UPANG mapaigting ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon pagdating sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM), isinusulong ni Gatchalian ang pagpapalawak sa Philippine Science High School (PSHS) System.
Isa si Gatchalian sa mga may akda at co-sponsor ng Expanded Philippine Science High School System Act (Senate Bill No. 2974), kung saan nakasaad ang pagkakaroon ng PSHS System sa ilalim ng administrative supervision ng Department of Science and Technology (DOST). Sa ilalim ng panukalang batas, hindi lalagpas sa dalawang PSHS campus ang itatayo kada rehiyon maliban sa National Capital Region (NCR), kung saan matatagpuan ang PSHS Main Campus. Ngunit isang PSHS campus lamang ang pahihintulutan kada probinsya.
Dahil sa kakulangan ng mga slots sa PSHS System, may mga kwalipikadong mag-aaral ang hindi na natutuloy pumasok dito. Ayon sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), 5,807 na mga kwalipikadong mag-aaral ang hindi nakapag-aral sa PSHS System sa nagdaang tatlong taon dahil sa mga kakulangan ng slots.
Sa kasalukuyan, merong 16 campus sa ilalim ng PSHS System. Sa ilalim ng panukalang batas, magiging scholar ang mga kwalipikadong mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 12.
“Napapanahon ang pagpapalawak natin sa Philippine Science High School System, lalo na’t gusto nating mabigyan ang mas maraming kabataan ng pagkakataong makatanggap ng dekalidad na STEM education. Titiyakin nating maaabot natin ang mga kwalipikadong mag-aaral na magsusulong ng inobasyon sa ating bansa,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Labinlimang taon matapos maisabatas ang naturang panukala, maaaring magdagdag ang PSHS Board of Trustees ng mga campus, batay sa komprehensibong pag-aaral ng pangangailangan o demand at ayon sa pamantayan na itatalaga ng Board. Ang kalihim ng DOST ang magiging Chairperson, samantalang ang kalihim naman ng Department of Education (DepEd) ang magiging Vice-Chairperson.