MATAPOS lagdaan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080), pinatitiyak ni Senador Win Gatchalian ang epektibong pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program.
Mandato ng naturang batas ang pagbuo ng School-Based Mental Health Program upang isulong ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Magiging bahagi ng programa ang screening, evaluation, assessment, at monitoring; mental health first aid; crisis response at referral system; mental health awareness at literacy; emotional, developmental, at preventive programs; at iba pa. Saklaw rin ng naturang programa ang mga mag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).
“Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral. Kung matitiyak nating abot-kamay ang kinakailangang mga serbisyo, hindi na kailangang magdusa ng ating mga mag-aaral sa panahon ng krisis sa kanilang mental health,” ani Gatchalian, sponsor at may akda ng naturang batas.
Isusulong ng programa ang mental health awareness at tutugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral pagdating sa mental health, kabilang ang pagpigil sa mga kaso ng pagpapakamatay. Mandato rin ng batas na tukuyin ang papel ng iba’t ibang mga stakeholders pagdating sa prevention, intervention, postvention, at recovery.
Magkakaroon ang bawat pampublikong paaralan ng Care Center na maghahatid ng school-based mental health services. Pamumunuan ng School Counselor ang mga Care Center na dapat ay isang registered guidance counselor o registered psychologist.
Magkakaroon naman ang mga Schools Division Offices (SDO) ng Mental Health and Well-Being Offices upang itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral at mga Department of Education (DepEd) personnel sa ilalim ng SDO. Ang Mental Health and Well-Being Office ay pamumunuan ng Schools Division Counselor na dapat ay isa ring registered guidance counselor o registered psychologist.
Upang matugunan ang kakulangan ng mga guidance counselors at matulungan ang paghahatid ng mga school-based mental health services, lumikha ang batas ng mga plantilla positions ng mga School Counselor Associates I to V. Isa sa mga nakatakdang kwalipikasyon sa mga bagong posisyon na ito ang pagkakaroon ng Bachelor’s Degree in Guidance and Counselling or Psychology.