UNCLE, international women’s month pala ngayon.
Oo, Juan. At nagkataon pa na marami ang sumaya sa ginawang desisyon ng tatlong babaeng hukom ng International Criminal Court na arestuhin sa wakas si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kaso ng extra judicial killings.
Wow, sigurado ako na nagbubunyi ang mga kababaihan, Uncle. Pero matanong ko nga. Sa larangan ba ng pag-iinvest, sino ang mas magaling, ang mga babae o mga lalaki?
Maganda ang tanong mo, Juan. May pag-aaral na nagpapatunay na may gender gap sa buong mundo pagdating sa finance at investment, katulad ng pagsusuri ng World Bank sa kanilang Global Findex Survey 2021 na nagsasabing:
- Sa mga developing economies, 74 porsiyento ng kalalakihan ang may bank account kumpara sa 68 porsiyento ng kababaihan.
- Mas maraming lalaki (40 porsiyento) kesa babae (32 porsiyento) ang nakatanggap ng digital payment.
- Higit na mas maraming lalaki (59 porsiyento) ang kayang bumuo ng emergency money kesa sa mga babae (50 porsiyento).
- Ang mga lalaki ay 6 na porsiyentong mas may potential na kumuha ng mobile money accounts kesa sa mga babae.
- Mas marami sa mga babaeng walang bank account ang walang financial confidence kumpara sa mga kalalakihan.
- Ang mga lalaki ay hindi masyadong nastrestress sa mga routine na gastusin kumpara sa mga babae na mas worrier o madaling mag-alala.
Sa Pilipinas, malinaw na meron ding gender gap sa finance at investment. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas sa kanilang Financial Inclusion Survey 2021:
- Mas maraming babae ang may bank account kesa lalaki pero lumiit na ang kanilang gap mula 14 porsiyento nung 2017 sa 3 porsiyento nitong 2021.
- Ang mga babae ay 9 porsiyento na mas may potensyal na kumuha ng microfinance na account at 2 porsiyento para sa pagkakaroon ng cooperative account. Kumpara ito sa mga lalaki na 6 na porsiyentong mas may posibilidad na magkaroon ng bank account kesa sa kababaihan nung 2021.
- Medyo parehas ang babae at lalaki sa pagkakaroon ng mobile money accounts.
- Mabilis ang pagdami ng mobile money accounts kesa sa microfinance account. Ang mga consumers ay mas gustong magsave sa bank account, 21 porsiyento nung 2019 kumpara sa 31 porsiyento nung 2021.
- At dahil walang masyadong gender gap sa mobile money, malaki ang oportunidad para mas gawing accessible ito at iba pang financial services para sa mga kababaihan.
Sa tanong kung sino ba ang mas mahusay na saver o investor, lalaki ba o babae? Ito ang mga sinasabi ng mga pag-aaral at obserbasyon ng mga bangko at investment houses:
- Mas saver ang babae kesa lalaki.
- Dahil mas masinsin ang mga babae sa research bago maginvest at mas bukas ang kanilang isip na mag diversify ng kanilang mga investments, mas positibo ang returns o kita ng mga ito.
- Mas segurista ang babae at mas umiiwas sa mga high risk na investments kesa sa mga lalaki.
- Mas mahirap para sa mga babae ang mag-adjust sa pinansyal na mga bagay pagdating sa retirement.
- Ang mga babae ay mas long-term ang financial goals kesa sa mga lalaki na mas tinitingnan kung paano kumita kaagad.
- Kumpara sa mga lalaki na mas gustong i-manage ang sariling investments dahil naniniwala sila sa kanilang kaalaman, ang mga babae ay hindi nahihiyang humingi ng tulong pagdating sa pera at wealth management dahil mas realistic sila sa kanilang mga limitasyon.
- Ang mga babae ay mas may pasensya at disiplina pagdating sa investment.
- Mas magaling ang mga babae sa pagmamaneho ng emosyon katulad ng takot o greed na kadalasa’y nakakaapekto sa mga pinansyal na desisyon.
Maraming mga katangian ang mga kababaihan na nakakatulong sa pagiging isang magaling na investor.
At ngayong women’s month, ipagdiwang natin ang kanilang galing at husay sa larangan ng finance at investment.
Dapat ang ating pamahalaan, partikular sa mga policymakers at lehislatura, na mas buksan at palakasin ang mga polisiya at infrastruktura para matulungan pa lalo ang mga kababaihan na maging malakas na bahagi ng pagpapalago ng ekonomiya at yaman ng bansa.
O, Juan, bilib ka ba sa mga kababaihan?