32.4 C
Manila
Martes, Abril 15, 2025

Sa bawat pahina, pamana ay edukasyon at inspirasyon

- Advertisement -
- Advertisement -

TULAD ng isang libro, ang bawat pahina ay may iba’t ibang kwento — may lungkot, may saya, at may tagumpay.

Isa sa mga babaeng may kwento ng inspirasyon ay si Easter Wahayna-Pablo, isang ilaw sa mundo ng edukasyon at pagbabago sa puso ng lungsod ng Baguio.

Si Pablo ay hindi lamang isang ordinaryong guro — siya rin ay tagapagtaguyod ng pagbabago sa kanyang komunidad.

Sa bawat pahina ng kanyang buhay ay nakatala ang mga kwentong nagbibigay-inspirasyon sa marami. Sa bawat pahina ng aklat na kanyang binuksan, isang estudyante ang kanyang ginabayan; sa bawat komunidad na kanyang pinatatag, isang mahalagang aral ang kanyang iniwan.


“Nakita ko kasi na hindi ganon yung public library before. I had the study when I was taking up my master’s degree, ‘yon ang naging study ko. The awareness of the people in the community about the city library and really it’s very low, and it’s also the study of, let’s say nag questionnaire din ang DILG ganon din. It’s awareness, it’s very low, wala akong magagawa. You know to tackle on that issue kasi nakita ko na eh. So ‘yon yung naging study ko and I made an action plan, although it did not materialize but then a few years after my graduation in my master’s, na implement ko na rin. That’s why, ito na ang ating public library,” saad ni Pablo.

Si Pablo ay isa sa mga pinarangalan bilang isang natatanging babaeng lider sa lungsod ng Baguio kamakailan. Hindi lamang sa loob ng silid-aklatan nagtatapos ang kanyang misyon.

Sa kanyang mga inisyatibo sa community development, pinagtibay niya ang pagkakaisa at hinubog ang mga lider ng hinaharap upang mapalawak ang kanilang kaalaman at karunungan.

“I guess, we have to be empowered and we have also to learn. Hindi yung one-time learning lang. Actually, it’s a life-long learning eto. So, we keep on learning, we keep on empowering ourselves also. So, once we keep on learning, we keep on empowering ourselves nagagawa natin ang mga makakaya natin na ipakita at ibigay na iseserbisyo sa community…” dagdag ni Pablo.

- Advertisement -
Si Easter Wahayna-Pablo ay isa sa mga kinilalang Outstanding Women Leaders of Baguio City kamakailan

Ang kanyang adbokasiya ay patuloy na umangat — hindi lamang ang mga kababaihan kundi gayundin ang mga kalalakihan sa larangan ng edukasyon upang makapagbigay ng liwanag sa mga kabataan na nangangailangan ng edukasyon.

“Hindi lang kami naka-focus sa kalalakihan, ganun din sa kababaihan, it’s not because we are celebrating Women’s Month ay dapat naka-focus tayo sa kababaihan. Meron din naman sa kabila, dapat dalawa,” ani ni Pablo.

Ang kontribusyon ni Pablo ay hindi lamang basta parangal sa kanyang pangalan — ito ay pamana ng inspirasyon.

Masasabing hindi biro ang magtagumpay sa larangan ng edukasyon, ngunit si Pablo na isang babaeng lider ay nag-iwan ng marka na mahirap pantayan.

Sa mundo ng pagtuturo, hindi madali ang mag-iwan ng bakas. Ngunit si Pablo ay nagawa ito nang may malasakit, dedikasyon, at pagmamahal sa kaalaman.

Ngayong pagdiriwang ng Women’s Month, sabay-sabay nating gunitain ang mga hindi mapantayang sakripisyo at serbisyo ng mga kababaihan. (DEG/Angela De Vera-PIA DMMMSU Intern)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -