ALINSUNOD sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa paggamit ng teknolohiya at inobasyon upang lumago ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapahusay ng lakas-paggawa, pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang workshop para sa pagre-regulate ng digital labor market intermediaries noong Pebrero 13, 2025 sa Makati City.

Nagsama-sama ang mga kinatawan mula sa Brunei, Cambodia, Lao PDR, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, at Thailand upang ibalangkas ang mga polisiya sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya na sumusuporta sa isang sustainable, patas at inklusibong merkado ng paggawa sa buong rehiyon ng Asean.
Pinag-uugnay ng digital labor market intermediaries, kabilang ang online platforms, applications, at services, ang mga employer sa mga naghahanap ng trabaho sa pamamagitan ng paggamit ng features nito tulad ng job postings, skill assessments, at algorithm-driven matching. Gayunpaman, ang mabilis na pag-unlad nito ay nagdulot ng mga alalahanin tulad ng data privacy, fair labor practices, at inclusivity.
Sa pambungad na pananalita ni Institute for Labor Studies (ILS) Executive Director Jeanette Damo, bilang kinatawan ni Employment and Human Resource Development Cluster Assistant Secretary Atty. Paul Vincent Añover, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasaayos ng mga polisiya sa pagsulong ng teknolohiya upang suportahan ang isang patas na merkado ng paggawa.
“Para sa Pilipinas, ang mga talakayang ito ay partikular na mahalaga sa ating pagsisikap na bigyan ng matibay na proteksyon ang mga manggagawang Pilipino, sa lokal at sa ibang bansa kasabay sa paggamit ng digital innovation upang isulong ang disenteng trabaho at paglago ng ekonomiya,” pahayag ni Executive Director Damo.
“Upang ganap na mabuksan ang potensyal ng digital labor market intermediaries, dapat gampanan ng mga bansang Asean ang aktibong papel sa pagbalangkas ng regulasyon sa pangangasiwa ng platform na ito. Sa pamamagitan ng pagbuo ng mga polisiya na titiyak sa pagiging pribado ng mga datos, patas at inklusibong kasanayan sa paggawa, ang mga bansang Asean ay maaaring lumikha ng isang kapaligiran kung saan ang mga digital labor market intermediaries ay maaaring umunlad habang pinoprotektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa at itinataguyod ang pantay na oportunidad,” dagdag niya.
Upang magbigay konteksto sa dayalogo, tinalakay ni International Labor Organization (ILO) Employment Specialist Phu Huynh ang papel ng digital labor market intermediaries sa recruitment at placement ng mga manggagawa sa digital world. Iprinisinta ni ILS Senior Labor and Employment Officer Chelsea Nicole Pineda ang pag-aaral sa mga aktibidad at serbisyo ng digital labor market intermediaries sa Pilipinas, habang ibinahagi naman nina Ministry of Manpower Singapore Assistant Director Kirk Dsouza at Bureau of Local Employment Supervising Labor and Employment Officer Jill Borjal ang mga hamon sa pangangasiwa ng digital labor market intermediaries sa Singapore at Pilipinas.
Pagtugon sa country-specific gaps sa digital infrastructure, legal framework, at labor market adaptation
Tinukoy ng mga delegado na kasama sa workshop ang mga karaniwang isyu, tulad ng digital divide, kakulangan sa digital literacy, fragmented government databases, cybersecurity protections, at illegal recruitment practices.
Kabilang sa mga nabanggit na pangunahing panukalang polisiya ay ang pagpapalawak ng broadband access, pagpapahusay ng interoperability ng government database na may digital platform, pagpapalakas ng cybersecurity at data privacy protection, at pagkilala sa mga manggagawa sa digital platform bilang isang bagong kategorya ng trabaho.
Tinukoy din ang iba pang mga estratehiya tulad ng pagpapalakas ng local labor regulatory body, pagbibigay kaalaman ukol sa fair recruitment practice para sa mga naghahanap ng trabaho, regular na pag-update ng digital portal, pagbuo ng digital lifelong learning framework, at pamumuhunan sa mga digital literacy program.