Unang bahagi
KAMAKAILAN ay dumalo ako at ang aking mga kapwa dalubguro sa isang faculty conference na inorganisa ng UP Manila na may temang Transforming Paradigms in the 21st Century. Naging napakamakabuluhan ng dalawang araw na pagtitipon at babalik kami sa aming mga klase at komunidad nang may mas malalim na pagpapahalaga sa propesyon, sa isa’t isa at sa bayan.
Ang sumusunod na tala ay ilan sa mga natutunan at repleksyon ko sa nagdaang komperensiya.
- Ang kanselasyon ng orihinal na venue ng komperensiya ay hindi naging hadlang sa tagumpay ng kabuoang programa. Sa katotohanan, ang bagong venue ay sumisimbulo sa kakayahan ng pamantasan na umangkop sa mga hamon at nagbabagong kondisyon. Mas naging makahulugan ang pinagdausang lugar sa konteksto ng naging papel ng pamantasan sa kasaysayan ng bansa. Sa talumpati ni Vice Chancellor for Academic Affairs Dr. Heizel Bernadette Manapat-Reyes kanya itong binigyang-diin: “As you look around and see the cement floor and the canvas walls,
I hope you see the history of UP Manila as well – how we have stood firm on our mandate to teach and to serve in the most arduous circumstances.” Pinagtibay ng malalim at mapagkumbabang repleksyong ito ang kasaysayan, konteksto at kapaligiran ng UP Manila bilang isang institusyon ng pag-asa at paglilingkod. - Naging malalim na balon ng repleksyon ang bawat plenary speech. Isa rito ay ang introspeksyon na maaaring magsimula ang landas at adbokasiya ng isang propesyonal sa larangan sa pamamagitan ng serye ng mga pukaw-kamalayan at pukaw-damdaming karanasan sa buhay. Hindi nangyayari ang reyalisasyon ng isang indibidwal sa isang iglap o tagpo dahil isa itong dialektikal proseso. Ganito isinalarawan nina dating UP Vice President for Academic Affairs Dr. Maria Serena Diokno bilang historyador at Ramon Magsaysay awardee Dr. Bernadette Madrid bilang child rights advocate ang kani-kanilang karanasan at pakikibaka. Lagi’t laging may panlipunang konteksto ang ating personal at propesyonal na buhay. Gamit ang sociological imagination ni Charles Wright Mills ay mabibigyang linaw ang tambalan at talaban ng personal at panlipunan o ng biograpikal at sosyal na pag-iral.
- Mahalaga na hinahamon din natin ang mga kinagawian at nanaig na paradigma. Ayon pa rin kay Dr. Diokno, ito dapat ang magsilbing lunsaran at simula ng pagsusulong ng transpormatibong balangkas. Dumudugtong ito sa binigyang-diin ni dating UP Vice President for Academic Affairs Dr. Cynthia Rose Bauzon-Bautista ukol sa kahalagahan ng reflexivity o ang pagiging mapagnilay ukol sa ating kakanyahan at konteksto. Sa parametrong ito ay mahalagang unawain at hamunin ang ating mga kinagisnang prinsipyo, proseso at paraan sa akademya.
- Mas pinagtibay ng komperensiya ang mahigpit na ugnayan ng honor, excellence at service na dapat sinasalamin ng trifocal functions ng pamantasan (teaching, research at public service). Sa kontekstong ito, napakahalaga ng dugtungan ng pagtuturo, mentoring, pananaliksik, publikasyon at serbisyo publiko. Halimbawa, kailangan isulong ang research-informed teaching at teaching-informed research. Gayundin, mahalagang palakasin ang action-research sa larangan ng pagtuturo at serbisyo publiko. Kritikal din na maging oportunidad para sa mentoring sa pagitan ng mga dalubguro ang larangan ng pagtuturo, pananaliksik at serbisyong pangkomunidad. Mahalagang tandaan na dugtungan at hindi nakakahon ang mga larangan.
- Maraming oportunidad ang nagbubukas sa mga komperensiya kagaya ng teaching, research at public service collaboration. Kasama rito ang mas malalim na pagkakaibigan. Limitado ang ganitong pagkakataon sa ordinaryong araw ng pagpasok sa trabaho kaya ipinagpapasalamat namin ang mga ganitong okasyon. Mahalaga rin ang mga ganitong ‘conscious interruption’ upang huminto, makapagpahinga at magnilay bilang isang reflective practitioner.
- Kaungnay nito, mahalagang maging mapagnilay sa konteksto ng kapaligiran at kasaysayan. Itinampok ni UP President Angelo Jimenez ang kritikal na papel ng UP Manila sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas lalo na sa gitna ng digmaan, ligalig at pandemya. Binigyang-diin niya ang pagbalik-tanaw sa nakaraan upang mas mapahalagahan ang trajectory at thrust ng UP Manila bilang constituent campus na may natatanging karanasan at kasaysayan. Mahalaga ang ganitong pagpopook (o pagkokonteksto) upang mas maunawaan ang posisyonalidad ng institusyon sa larangan at mas malawak na lipunan.
- Tinalakay rin ni dating UP Open University Chancellor Dr. Melinda Bandalaria na kapwa mahalaga ang ‘walking the talk’ at ‘talking the walk.’ Ang una ay ang pagsasapraktika ng prinsipyo, panuntunan at plano. Ang ikalawa naman, bilang halimbawa, ay ang layunin ng kanyang presentasyon sa komperensiya at ito ay upang maitampok ang state-of-play play at best practices sa larangan. Ipinamamalaki kong naging guro ko si Dr. Bandalaria sa Social Responsibility Communication (Communication 370) at Advocacy Communication and Social Mobilization (Communication 380) sa doktorado.
- Bukod sa UP Manila, kapuri-puri rin ang pag-imbita sa mga kabilang sa ibang constituent units (CU) ng UP System kagaya ng UP Diliman, UP Los Baños at UP Open University. Naging bahagi rin ng komperensiya ang mga opisyal at dalubguro sa School of Health Sciences ng UP Manila sa iba’t ibang panig ng bansa (Palo, Baler, Tarlac, at Koronadal). Napakahalaga nito upang matuto ang lahat mula sa iba’t ibang karanasan at konteksto. Nakakapanabik ang pagkakaroon ng mas marami pang ganitong pagkakataon sa hinaharap.
- Nakamamangha rin ang academic trajectory at social commitment ng ilang dumalo, Mayroong nagsimula sa larangan ng sociology kagaya ni School of Health Sciences Dean Dr. Charlie Labarda pero nagtuloy sa medisina at yaong nagsimula naman sa medisina pero higit na nagpakadalubhasa sa social development katulad naman ni School of Health Sciences Prof. Dr. Meredith del Pilar-Labarda. Mauunawaan sa mga natatanging karanasang ito ang dugtungan ng mga disiplina at larangan para mas maging ganap at kontekstwalisado ang ating pag-unawa at pagtugon sa mga problemang panlipunan. Sa pamamagitan din nito ay mas nagiging interdisciplinary, interprofessional, intersectoral, at transboundary ang dulog o lapit (approach).
- Bagaman pangkaraniwang itinuturing na isang health science center, ang UP Manila ay may malaking potensyal tungong interdisiplinaryong kolaborasyon. Bukod sa College of Medicine (CM), College of Dentistry (CD), College of Nursing (CN), College of Public Health (CPH), College of Allied and Medical Profession (CAMP), National Teacher Training Center for the Health Professions (NTTC-HP) at School of Health Sciences (SHS) ay mayroon ding College of Arts and Sciences (CAS) ang UP Manila. Sa CAS matatagpuan ang mga sumusunod na kurso: BA Development Studies (kung saan ako kabilang), BA Political Science, BA Social Sciences (major in Area Studies), BA Behavioral Sciences, BA Organizational Communication, BA Philippine Arts, BS Biology, BS Biochemistry, BS Computer Science, BS Applied Physics, Master of Management, Master of Science in Health Informatics, Master of Science in Applied Physics at Master of Science in Data Science (Health Data Science). Batay sa multidisiplinaryong katangian ng CAS ay hindi matatawaran ang ambag at potensyal nito na higit na mapalakas ang pag-aaral ng health social science, political economy of health, social and political determinants of health, community-based health policy and governance, history of health, ethnomedicine, integrative medicine, medical sociology, planetary health, One health, urban health, rural health, health communication, healing arts, medical humanities, health informatics, health data science, medical physics at marami pang iba.
Itutuloy sa susunod na linggo ang ikalawang bahagi.Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa jnponsaran@up.edu.ph
- Advertisement -