ANG strategic management ay isang mahalagang bahagi ng organizational development at ito ay kinakapalooban ng tuloy-tuloy na proseso ng pagsisiyasat, pagbuo, pagpaplano, pagpapatupad, pagmomonitor, at ebalwasyon ng stratehiya tungo sa katuparan ng mga hangarin ng organisasyon.
Ang mga sumusunod ay tala ng mga kaalaman at repleksyon ukol sa strategic management alinsunod sa layuning magpaunlad ang organisasyon at idemokratisa ang pamamahala. Alinsunod din ito sa panuntunan na ang strategic management ay value-adding sa organisasyon at lipunan.
- Mahalaga ang papel na ginagampanan ng strategic management upang tiyakin ang tuloy-tuloy na pag-uswag (o pag-unlad) ng organisasyon at ng mga bumubuo ritong departamento at indibidwal. Sa parametrong ito, dapat tiyaking nagtatambal ang organizational policies, organizational plans at organizational strategies. Gayundin, inaasahang nagtutugma at may koordinasyon ang iba’t ibang mga departamento sa layunin, patakaran, gampanin, programa at proyekto.
- Ang mga patakaran at plano ay nagkakaroon ng kongkretisasyon at katuparan sa pamamagitan ng stratehiyang ginagamit sa pamamahala. Sa kontekstong ito ay napakahalaga ng papel ng mahusay at responsableng pamumuno. Kaugnay nito ay napakakritikal sa strategic planning ang sense of purpose at strong resolve ng pamunuan ng organisasyon.
- Esensyal din ang awareness at assessment (indibidwal at institusyonal) sa strategic management upang matukoy ang unique value proposition (UVP) ng organisasyon. Totoo ito lalo na kung mahigpit ang kompetisyon lalo na sa pribadong sektor.
- Ihanda lahat ng mga kaukulang dokumento bilang bahagi ng preparasyon, pagsisiyasat at pagpaplano. Kaugnay nito ay kailangang maaasahan ang sistema ng knowledge management ng organisasyon. Kapwa mahalaga sa strategic management ang tacit (local, informal, uncoded) at explicit (institutional, formal, coded) knowledge. Pareho silang bukal ng kontekstwalisado at kapakipakinabang na impormasyon.
- Dapat matukoy at maimapa ang rekurso (resources) na mayroon ang organisasyon. Inaasahang epektibo at episyenteng magamit ang mga ito para sa katuparan ng mga itinakdang layunin at plano. Sinisimulan ito sa pamamagitan ng resource mapping, asset mapping, at environmental scanning. Dito mahalagang maunawaan na ang mga rekurso ay limitado at kailangang mapamahalaan ng responsible (responsible resource management).
- Esensyal na tinutugunan ng strategic management ang sistematiko at matalinong pagpapasya ukol sa prayoridad ng organisasyon. Limitado lamang ang rekurso kaya mahalagang mailatag din ang order of priority alinsunod sa pinagtibay na layunin.
- Kagaya ng anumang layuning pangkaunlaran, nasasagot sa pamamagitan ng strategic management ang mga mahahalagang katanungan na “para saan/para kanino?” at “sa paanong paraan?” Samakatwid, ang strategic management ay dapat may malakas na etikal na salalayan (ethical foundation). Mahalagang inaalam din ng organisasyon ang inaasahan at di-inaasahang epekto ng patakaran, plano, stratehiya, programa at proyekto.
- Pinagtutuunan ng strategic planning at strategic management ang long-term at grand-scale goals. Bukod sa mga long-term goal, dapat ding aktibong sinusubaybayan ang mga short-term at medium-term target upang matiyak kung nasa tamang landas pa rin ang tinatahak ng organisasyon. Dapat malinaw sa lahat kung paanong ang mga short-term, medium-term at long-term goal ay dumudugtong at sumusuhay sa isa’t isa.
- Sa pagsasagawa ng strategic management, mahalaga na nauunawaan ang kasalukuyang istruktura ng organisasyon at ang umiiral na organizational climate at organizational identity. Batay rito ay napakahalaga ng self-reflection, reflective action, at collective reflective action (critical praxis).
- Bahagi ng proseso ng strategic management ang pagsasagawa ng SWOT analysis na sumasaklaw sa strengths at weaknesses (internal) at maging sa opportunities at threats (external). Sa kontekstong ito ay napakahalaga na nauunawaan ng pamunuan ang internal complexity sa pamamagitan ng internal insight at maging external variability gamit ang external foresight. Bagaman ginamit ni Anthony Oliver-Smith (1999) ang mga konsepto ng external variability at internal complexity sa konteksto ng kalamidad ay makikita rin ang potensyal na aplikasyon nito sa danas ng mga organisasyon.
- Magiging epektibo lamang ang strategic management kung tukoy rin ng organisasyon ang mga kinakaharap na hamon at ang mga angkin nitong limitasyon. Kung gayon ay napakahalaga ng socio-historical analysis. Dapat maging mapagnilay at nagpapakatotoo ang organisasyon sa usaping ito. Kasama sa mga konsiderasyong sinisiyasat ang kondisyon ng human resources, leadership, financial capital, organizational resilience, social network at iba pa.
- Mahalaga na maunawaan ang kasalukuyang kalagayan ng organisasyon (situationer) dahil dito nakabatay ang isasagawang inisyatiba at interbensyon. Alamin din dapat ang umiiral na organizational culture at institutional image.
- Bilang konsiderasyon sa iba’t ibang sektor sa malawak na larangan at lipunan, importanteng maunawaan ang partikularidad ng mga sumusunod: owners and investors, leadership, finance, internal quality assurance, customer and clients, suppliers, competitors, unions, government, regulatory bodies, community at environment. Bagaman may mga pagkakapare-pareho, mayroon ding mga pagkakaiba-iba depende kung ang konteksto ay publikong sektor, pribadong kompanya o voluntary organization.
- Sa external evaluation, maaaring gamitin ang PESTEL analysis tampok ang mga sumusunod na dimensyon: political, economic, social, technological, ecological at legal. Mahalagang maunawaan na ang mga dimensional focus na ito ay mayroong tambalan (convergence) at talaban (divergence).
- Bunga ng umiiral na VUCA world (volatile, uncertain, complex, and ambiguous), inaasahang handa ang organisasyon na tugunan ang mga nagbabagong katangian ng larangan, industriya at lipunan. Kabilang dito ang mga nagsusulputang hamon kagaya ng political instability, wealth inequality, climate challenge, disaster risk at technological disruption. Mas epektibo itong matutugunan gamit ang socio-ecological model ni Urie Bronfenbrenner na kinapapalooban ng mga sumusunod: individual, micro, meso, at macro systems.
- Inaasahan din na sa pamamagitan ng strategic management ay magiging tuloy-tuloy ang proseso ng pagkatuto at makabubuo ng mga bagong perspektibo, metodo, paraan at stratehiya. Kaya talagang mahalaga ang edukasyon at pagsasanay upang maging isang learning organization.
- Kaugnay nito, partikular din dapat na isinasaalang-alang ang tatlong kasalukuyang technological disruptions at ang implikasyon ng mga nito sa organisasyon: artificial intelligence, immersive technologies at quantum computing. Pinatutunayan din nito na talagang mahalaga ang anticipatory perspective at pagiging lifelong learner para maiwasan ang cultural lag at administrative lag.
- Sa strategic management, huwag kalimutan na mahalaga ang mga sumusunod: effectiveness, efficiency, economy, equity, ecology, at ethics. Samakatuwid, isinasaalang-alang dapat ang social equity at ecological sustainability maliban sa financial viability.
- Sa simula’t sapul dapat ay may malinaw na sense of purpose ang pamunuan at ang mga bumubuo sa organisasyon. Ito ay dapat sinasalimin ng kanilang mission, vision at goal (MVG). Ang mismong pagbuo ng MVG ay dapat ding maging demokratiko at desentralisado.
- Kaugnay nito ay dapat malinaw din ang layunin at direksyong nais landasin ng organisasyon. Kapwa dapat ito sinasalamin ng coded at uncoded norms ng institusyon.
- Mahalaga rin sa strategic management ang pagsasakapangyarihan (empowerment) ng mismong mga stakeholder ng organisasyon. Kaalinsabay nito ang pagtiyak na demokratiko ang salimbayan ng prinsipyo, patakaran at proseso.
- Hindi magiging matagumpay ang strategic management kung wala itong kolektibong katangian. Napakahalaga ng kaisahan at konsensus sa pagbuo, pagpapatupad at ebalwasyon ng layunin at stratehiya. Ito ay hindi lamang dapat itinatakda mula sa itaas kaya mahalaga ang diskusyon at talastasan.
- Bahagi ng mahusay at responsableng pamunuan ang pagtiyak na ang stratehiyang gagamitin ay theory-informed at evidence-based. Kaya kapwa mahalaga talaga ang knowledge management at scientific research sa strategic management at organizational change.
- Upang matiyak ang matagumpay na paghalaw ng stratehiya, ito ay kailangang sumailalim sa masusing pagsisiyasat, pormulasyon, pagpapatupad, pagmonitor at ebalwasyon. Kapwa esensyal ang quantitative at qualitative analysis sa magkakaugnay na mga proseso at yugtong ito. Samakatuwid, pareho dapat ang iginagawad na pagpapahalaga sa ‘stats’ at ‘stories’ bilang datos.
- Ang pagbuo ng stratehiya ay dapat nakabatay sa mga sumusunod: layunin, problema, rekurso, datos, at konteksto. Sa mga parametrong ito, mahalaga na gawing interdisciplinal, interprofessional at intersectoral ang maging dulog ng organisasyon sa praksis ng pamamahala upang maging lahatang-panig ang pagdedesisyon.
- Tandaan na ang ebalwasyon ay maaring isagawa sa iba’t ibang yugto ng strategic management. Ang pagsasagawa ng ebalwasyon habang kasalukuyang nagpapatupad ng proyekto o programa ay pagkakataon upang mabago ang mga pagkakamali at mas mapabuti ang strategic management sa kabuoan.
- Kailangang malinaw at masasandigan din ang parametrong gagamitin upang sukatin (success metrics) kung nagiging/magiging matagumpay ba ang stratehiya. Tulad ng sinabi na, huwag kalilimutan ang qualitative feedback.
- Sa strategic management, kapwa mahalaga ang dalawang ito: ‘walk the talk’ (apply) at ‘talk the walk’ (communicate). Ang ‘walk the talk’ ang titiyak sa praksis. Samantalang sa pamamagitan naman ng ‘talk the walk’ ay naisasakatuparan ang mga sumusunod: dokumentasyon, rekognisyon at pananagutan bilang pinakamahalaga.
Bilang pagbubuod, ang matagumpay na strategic management ay inaasahang hahantong sa katuparan ng mga sumusunod: (1) pagkakamit ng mga itinakdang layunin, (2) responsableng paggamit at makatwirang alokasyon ng limitadong rekurso, (3) pagpapahinto ng mga depektibong stratehiya, (4) pagbuo ng mga alternatibong stratehiya, at (5) tuloy-tuloy na pagkatuto at pag-unlad bilang indibidwal at institusyon.
Para sa inyong mga reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]