27.7 C
Manila
Martes, Marso 4, 2025

Gabay sa pagdalo sa mga komperensiya

PAGBUBUO (D)

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHALAGA ang papel ng mga komperensiya sa diseminasyon at palitan ng mga napapanahong kaalaman, kasanayan at metodo sa larangan. Pagkakataon din ang komperensiya na pag-isipan at hamunin ang mga dominanteng paradigma at maging ang ating mga sari-sariling pananaw. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga gabay at paalala sa pagdalo at pagiging aktibo sa mga komperensiya tungo sa iyong personal at propesyonal na pagyabong at para sa higit na ikauunlad ng larangan at lipunan.

  • Alamin ang mga pang-akademiko at pangpropesyonal na samahan na nagsasagawa ng taunang komperensiya sa iyong   May mga komperensiya na disiplinal at interdisciplinary ang katangian.  Kapwa daluhan ang mga ito.  Marami ring komperensiya ang bukas sa mga mag-aaral na nagbibigay ng pagkakataon sa kanila na mas malantad at umunlad sa larangan.
  • Sumali rin sa mga pang-akademikong samahan na regular na naglulunsad ng ganitong mga gawain. Pagkakataon ito upang higit na tumalas sa parehong larangan ng teorya at metodolohiya.
  • Alamin ang tema ng komperensiya. Taun-taon ay nagbabago ito alinsunod sa adhikain ng samahan (o organisasyon) at kaugnay ng mga napapanahong isyu o usapin.
  • Paghandaan ang komperensiya kung nais magpasa ng papel na magtatampok sa iyong pananaliksik. (Magsusulat ako ng hiwalay na artikulo rito sa hinaharap.)
  • Tukuyin din kung sino-sino ang kadalasang dumadalo sa komperensiya (halimbawa: mananaliksik, dalubguro, government agency, industry players at iba pa). Makatutulong ito upang mas maunawaan ang pangkalahatang hubog at dinamiko ng komperensiya.
  • Saliksikin din ang mga kaukulang subtopic sa mga parallel session at ang mga paper presenter na kabilang sa bawat isa. Mahalaga ito upang mapagdesisyunan ang kombinasyon ng mga parallel session na dadaluhan.
  • Tiyaking malinaw ang iyong layunin sa pagdalo sa komperensiya (halimbawa: content update, research collaboration, professional networking at iba pa).
  • Tukuyin din ang mga katambal na komperensiya sa pangrehiyunal at pandaigdigang antas para madaluhan sa hinaharap. Mahalaga ito para mas maunawaan ang larangan sa iba’t ibang heograpikal, pang-ekonomiko, panlipunan at pangkultural na konteksto.
  • Maging maingat sa mga predatory conference. Marami ang naglipana sa kasalukuyan.  Kasing laganap na rin ito ng predatory journals at predatory awards. Pinagkakakitaan ng mga ito ang mga bulnerableng biktima.
  • Magsama ng mga kalarangan sa dadaluhang komperensiya. Mahalagang malinang natin ang kultura ng pagiging lifelong learner, reflective practitioner at engaged researcher. Kaya mainam na maging kultura ito ng mga mag-aaral sa tulong ng kanilang mga guro sa mas maagang panahon.
  • Maglaan ng pondo para sa mga dadaluhang komperensiya. Maaari ring humingi ng funding support mula sa kinabibilangang institusyon. Alamin din kung mayroong conference discounts para sa mga guro, mag-aaral o miyembro ng samahan.
  • Tiyaking nakapagbayad sa takdang oras. Itago rin ang resibo bilang patunay ng transaksyon.
  • Magpahinga nang sapat upang nasa tamang kondisyon makinig at makibahagi sa mismong komperensiya.
  • Itala ang pangalan sa registration booth. Maaring maging manual o digital ang prosesong ito. Mahalaga ito para sa paggagawad ng sertipiko ng partisipasyon.
  • Tukuyin kung face-to-face, online o hybrid ang komperensiya. Kung ito ay online, tiyaking tama ang meeting ID at passcode. Alamin din kung may kailangang gamiting virtual background.
  • Magsuot ng tamang kasuotan na angkop sa okasyon. Makatutulong ito upang maipakita ang propesyonalismo.
  • Sumunod sa mga alituntunin ng komperensiya upang matiyak ang maayos nitong daloy at larga.
  • Dumating nang maaga upang makapagparehistro agad at matukoy ang iba’t ibang venue ng plenary at parallel sessions. Mahirap maligaw sa venue at mahuli sa pagsisimula ng programa.
  • Humingi ng kopya ng programa ng komperensiya. Mahalaga ito para masubaybayan ang daloy at matukoy ang pagdadausan ng mga gawain.
  • Alamin ang iba’t ibang bahagi ng komperensiyang dadaluhan (halimbawa: keynote speech, plenary session, panel discussion, parallel session, hackaton, networking break, solidarity dinner at iba pa).
  • Tiyaking madaluhan ang lahat ng plenary sessions. Ang mga ito ay maaaring sa porma ng keynote speech, paper presentation at panel discussion.
  • Pumili ng mga parallel session na alinsunod sa iyong interes at larangan (deepening). Maaari rin naman na pumili ng panel session mula sa ibang larangan upang magpalawak ng kaalaman (broadening).  Mainam din na pumili ng parallel session na may intersectoral, interprofessional, intercultural, intergeographical at intergenerational composition para sa mas ganap na pag-unawa.
  • Irespeto ang iba’t ibang kultura at tradisyon ng mga dumadalo mula sa ibang lahi o pangkat etniko. Totoo ito sa mga international conference o maging sa kaso ng Pilipinas at iba pang multicultural society.
  • Planuhin ang iskedyul at ang mga dadaluhang parallel session alinsunod sa iyong layunin. Sumubaybay rin sa conference website at umantabay sa anunsyo ng conference organizers kung may mga magiging biglaang pagbabago.
  • Tiyaking makahingi ng ipinamimigay na conference kit at tiyaking kumpleto ang laman nito. Alamin din kung mamimigay ng conference proceedings at tiyaking makahingi ng kopya.
  • Hasain ang kasanayan sa komunikasyon dahil mahalaga ito sa pakikibahagi sa Q&A at sa pagpapalawak ng network.
  • Magpakilala sa ibang dumalo at sabihin kung saang larangan ka kabilang at ang substantive focus ng iyong pananaliksik.
  • Matuto mula sa mga nakahanay na presentasyon lalo na sa mga state-of-play ng larangan.
  • Magtala ng mga mahahalagang kaalaman. Mahalaga ang note-taking para sa retensyon ng kaalaman. Repasuhin (review) kung tama ang tala kinalaunan.  Maaaring gamitin ang Cornell notetaking approach. (Magsusulat din ako ng artikulo ukol rito sa hinaharap.)
  • Magdala ng power bank at charger kung gagamit ng mga electronic gadget. Mahalaga ito lalo na kung gagamitin ang smart phone, tablet o laptop sa pagtatala at dokumentasyon.
  • Magpaalam sa conference organizer at sa mismong indibidwal kung maaaring kumuha ng larawan.
  • Dumalo sa mga isasagawang workshop at bumisita rin sa mga tampok na exhibits, bazaars at interactive booths. Pinagyayaman lalo ng mga ito ang kaalaman at karanasan. Nagbibigay rin ang mga exhibitor ng freebies sa mga magrerehistro at prizes mula sa palaro.
  • Maglista ng maaaring itanong at gustong linawin sa mga tagapagsalita. Samantalahin ang pagkakataon na higit na matuto mula sa mga dalubhasa. Magpakilala muna bago magtanong para malaman ng mga tagapakinig ang iyong larangan at institutional affiliation at upang maisama sa dokumentasyon ng programa.
  • Magbigay ng reaksyon at repleksyon sa mga presentasyon para makapagbahagi ka rin ng kaalaman batay sa iyong karanasan at punto-de-vista.
  • Gamitin ang mga natutunan sa mga isinasagawang pag-aaral sa pamamagitan ng tamang pagkilala at atribusyon (acknowledgement at citation). Igalang rin ang intellectual property rights ng mga keynote speaker at paper presenter.
  • Unawain ang pagkakaiba ng pananaw ng mga speaker at presenter alinsunod sa kanilang larangan, propesyon, tradisyon at institusyong kinabibilangan.
  • Gamitin ang pagkakataon para makipag-ugnayan sa mga tagapagsalita at paper presenter sa itinakdang oras na tinatawag minsan na networking break, social hour o meet-and-greet.
  • Bumuo ng ugnayan o network kasama ang iba pang dumalong indibidwal at institusyon. Makatutulong ito sa paglulunsad ng kolektibong adhikain at adbokasiya. Pagkakataon din ito upang makahanap ng research collaborator at mentor.
  • Mag-isip ng kaugnay na research agenda mula sa mga nasaksihang presentasyon ng pananaliksik. May mga presentasyon na maaaring magsilbing inspirasyon at lunsaran ng iyong mga magiging pananakiksik sa hinaharap. Makatutulong na mag-brainstorm kasama ang ibang mga dumalo para rito.
  • Magbigay ng ebalwasyon ng komperensiya sa pamamagitan ng evaluation form na kanilang ipadadala. Ito ay maaaring printed o digital gamit ang ibinigay na QR code.
  • Maglaan ng oras na makapagpahinga upang hindi masagad ang pagod. Maaaring lumabas nang panandalian sa conference hall para maglakad-lakad nang kaunti at lumanghap ng sariwang hangin.
  • Magdala at mamahagi ng calling o business card para sa network building.
  • Ituloy ang ugnayan sa mga conference organizer, tagapagsalita at kapwa dumalo para higit na mapalawig ang nabuong samahan at kasalukuyang talastasan.

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan ng [email protected]

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -