27.8 C
Manila
Martes, Marso 4, 2025

P1.22-B tulay sa Isabela isang dekada bago nabuksan, bumagsak wala pang isang buwan

- Advertisement -
- Advertisement -

MATAPOS ang mahigit isang dekada, nabuksan ang Cabagan-Santa Maria Bridge nitong nakaraang Pebrero 1, 2025. Wala pang isang buwan matapos buksan ito, gumuho na ang isang bahagi nito.

Ang bumagsak na tulay ng Cabagan-Santa Maria sa Isabela. Larawan mula sa MDRRMO CABAGAN

Ayon sa ulat ng The Manila Times, Pebrero 27 ng gabi nang gumuho ang isang bahagi ng tulay habang dumaraan ang isang dump truck, dalawang sports utility vehicle at isang traysikel.

Anim ang naitalang nasugatan sa insidente, kabilang ang isang batang lalaking kagagaling lamang sa sakit na kanser ayon sa isang ulat.

Lima sa mga ito ang nasa ospital pa ng dumalaw ang Department of Social Welfare and Development Region 2 na nagbigay ng tulong pinansyal buhat sa Assistance to Individuals in Crisis Situations na programa.

Sa mga sugatang ito, hindi kabilang ang drayber at pahinante ng trak na siyang unang itinuturong dahilan ng pagbagsak ng tulay dahil sa timbang nitong mahigit na 100 tonelada na hindi dapat dumaan sa naturang tulay.


Ngunit hindi sila ang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad. Ayon sa isa pang ulat, ang flagman ang hinahanap ng mga awtoridad na siyang maaaring papanagutin sa insidente dahil sa umano’y pagpapahintulot nito na dumaan ang dump truck gayong para lamang ito sa mga light vehicles gaya ng mga pribadong sasakyan, motorsiklo at traysikel.

Kailangang may managot

Patuloy ang imbestigasyon ng kinauukulan sa nangyari at nangako ang Malakanyang na papanagutin nito ang sinumang nagkasala lalo na ang mapapatunayang nangurakot sa literal na bumagsak na proyektong ito.

“Nagkausap kami ni Pangulo kahapon regarding this. Ito talaga ay papaimbestigahan,”  ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro sa isang panayam sa radyo..

- Advertisement -

Kabilang sa nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Public Works and Highways-Region 2.

Hiniling nito sa mga eksperto ng Bureau of Design at Bureau of Construction ng DPWH central office na magsagawa pa ng karagdagang evaluation at pagtataya.

Iniimbestigahan din ang pagbagsak ng tulay ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay NBI public information office chief Roland Demetria, pangungunahan ng tanggapan ng NBI sa Isabela ang imbestigasyon kung may posibleng korapsyon na maiiuugnay sa pagguho ng isang bahagi ng tulay.

Nagsimula ang konstruksyon ng Cabagan-Isabela bridge noon pang Nobyembre 2014 sa halagang P1.22 bilyon. Inasahan na matatapos ito sa taong 2019 ngunit nangailangan pa ito ng retrofitting dahil sa mga nakitang depekto dito.

Retrofitting

- Advertisement -

Tinatawag na retrofitting ang proseso ng pagpapatibay muli ng mga naluma nang istraktura upang matiyak na ligtas itong gamitin. Matatawag na retrofitting ang structural upgrade at paglalagay ng mga bagong system. Ginagawa ito sa mga tulay kapag kinakailangang tibayan pa ito para makayanan ang pwersa na wala sa orihinal na disenyo nito.

Halimbawa kung lumindol, kailangang alamin ng kinauukulan kung ligtas pa ang mga tulay, kung hindi ba ito nasira dulot ng lindol o paggalaw ng lupa at kung kinakailangan itong gawin o tibayan para hindi ito gumuho.

Ginagawa rin ang retrofitting kung ang ang orihinal na disenyo ng tulay ay hindi akma sa aktwal na bigat ng mga sasakyang dumaraan dito.

Bukod sa paglindol at kapasidad, marami pang ibang dahilan kung kaya kakailanganin ang retrofitting ng isang tulay.

P1.22 bilyon na tulay pero bawal ang trak

May habang 990 metro ang naturang tulay na may 12 arko na may lawak na 60 metro bawat isa. Mayroon din itong siyam na pre-stressed concrete girder type IVB.

Bagama’t umabot sa P1.22 bilyon ang nagastos sa Cabagan-Santa Maria bridge, hindi umano pinahihintulutan na makadaan dito ang mabibigat na sasakyan gaya ng dump truck na may kargang mahigit 100 tonelada ng graba na dumaan sa kabubukas na tulay.

Ayon sa imbestigasyon ng polisya sa Isabela, may 40 tonelada lamang na kapasidad ang naturang tulay.

Sa isang ulat na inilathala ng isa ring online news site, pinaghananap ang bantay ng tulay dahil sa kapabayaan nito.

Ayon kay Police Maj. Merwin Villanueva, hepe ng pulisya ng Cabagan, maaaring managot ang flagman dahil pinayagan nitong makadaan ang mga trak na naglalaman ng mahigit 100 tonelada gayong 40 tonelada lamang ang kakayahan ng tulay.

Sumuko na rin sa pulisya ang driver ng trak na nahulog sa tulay na nagsabing nagpaalam siya sa flagman matapos niyang makita na dumaan ang isa pang dump truck na may laman ding mga bato. Ito umano ang kaniyang sinunsundan, nakatawid ito bago gumuho ang tulay.

Ayon sa hepe, maaaring di papanagutin ang drayber ng trak dahil biktima din ito ng sakuna.

Panawagan na imbestigasyon

Nanawagan naman si Akbayan party-list first nominee Chel Diokno sa DPWH na imbestigahan ng DPWH ang naganap na pagguho ng tulay.

“I join the people of Isabela in calling on the DPWH to investigate the bridge collapse. I also urge the local government to provide the necessary assistance, especially to the passengers of the four vehicles that were affected by this incident,” saad ni Diokno sa kanyang pahayag.

Dagdag pa niya, kinakailangan ding maglaan ang DPWH na alternatibong ruta para sa mga sasakyan na di na makakadaan sa naturang tulay.

“This bridge had been under construction for over a decade and that happened. Whoever was responsible should be held accountable for this, (Mahigit isang dekada nang ginagawa ang tulay na ito at ganoon ang nangyari. Dapat managot ang sinumang responsable dito),” saad ni Diokno.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -