NAKATANGGAP ako ng paanyaya mula kay Dr. Ryan Guinaran, ang kasalukuyang country manager ng AIDS Healthcare Foundation (AHF), na makibahagi sa binabalak niyang aktibidad para sa mga kabataang babae ngayong Buwan ng Kababaihan (Women’s Month). Nagpaplano raw ang kanilang oganisasyon na magdaos ng isang workshop sa mga kabataan gamit ang aking sinulat na chapter book na pinamagatang ‘Unang Dalaw’ (na inilathala ng Hiyas Books ng OMF Literature noong panahon ng pandemya; at iginuhit ni Hulyen).
Nais ni Dr. Guinaran na ako mismo ang magdaos ng isang session sa sining ng pagkukuwento sa mga kabataang babae na magiging community counselors. Layon nilang makapagturo o makapagbahagi ng mga kaalaman tungkol sa menstruation o pagreregla sa mga kabataang babae sa komunidad.
Si Dr. Guinaran, ang doktor na nasa likod ng aktibidad na ito, ay isang awardee ng The Outstanding Young Men (TOYM). Nagtapos siya ng Medisina sa UP College of Medicine at kilalang community youth leader sa dakong Cordillera, partikular ang lalawigan ng Benguet. Sinadya naming dalawa, kasama ang kanyang staff na si Kuya Vic, ang dakong Libertad sa Pasay City kung saan matatagpuan ang headquarters ng ‘Community and Family Services International’ (CFSI), isang non-government organization na may sangay sa ating bansa.
Nadatnan naming naghihintay na ang mga kabataang babae na inihahanda nilang maging youth leaders/counselors. Natuwa ako nang makita na kabilang sa staff ng naturang NGO ay ilang kababaihang Muslim, bukod pa sa mga dumalong kabataang babaeng Muslim na participants sa naturang pagsasanay. Patunay ito na ang mga kababaihang Muslim ay mulat may partisipasyon na rin pagdating sa usapin ng sexuality education, partikular ang menstrual health literacy, sa mga adolescents. Hayun at namakyaw si Dr. Guinaran ng mga kopya ng aklat na ito sa idinaos na Philippine Book Festival (na nataon naman sa iskedyul nang pagbisita namin sa naturang NGO).
Sinimulan ni Dr. Guinaran ang session sa pagtatanong sa mga kabataang ito tungkol sa naiibang katangian ng mga kababaihan sa lipunan. Mataman kong pinakinggan ang kanilang mga sagot na kakikitaan ng kanilang mataas na pagpapahalaga sa kayang gawin ng mga kababaihan, lalo na ng mga babae sa kani-kanilang pamilya (nanay, lola, tiyahin, kapatid, iba pang kaanak at kaibigan). Binalikan din nila sa kasaysayan ang pagkakaroon ng mga babae ng karapatang bumoto (the right to suffrage) at ang kontribusyon ng mga women leaders ng ating bansa.
Pagkatapos nito ay ipinakilala ko sa kanila ang bitbit na aklat ng AIDS Healthcare Foundation: ang aking pangalawang chapter book na tumalakay sa puberty concerns. Bago pa lumabas ang aklat na ‘Unang Dalaw’ ay sinulat ko rin ang chapter book na pinamagatang ‘Tuli o Di-Tuli’ (iginuhit naman ng kilalang cartoonist na si Manix Abrera) tungkol sa nakasanayang praktis ng pagpapatuli o circumcision dito sa bansa. Nagpasalamat si Dr. Guinaran na may ganitong aklat na tumatalakay sa ilang maseselang paksa gaya nang pagkakaroon ng unang dalaw (menarche) ng mga babaeng nasa pagitan ng edad 10-16. Sa panahon ngayon, mapapansing pabata nang pabata ang pagdating ng ‘unang dalaw’ sa mga babae. May nagsabi pa nga sa mga participants na una siyang dinatnan noong edad 9-10 lamang siya. Naisip ko kung kay kaugnayan kaya ang ating kinakain o ang ating kapaligiran sa maagang pagdating ng buwanang dalaw?
Tinanong ko sila at pinag-usapan namin ang mga mito at mga nakalakhan nating paniniwala patungkol sa pagreregla. Sa puntong ito ay naging masaya ang lahat habang inaalala ang ilang nakasanayang praktis sa pagdating ng kauna-unahang dalaw (kung tawagi’y ‘menarche’). Heto ang kanilang mga sagot. Karamihan din ay nabanggit ko sa aking aklat:
– “Bawal maligo (para hindi mabaliw!)”
– “Bawal kumain ng maaasim na prutas (para hindi huminto ang regla!)”
– “Ipapahid ang isinuot na underwear sa mukha, matapos mahugasan ang naturang underwear (para hindi taghiyawatin!)”
– “Lumundag ng tatlong baitang sa hagdan (para tatlong araw lamang magtatagal ang buwanang dalaw!)”
Ipinaliwanag ko sa kanila na mahalagang maitama ang maling paniniwala ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagkukuwento (storytelling). Na isang magandang tool o kasangkapan ang pagkukuwento upang maibahagi ang isang kaalaman sa mga makikinig sa paraang magaan at masaya. Na ang simpleng pagkukuwento ay isang mabisang entry point sa isang komunidad dahil ‘less threatening’ ito.
Ipinaliwanag ko rin na ang paraang gagamitin sa pagkukuwento ay batay sa kahingian ng sitwasyon at lugar. Halimbawa, iba ang pagkukuwentong pang-entablado (o teatro) kung saan medyo eksaherado ang mga movements ng storyteller. Iba rin kung sa radio nagkukuwento (kung saan ang voice projection ay mas binibigyang-pansin) o sa TV (kung saan mas naha-highlight ang iba’t ibang facial expressions at voice projection). At siyempre, kung mas intimate ang paraan ng pagkukuwento (dahil dalawa o tatlo lamang sa grupo), mas kaswal lamang ang paraan ng pagkukuwento. Hindi dapat maging OA o overacting.
Ibinahagi ko sa kanila ang naging gabay ko kapag naaanyayahan akong magkuwento, sa eskuwelahan man o sa ilang pagtitipon. Mahalagang relaxed lamang at hindi restless ang storyteller. Binanggit ko rin ang kahalagahan nang pagkakaroon ng ‘eye contact’ sa mga nakikinig. Ang ating mga mata ay naghahatid ng mensahe sa kung gaano tayo karubdob o kung gaano tayo ka-sincere sa ating ibinabahagi. Puwedeng tumingin sa mga noo ng nakikinig kung hindi kumportableng makipagtitigan. Isa pa, maganda ring may interaksiyon ang storyteller sa kaniyang audience. Sa paanong paraan? Maaaring magbigay ng tanong na makapanghihikayat na sagutin ng audience. O maaari ring lapitan ang ilang participants at hilinging basahin nito ang ilang linya sa binabasang aklat. Sa gayong paraan ay patuloy nating mae-engage ang pakikiisa at interes ng audience.
Ayon kay Jenny, isa sa mga namamahala ng CFSI, malaking tulong ang naturang aklat para lubos na maipaunawa sa mga kabataang babae ang disenyo ng Diyos sa kanilang katawan pagdating ng ‘unang dalaw’ na magiging hudyat ng regular na buwanang dalaw. Maaari rin daw nilang anyayahan ang mga kabataang lalaki sa kanilang aktibidad. Nais niyang ipunto na hindi lamang pambabae ang menstrual health education. Ito’y para sa lahat. At kahit ang mga lalaki ay hindi puwera rito.
Sa pagwawakas ng aming aktibidad, nilapitan ako ni Maxy, isang counsellor at lead facilitator ng GirlsAct na isang organisasyong sinusuportahan ng AIDS Healthcare Foundation (AHF). Sabi niya, natuwa siya nang makitang may kasamang ‘Question and Answer’ ang aklat sa dakong likod. Natalakay raw nito ang ilan pang tanong na nasa kanyang isip patungkol sa buwanang dalaw gaya ng kung bakit minsan ay may kaakibat na dysmenorrhea (painful menstruation) ang menstruation o sa anong punto ng menstrual cycle lumalabas ang isang hinog na ovum (egg cell). Bonus daw na may listahan pa ng mga tips kung paano pangangalagaan ang sarili sa panahon ng buwanang dalaw.