(SAN DIEGO, CALIFORNIA) – Katatapos lamang ng matagumpay na Kidscreen Summit sa San Diego, California sa Amerika nitong nakaraang linggo. Napakaraming delegado mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ang dumako sa Marriott Marquis Hotel sa bayside ng San Diego upang makibahagi sa isang kumperensiya ng mga media practitioners na may kaugnayan sa mga palabas at content sa telebisyon at social media.
Nakibahagi ang ating bansa sa naturang kumperensiya sa pamamagitan ng National Council for Children’s Television (NCCT) na isang attached agency ng Department of Education (DepEd). Ang pakikibahagi sa isang international conference na gaya nito ay mahalaga upang lalo pa naming mapatatag ang mga ilalatag naming programa para maging mas child-friendly ang ating media environment sa bansa. Kasama ng inyong lingkod ang dalawa naming opisyal mula sa NCCT sa mga dumalo: sina Judi Galleta at Maria Jowelyn Abendan.
Bago pa man ang aktuwal na kumperensiya ay may nauna na kaming komunikasyon sa ilang delegado na makikipagpulong sa kanila. Interesado rin sila sa mga ginagawa natin sa Pilipinas lalo na sa mga programang pambata. Ibinahagi namin ang aming programang ‘DokyuBata’ na isang pambansang kumpetisyon sa paglikha ng mga magagandang documentaries batay sa isang ibinigay na paksa. Bukod pa ito sa mga pambatang palabas na nalilikha ng mga independent TV producers na binibigyan ng grant ng NCCT.
Sa pagbubukas ng summit, mainit na pinag-usapan ang climate change at ang pagtalakay nito sa mga ginagawang animation o palabas sa telebisyon. Sa session na ‘A Brighter Future: Greening up the Screen’, tinalakay ng mga panelista ang kahalagahan ng paglalangkap ng ganitong paksa sa mga nililikhang animation. Malinaw na nakasentro ang ‘climate content.’ Puwede tayong magpasimula ng isang ‘green movement’ gamit ang videos, tiktok, at TV. Halimbawa, maaaring paksain ang malinis na hangin, pagdating ng mga kalamidad, o ang tumitinding init ng klima o panahon.
Ang Planet Media ay naglabas ng isang toolkit para sa Climate Storytelling. Ayon sa mga experts, may apat na mahalagang climate principles:
1. Ang Daigdig (Earth) ay ating tahanan
2. Tumitindi ang init ng daigdig dahil sa atin
3. Nagbabago ang ating klima ngayon at naaapektuhan tayo nito
4. Kung sama-sama tayong gagalaw, may magandang bukas na naghihintay sa atin.
Paano ba natin ito maipapaunawa sa mga bata? Dito papasok ulit ang sinasabi nating pagiging akma sa edad (age-appropriate) ng mga batang manonood ng palabas. Tandaan natin na ang batang may gulang na 3-5 ay may ‘eyes of wonder’; ang edad 5-9 ay may ‘minds in motion; ang edad 9-12 ay ‘systems thinkers in training.’ Sa paggawa ng content ng palabas, ito ang mahalagang isaisip.
Maaari ngang pakiwari natin ay gasgas na paksa na ang climate change. Pero sa totoo lang, hindi natin ito masyadong sineseryoso. Mahalagang ang mga bata, young as they are, ay matutuhan na ang mga konseptong may kaugnayan sa climate change sa mga bubuuin nating content sa mga palabas, TV show man ito, animation, o pang-Youtube/Tiktok.
Ito na ang panahon. Ang mga tagapagsalaysay ay kayang magtaguyod ng pagkakaunawaan at makatutulong na makabuo ng isang maalwang bukas.