon sa minsang pag-amin ni dating US Vice President Kamala Harris ay daluyan ng tinatayang taunang $3 trilyun komersyo ng Estados Unidos. Ang sinundan ni Presidente Duterte na administrasyon, ang kay namayapang Benigno Aquino III, ay sinaksihan ng pagbagsak ng halos 100 porsiyento ng relasyong Chino-Pilipino. Ganap ang embargo ng China sa pag-angkat ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas tulad ng gulay, prutas at mga kataying hayop. Isandaang porsiyento rin ang embargo ng China sa mga dalaw ng mga turistang Chino sa Pilipinas.
Hindi ko sisikaping magbigay ng mga tagong paliwanag kung bakit kakailanganing magluklok ang Amerika ng presidente sa Malakanyang na lantarang maamo sa China. Magkakasya na lamang ako sa pagtukoy kung ano ang totoong nangyari at bahala na ang kasaysayan na maghusga sa kinalabasan nito.
Una, sa kabila ng maraming balakid, naging presidente nga si Duterte. Pangalawa, pinabayaan siyang magtagal hanggang sa katapusan ng kanyang termino.
At aminin na, sa buong termino ng kanyang panunungkulan, naging tampok ang lumilitaw na pagbuti ng ugnayang Chino-Pilipino, dahilan kung bakit sa pangmundong hidwaan ng China at Estados Unidos, litaw na litaw ang kanyang pagiging China Boy.
Bumaha ang tulong Chino na kaloob sa Pilipinas sa lahat ng larangan ng sosyo-ekonomikong kaunlaran.
Nanumbalik ang mga turistang Chino bilang numero uno sa datingan sa Pilipinas. Bumalik ang sigla ng pagluwas sa China ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas. Sa panahon ng Covid-19, umabot sa milyung doses ng Sinovac ang kaloob ng China na nagligtas sa milyung buhay ng mga Pilipino, dagdag pa ang panapanahong tulong ng China sa mga sinasalanta ng bagyo sa Pilipinas. At pinakamatingkad na marahil, ang karagdagang dalawang tulay sa Pasig River na itinayo ng China sa halagang 5 milyung dolyar, kaloob sa Pilipinas nang libre.
Saang anggulo mo man tingnan, sa ugnayang China-Duterte, totoo ang minsang winika ni Joe Biden: “Iron clad.”
Pinagbuklod ng bakal, di magigiba.
Pero sa kaso ngayon ng pag-aresto kay Duterte ng ICC (International Criminal Court), ako ang giba. Nito lamang na nakaraang dalawang araw, nasumpungan ko sa TikTok ang panayam kay Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon. Isinawalat sa panayam na talagang inasahan na ni Digong na aarestuhin siya ng ICC at ang talagang dahilan kung bakit nagpunta siya sa Hongkong ay upang humingi ng asylum sa China.
Dalawa ang dahilan kung bakit ito sa katunayan – ang pagbigay ng China ng asylum kay Duterte – ang pinakapinangangambahan kong maganap.
Una, batay sa mga pahiwatig, Trojan horse nga si Duterte. Ang asylum ay patunay lamang na nagtagumpay ang Amerika sa pagtatanim sa kanya sa kapusu-pusuan ng China.
At pangalawa, ang China na pinakapinanaligan ko mula’t sapul ay hindi pala karapat-dapat sa kahit katiting ng aking dalisay na pananampalataya.
Ang pananampalatayang ito ay masisinag sa mga sanaysay hinggil sa China na lumabas sa aking kolum na My Say sa Manila Times mula pa 2010. Nalimbag ang mga sanaysay sa isang aklat na may pamagat na China The Way, the Truth and The Life.
Ang perang ginastos ko sa paglimbag ng aklat ay dapat sapat na upang itawid ang aking buhay hanggang sa aking pagretiro, subalit minarapat ko pa rin na gugulin sa paglimbag ng itinuturing kong kalipunan ng mga hiyas na sanaysay hinggil sa nag-iisang paniniwala na hindi uunlad ang Pilipinas nang hindi sa daang tinahak ng China.
Tanong ko nga sa isang artkulo: “Can one be pro-Filipino without being pro-China (Maaari bang maging pro-Pilipino nang hindi nagiging pro-China)?”
Pero ganyang lumilitaw na kukupkupin pala ng China ang kabayo ng katrayduran na hinubog ng Amerika, ano pa ang aking magagawa kundi gagarin si Thích Quảng Đức, isang Vietnamese Mahayana Buddhist monk, na noong 1963 ay sinunog ang sarili sa mataong bahagi ng Saigon bilang protesta sa mga panggigipit na dinanas noon ng populasyong Budhista sa ilalim ni Presidente Ngo Dinh Diem ng South Vietnam.
Sa liyab ng nalalabi pang dalawang libong kopya ng aking aklat, papailanlang ang dalisay na ispiritu ng aking naunsiyaming panampalataya: China The Way, The Truth and The Life.
Sa nakaraan kong kolum sa Manila Times, isang bukas na liham ang ipinarating kay Chinese Ambassador sa Pilipinas Huang Xilian.
Bahagi ng liham ay ganito ang sinasabi (isinalin sa wikang Pilipino mula sa orihinal na English):
“Ang pag aresto kay Duterte ay puno ng malalabong larangan. Naganap ito sa panahon na mayroong papalakas na kilusang people power na tinatawag na Maisug, panigurong ang layunin ay pagpapalit ng rehimen. Walang kasaysayan ang China na kumunsinti ito sa ganitong paraan ng pagbabago, lalo’t higit ang pasimunuan ito. Na nagpapatuloy ang kilusan ay tunay na nakaaalarma. Lahat ng kilusang pagbabago ng rehimen sa Pilipinas ay lumitaw na mga nasa pagkumpas ng Amerika.
Ayokong sabihin, subalit kung magtatagumpay ang lumilitaw na suporta ng China sa Maisug ni Duterte na Iayuning iluklok si Sara – hindi kailangang pamalit kay Bongbong kundi, huwag nawang itulot ng Diyos, pangulo ng ng hiwalay na Mindanao – ibig sabihin, napaglaro ng Amerika sa kanyang mga kamay ang China.
Sabi sa English, “How magnificently clever of Duterte to have gained the best of both worlds!”
Amerika na, China pa.
Hanggang masumpungan ko nga ang panayam kay Larry Gadon na nagsiwalat na totoong humingi sa China ng asylum si Duterte – at tumanggi ang China na bigyan siya!
Naririyan ang tunay na katuturan ng pagkaaresto ng ICC kay Duterte.
Bigo ang Estados Unidos na palusutan ng Trojan Horse ang China.
- Advertisement -