26.8 C
Manila
Sabado, Pebrero 22, 2025

Dayuhang pangangapital tugon sa pagpapataw ng taripa

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

KADALASAN ang tugon ng mga bansa sa banta ni Pangulong Donald Trump ng pagpapataw ng taripa sa mga produktong iniluluwas nila sa Estados Unidos ay pagpapataw rin ng taripa. Ito ang naging tugon nina Prime Minister Justin Trudeau ng Canada at Pangulong Xi Jinping ng China. Ang ganitong sitwasyon ay nauuwi sa digmaan sa kalakalan na tinalakay natin ang masasamang epekto nito sa mga nakaraang linggo sa kolum na ito.

Ngunit naiiba ang tugon ng Taiwan sa banta ni Pangulong Trump na patawan ng 100% taripa ang mga semiconductor chips na ininiluluwas nila sa Estados Unidos.  Naibalita kamakailan na inihayag ng Pangulong Lai Ching-te ng Taiwan na palalawakin nila ang kanilang pangangapital sa Estados Unidos sa industriya ng computer chips bilang tugon ng Taiwan sa banta ng Estados Unidos patawan ng mataas na taripa ang pinakamahalagang eksport nito.

Sa aking palagay ito ay ginagawa ng Taiwan dahil isa itong maliit na bansa na kumikita nang malaki mula sa kanilang mga eksports. Ikalawa, ang Taiwan ay umaasa rin sa proteksiyon mula sa Estados Unidos upang ipagtanggol ito mula sa panganib militar mula sa China. Samakatuwid, ayaw labanan ng Taiwan sa kalakalan ang tagapagtanggol nito sa seguridad ng isla.

Ang estratehiyang ito ay makatutulong sa mga kompanyang  gumagawa ng compluter chips dahil sa halip na iluwas nila ito sa Estados Unidos at mapatawan ng napakataas na taripa, ang kanilang mga chips ay gagawin na lang nila sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga pabrika doon. Dahil sa Estados Unidos na pinopodyus ang mga chips hindi na ito mapapatawan ng buwis at malayang maipagbibili sa iba’t ibang industriyang gumagamit nito sa loob ng bansa. Sa maikling sanaysay na ito ay susuriin natin ang epekto ng estratehiyang ito sa mga ekonomiya ng Taiwan at Estados Unidos.

Sa Taiwan, malaking pondo ang lalabas sa ekonomiya nito na bahagi ng kanilang pag-iimpok at BOP surplus upang gamitin sa pagpapatayo ng mga pabrika ng semiconductor chips sa Estados Unidos. Makaaambag ito sa pagliit ng BOP surplus at marahil sa pag-usbong ng BOP deficit bunga ng pagliit ng eksport nila ng computer chips sa Estados Unidos. Dahil sa Estados Unidos na gagawin ang mga chips, mababawasan din ang empleyo sa loob ng Taiwan.


Sa positibong pananaw, tataas ang kita ng mga kompanyang Taiwanese na nasa Estados Unidos na maaari nilang ipadala sa Taiwan bilang tubo, royalty at management fee na makapag-aambag sa pagpapataas ng BOP surplus ng ekonomiya. Ngunit sa aking palagay ang halagang ito ay maliit kung ihahambing sa lawak ng pondo sa pangangapital ng mga kompanya sa pagpapatayo ng mga pabrika sa Estados Unidos at sa pagbaba ng kanilang eksports sa Estados Unidos. Dahil dito, tinataya ko na magkakaroon ng BOP deficit ang ekonomiya ng Taiwan kapag ang estratehiyang ito ay ipinatupad.

Maaari ding lumipat ang mga piling engineer at technician mula sa Taiwan patungong Estados Unidos upang maging empleyado at tagapamahala sa pagpapatakbo ng kanilang pabrika sa Estados Unidos. Sa aking palagay, kaunti lamang manggagawang Taiwanese ang makapapasok sa Estados Unidos dahil gusto ni Pangulong Trump na manggagawang Amerikano ang gamitin sa mga pabrikang Taiwanese. Maaari ring kumuha na lang ang mga kompanyang Taiwanese ng mga Amerikanong engineer at technician dahil sa higpit ng mga patakaran sa imigrasyon sa Estados Unidos. Ang ganitong hakbang ay magpapataas sa gastos sa produksiyon ng mga kompanyang Taiwanese dahil mas matataas ang pasweldo sa Estados Unidos kaysa Taiwan.  Dahil mataas na gastos sa produksiyon, ang semiconductor chips na gawa ng mga kompanyang Taiwanese sa Estados Unidos ay para lamang sa bilihan sa Estados Unidos. Dahil sa taas ng presyo mahirap nilang mailuwas ang mga ito sa ibang bansa dahil maraming mas murang kakompentensiyang chips na gawa sa ibang bansa.

Sa pananaw naman ng Estados Unidos, ang balak ng mga kompanyang Taiwanese na magtayo ng mga pabrika sa Estados Unidos ay sumasang-ayon sa patakaran ng Pangulong Donald Trump na ibalik ang trabaho sa mga Amerikano at bawasan ang BOP deficit ng bansa. Tulad nang nauna nang binanggit makadaragdag ang estratehiyang ito sa pagdami ng trabaho sa Amerikano dahil sa higpit ng patakarang imigrasyon upang payagan ang magaang pagpasok ng mga dayuhang profesyonal at may hamon din sa mga manggagawang Taiwanese sa paggamit ng wikang Ingles sa pagtatrabaho sa pabrika sa ibang bansa.

Tungkol naman sa pagbaba ng BOP deficit ng Estados Unidos, ang estratehiya ay magpapaliit sa inaangkat ng Estados Unidos dahil sa loob na ng Estados Unidos gagawin ang mga semiconductor chips sa halip na angkatin. Bumaba man ang import ay may potensyal na hindi magbago ang eksport dahil ang mga dating kompetitibong prodyuser ng semiconductor chips sa Taiwan ay magtataasan ang gastos dahil sa paggamit ng mga manggagawang Amerikano na may matataas ang pasweldo. Ganoon pa man bababa pa rin BOP deficit ng bansa.

- Advertisement -

Maganda ang estratehiya ito ng Taiwan. Sa halip na labanan ang Estados Unidos, nakikibagay sa Estados Unidos ang Taiwan habang itinatanghal ang interes nito. Wika ka, ang isang maliit na pusa ay mahirap makipaglaban sa isang higanteng tigre.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -