SA idinaos na Kidscreen Summit sa San Diego, California nitong nakaraang buwan, lumabas sa mga talakayang naganap na karamihan daw sa mga pamilya ngayon sa Amerika ay kasabay na nanonood ng mga bata ang kanilang magulang o iba pang nakatatandang miyembro ng pamilya. Co-viewing kung tawagin ito ng mga media practitioners. Lalo raw na kapansin-pansin ang praktis ng co-viewing sa mga kabahayang may nakatirang pre-schoolers. Bagama’t ito ang nakikitang trend ngayon sa Amerika, wala pang pag-aaral o latest research sa Pilipinas ngayon tungkol dito. Pinapraktis ba ang ‘co-viewing’ ng mga pamilyang Pilipino?

Ano nga ba ang tinatawag nating ‘co-viewing’? Ang co-viewing, sa konteksto ng media consumption, ay tumutukoy sa sama-samang akto ng panonood ng content sa isang connected TV device gaya ng smart TV o ano mang streaming device. Maaaring dalawa o tatlo o higit pa ang sabay-sabay na nanonood ng TV, pelikula, o iba pang media content, sa screen, sa iisang lugar. Dito’y madalas na nakakasama ng isang nakatatanda ang bata upang magkaroon siya ng ideya sa kung anong apps, games, shows, music, at iba pang online content ang pinagkakaabalahan nila. Sa gayong paraan, mas naiintindihan natin sila.

Puwede n’yong hingin ang permiso ng inyong mga anak na nag-aaral na (school-age children) kung puwede kayong makisali sa kanila sa panonood nila ng pelikula, sa mga gaming sessions, sa panonood ng Youtube o Tiktok, o sa pakikinig ng musika, podcast, at iba pang audio content. Sakaling may makita kayong content na di kanais-nais, maaari namang kausapin nang maayos ang inyong anak. Madiplomasyang pag-uusap, sabi nga. Tandaan na ang ‘co-viewing’ ay kaiba sa pagpupulis.

Ano ba ang pakinabang na makukuha natin sa co-viewing, kung ito man ay nais ipraktis ng mga sambahayang Pilipino? Pinasisilip tayo nito sa online world o sa online experience ng bata upang maintindihan natin sila. Puwedeng magbigay-daan ito sa mga kuwentuhan o talakayan ng mga maseselang paksang tinalakay sa pinanood. Tumutulong din ito upang maka-develop ng bonding time sa pagitan ng magulang at anak. Dahil dito, nabibigyan tayo ng tsansang matulungan ang ating anak habang patuloy ang kanilang pagbababad sa digital landscape.

Napakarami ng streaming services ngayon. Hindi lamang sa Amerika kundi pati rito sa atin ay aktibo ang mga streaming platforms para sa mga TV series na pambata. Nandiyan ang Disney Plus, Netflix, Prime Video, at Hulu.
Sa Disney Plus, nangunguna ang seryeng Bluey, Mickey Mouse Clubhouse, at Spidey and His Amazing Friends. Sa Netflix, nangunguna ang CoComelon, Avatar: The Last Airbender, Gabby’s Dollhouse. Sa Prime Video, kasama sa mga nangunguna ang SpongeBob Squarepants, Paw Patrol, at Peppa Pig. Mapapansin na ang mga top-performing kids series ngayon ay nabibilang pa rin sa establisadong franchises.
Kitang-kita ang epekto ng mga palabas na ito sa mga batang Pinoy. Minsan, habang kumakain ako sa isang fastfood, narinig kong kinakausap ng mga magulang ang isang batang waring may kakaibang English accent habang nagsasalita. Hindi naman masasabing English-speaking ang mga magulang ng naturang bata. Agad kong naisip na baka nakuha ng bata ang English accent sa napapanood niyang TV series. Maaaring nanonood ang bata ng CoComelon o Peppa Pig. Gayon din ang obserbasyon ng ilang mga kaibigan ko patungkol sa mga batang naging matatas magsalita sa Ingles kahit hindi Inglisero/Inglisera ang mga magulang.
Dahil sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, lalo na sa aspekto ng streaming services, posible na ang sabay-sabay na panonood sa iba’t ibang devices (multi-device viewing), dahilan upang ang pamilya ay makapanood ng sama-sama sa iba’t ibang platforms. Mas tinatangkilik ang content ng palabas ngayon na nakaaabot sa parehong bata at nakatatanda. Ang mga storyline na nagtataas sa family bonding , gayon din ang mga kuwentong tumatalakay sa iba’t ibang family structures, ay waring mas tinatangkilik.

Bilang tugon sa naturang trend sa Amerika patungkol dito, ano kaya ang puwedeng gawin ng ahensiyang National Council for Children’s Television (NCCT) sa ganitong sitwasyon? Una, ang NCCT ay nagpaplanong bumuo ng pampamilyang ‘Media and Information Literacy’ (MIL) resources na nagtatampok sa co-viewing at intergenerational discussions tungkol sa media consumption. Ito’y maaaring sa pamamagitan ng interactive videos, discussion guides, at family activity kits.
Upang mas lumaki ang maabot ng ganitong kampanya, nagpaplanong makipag-collaborate ang NCCT sa ahensiyang gaya ng Department of Education (DepEd) upang ma-integrate ang mga resources na ito sa school curriculum. Puwede ring makipartner sa iba pang ahensyang panggobyerno o iba pang local government units (LGUs) at community organizations. Maaari ring magtayo ng mga MIL hubs sa mga barangay para mas lumawig pa ang naaabot ng programa. Ang pagpapalaganap ng ganitong makabuluhang programa ay dapat na maisakatuparan. Makatutulong ang pagkakaroon ng MIL Storytelling Sessions o MIL Mobile Caravans upang maabot ang iba’t ibang komunidad.
Subukan nating tingnan ang online world ng ating mga anak sa pamamagitan ng ‘co-viewing.’ Hindi naman masamang samahan ang ating mga anak habang sila’y nakatutok sa kani-kanilang screen (cellphone, iPad, at computer). Pero panatihing bukas ang isip habang patuloy tayong nagna-navigate sa nagbabagong daigdig ng mga bata’t kabataan