MAGANDANG balita para sa mga manggagawa at employer! Magiging mas mabilis at madali na ang pagresolba ng mga hindi pagkakaunawaan sa lugar-paggawa sa pagpapatupad ng Department Order No. 249, Series of 2025, na naging epektibo matapos itong maipalathala sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon noong Pebrero 15, 2025.
Pinaghusay ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang proseso ng conciliation-mediation nito sa ilalim ng Single Entry Approach (SEnA), isang sistema na idinisenyo upang gawing mas mabilis at patas ang paglutas ng mga isyu sa paggawa nang hindi kinakailangan ang mahal at mahabang legal na paglilitis. Binuo ito sa pamamagitan ng mga konsultasyon sa mga grupo ng manggagawa, employer, at mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang isang mas mahusay at maayos na proseso ng paglutas ng hindi pagkakaunawaan sa lugar-paggawa.
Sa ilalim ng bagong alituntunin, mas magiging madali na sa mga manggagawa ang paghahain ng Request for Assistance (RFA). Dati ang RFA ay kailangang isumite sa malapit na pinagtatrabahuhan ng manggagawa, ngunit ngayon, maaari na itong isumite sa tanggapan ng DOLE na malapit sa tirahan ng manggagawa, kung saan ang proseso ay magiging mas madali at mabilis. Saklaw na rin ng bagong panuntunan ang mga platform worker, freelancer, at mga contractual employee, na tumitiyak na mayroon silang malinaw at nakabalangkas na patakaran na tutugon sa mga usapin sa paggawa.
Ang isa pang mahalagang pagbabago ay ang pinasimpleng panuntunan sa representasyon. Ang mga manggagawang hindi makapaghain nang personal ng kanilang mga RFA dahil sa layo o kawalan ng kakayahan ay maaari ng pahintulutan ang kanilang kinatawan na maghain ng RFA para sa kanila, na tumitiyak na ang lahat ay nakatatanggap ng serbisyo sa paglutas ng hindi pagkakaunawaan.
Inilunsad din ng DOLE ang Assistance for Request Management System (ARMS), isang digital platform kung saan ang mga manggagawa at employer ay maaaring mag-file, subaybayan, at lutasin ang mga isyu, online. Binabawasan ng inobasyong ito ang oras ng pagpoproseso at inalis ang mga karaniwang isyu tulad ng multiple filing at referral delay.
Sa taong 2024, prinoseso ng DOLE, kasama ang National Conciliation and Mediation Board (NCMB) at National Labor Relations Commission (NLRC), ang 83,836 RFAs, na nagresulta ng pagresolba sa Php 2.9 bilyon na monetary claims ng 58,212 manggagawa. Sa mga pagbabagong ito, magiging mas mabilis at mas epektibo na ang paglutas ng hindi pagkakaunawaan.
Sa paggamit ng teknolohiya at pagpapahusay ng accessibility, hangarin ng DOLE na malutas ang hindi pagkakaunawaan sa paggawa ng patas, mahusay, at walang gastos.
Para sa mga katanungan, paglilinaw, o anumang usapin ukol sa paggawa, maaaring bisitahin ang pinakamalapit na tanggapan ng DOLE, NCMB, o NLRC o ang opisyal na website ng DOLE: www.dole.gov.ph para sa karagdagang detalye.