30.6 C
Manila
Lunes, Marso 24, 2025

Ilang obserbasyon sa mga pagbabago ng wika

- Advertisement -
- Advertisement -

PATULOY na nagbabago ang alin mang wikang buhay. Ang pagbabago ay maaaring sa pagbigkas ng mga salita, paggamit ng mga panlapi para makabuo ng mga salita, pagsusunod-sunod ng mga salita sa pagbubuo ng pangungusap, o sunuran ng mga sangkap ng pangungusap, pagdaragdag o pagbubuo ng bagong bokabularyo, pagbibigay ng bagong kahulugan sa mga dati nang salita, at panghihiram ng mga salita. Maaaring hindi agad matukoy ng karaniwangtagapagsalita ang mga pagbabagong ito, pero sa isang mapagmasid sa wika, agad napapansin at
naitatala ang mga pagbabagong ito.

Maraming salik/factor kung bakit nagaganap ang mga pagbabagong ito. Ngayon, hindi na mga Tagalog lamang, o mula sa mga lugar na Katagalugan, ang nagsasalita ng pambansang wika.
Dahil sa migrasyon, maraming tagapagsalita na nagmula sa iba-ibang rehiyon; mangyari pang dala nila sa pagsasalita ng wikang Filipino ang unikong katangian ng kanilang unang wika.
Marami ring pumapasok na mga hiram na salita na maaaring mabigkas ng iba-ibang tao sa iba-iba ring paraan. Kung minsan naman, may mga taong nagpapauso ng ibang bigkas o ibang paglalapi sa simpleng dahilan na gusto nilang mapaiba. At kapag pinulot ng marami ang pauso, magiging malaganap na ito.
Kamakailan, may naoobserbahan akong ilang bigkas ng mga salita at gamit ng panlapi, na naiiba sa karaniwan. Hindi ko tiyak kung lalaganap ito at magiging bahagi ng wikang Filipino, dahil iilan pa lamang ang mga kaso, pero sa tingin ko ay karapat-dapat pa ring maitala at masuri. At medyo kakatwa ang mga pormasyon ng mga salita dahil lumalabag sa kinikilalang mga tuntunin.
Kailangan ko lang linawin: hindi ko sinasabing mali ang mga ito. Naiiba sa karaniwan, oo, pero sa hinaharap, maaaring maging pamantayan ng kawastuan. Hindi natin masabi sa ngayon.
Nasesetress? Magseseskedyul? Simayl/Simile!
Ang tinutukoy ko ay ang pagbigkas at paglalapi ng ilang indibidwal sa ilang hiram na salitang may sunurang tunog ng /s/ at katinig. Ang mga halimbawa ay stress, schedule, at smile.
Sa Filipino, ang /s/ sa Ingles ay tinutumbasan ng is sa bigkas at baybay. Kaya ang school sa Ingles ay naging iskul sa Filipino (bagama’t pwede ring paaralan o eskwelahan) at ang scholar ay naging iskolar. (Ibang kaso naman ang estudyante na mula sa Kastilang estudiante.) Ang stress ay pwedeng maging istres at ang schedule ay iskedyul, at ang smile ay ismayl (bagama’t marami pa ring gumagamit ng ngiti).
Pero kamakailan ay naobserbahan ko ang ganito:
1: Ang gulo-gulo ng bansa natin. Nasesetres na tuloy ako sa mga balita ngayon.

2: Ako nga rin, nasesetres sa bigkas mo.
Kung pagbabasehan ang mga dating tuntuning alam natin, sa reduplikasyon o pag-uulit ng mga salita, ang inuulit ay unang katinig (K) at unang patinig (P) ng salitang tangkay/ugat. Batay rito, ang dapat sinabi ay: Naiistres.
Ito naman ay hango sa isang podcast na umere noong Marso 15, 2025. Ang pinag-uusapan ay ang unang pagharap ng dating presidente Rodrigo Duterte sa International Criminal Court. Sabi ng abogado: “magseseskedyul ng lenggwahe – French or English, at magseseskedyul ng subsequent hearings.”
Schedule/iskedyul ang salitang hiram dito.
Ito naman ay mula sa isang reel sa Facebook. Larawan ng isang baby, at may voice over: “Pag sinabi kong smile, simayl! (Smile na binigkas na simayl)
Mula sa isang balita sa TV: “nagso-slow down.”)
Masasabi sigurong kakaiba ang tunog na /s/ dahil isang letra lang sa wikang pinaghiraman, pero dalawang letra ang katapat sa Filipino: /is/. Dito siguro nagsisimula ang kalituhan. Bagama’t kung tutuusin ay simple lang naman. May impit na tunog (katinig) bago bigkasin ang bawat patinig kaya ganito ang estruktura ng salitang iskedyul: ‘ (impit na tunog)+is.ked.yul. Anyong pangkasalukuyan na may pag-uulit: mag-iiskedyul. Gayon man, ang binigkas ay: mag.se.ses.ked.yul. Gayon din ang nangyari sa nasesetres, simayl, at nagso-slow down. Sa halip na isingit ang patinig sa unahan ng s, inilagay ito pagkabigkas ng s. Nagsingit ng patinig (e) bago bigkasin ang kasunod na katinig (t sa stress, k sa iskedyul at patinig na o bago ulitin ang s
sa slow down.)
Mali ba ito? Hindi. Maaaring iba lang talagang magproseso ang mga millennial at Gen Z kaysa sa mga gaya natin na nauna sa kanila.
Pede, pepwede, pwepwede
May sari-sariling tatak ang mga broadcast journalist pagdating sa pagbigkas at reduplikasyon ng salitang pwede. May isa riyan na 30 taon nang pede, pepede ang bigkas; mayroon namang pepwede, at mayroon ding pwepwede. (Sa tuntunin sa pagbaybay ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang tinatanggap na baybay ay puwede) Batay sa tuntunin ng Balarila, ang wastong anyo ay pupwede dahil ang inuulit ay unang K at unang P ng salitang tangkay. P at U/W kung gayon. Tanggapin nating varayti ng wika ang mga ito.
Kaugnay rin nito ang biyahe/byahe, na nagiging babyahe sa maraming broadcast journalist.
Ano ang inulit? Sa halip na I ay A ang inulit kaya sa halip na bibiyahe ay naging babiyahe. May ilan pang katulad na mga halimbawa. Pero hayaan na, varayti nga ng wika.

Mayroon bang panlaping NI?
Walang panlaping NI sa Filipino. Pero dahil sa prosesong tinatawag na metatesis, o lipat-lugar ng mga tunog, ang IN ay nagiging NI kapag ang salitang ugat ay nagsisimula sa mga letrang L, R, at Y. Mga halimbawa: luto – NIluto (hindi linuto), reyp – NIreyp (hindi rineyp), yari – NIyari (hindi yinari).
Sa kasalukuyan, maraming tagagamit ng wika ang gumagamit ng NI sa mga salitang hiram. Mga halimbawa: NI-promote, NI-prosecute, NI-delete, NI-demolish, NI-delay, NI-try, NI-convict, atbp.
Tandaan: ginagamit lamang ang NI- kapag ang salitang ugat ay nagsisimula sa L, R, at Y. Ngunit ginamit ng ilan ang NI para hindi mabasag ang salitang ugat. Ganito ang magiging anyo ng mga salitang nabanggit kapag sinunod ang tuntunin: pinromote, pinrosecute, dinelete, dinemolish, tinry, kinonvict. Pero pinili ng ilang tagagamit ang NI- para manatiling buo ang hiram na salitang ugat – baka nga naman malito ang babasa o makakakita ng mga salitang ganito ang ispeling.
Pero sa binagong tuntunin ng KWF, tinatanggap na ang dinelete, dinemolish at sinalvage. Wala pa silang tuntunin sa tinry (mula sa try) pero may ilan nang pangahas na sumubok ng ganitong baybay. Mayroon na ring pinush (mula sa push). Mangisa-ngisa pa nga lamang dahil popular pa naman ang subukin/subukan at itulak.
Sadyang ganyan ang wikang buhay. Patuloy na nagbabago. Walang magagawa ang linggwista kundi ilarawan ang mga pagbabagong ito.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -