MAYROON bang hindi nakakaalam sa kahulugan ng salitang syota? Salitang kalye ito na nangangahulugang girlfriend. Sumikat noong ‘70s ang kantang “Mahirap Magmahal ng Syota ng Iba” ng Apo Hiking Society kaya masasabing 70s pa ay uso na ang salitang ito.
Noong nakaraang linggo, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay naglabas sa kanilang Facebook page ng “Salit-Salitaan” ng tungkol sa etimolohiya ng syota. Ayon sa post noong Pebrero 13, ang siyota ay nabuo mula sa unlaping syo-+salitang ugat na sinta. Nangangahulugan itong “kolokyal na tawag sa kasintahan.” Sinikap ng post na ito na pawiin ang negatibong kahulugan ng syota na pinaniniwalaang mula sa short time, o maikling sandali ng magkasintahan sa motel.
Tiyak na maraming sumusubaybay sa Salit-Salitaan dahil nagbabahagi ang pahinang ito ng kaalaman tungkol sa pinagmulan ng mga salita, kahulugan ng mga salita, at iba pang kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa wika, pati sa mga rehiyonal na wika.
Pero mayroon bang unlaping syo-? Maraming nagtaas ng kilay. Ngayon ko lamang narinig ang unlaping syo-. Diyata’t kulang na pala ako sa reserts, hindi na pala updated ang aking kaalaman?
Maraming hindi sang-ayon.
Paliwanag ng linggwista
Ayon sa isang batikang linggwista, may 3 posibleng pinagmulan ng syota: Una, mula sa bata, na ang kahulugan ay kasintahan o girlfriend. Pinalitan ng syo ang unang pantig na ba kaya nabuo ang syota. Pangalawa, “short time” at nagkaroon ng impit na tunog sa dulo dahil sa “inobasyong makikita sa Kano, Uste, atbp.” Pangatlo, mula sa “tayo” na uso na ngayon (tayo na ba? magkarelasyon na tayo?). Binaligtad, naging yota, at dinagdagan ng s, naging syota.
Dagdag pa ng linggwista, “kung linggwistika ang pag-uusapan, mas kapani-paniwala at tila matipuno ang ebidensya para sa unang bersyon.” Kung sosyolinggwistika naman ang usapan, mas katanggap-tanggap ang tayo dahil “walang bahid ng kahulugan ng bata at wala ring panandaliang aliw na kahulugan ng ‘short time.’”
Paliwanag ng makata
Ayon naman sa isang premyadong makata at nagkamit ng Dangal ng Panitikan mula sa KWF, posibleng late 60s pa ay ginamit na ang syota, ibid sabihin, girlfriend. Ang salitang bata ay “street lingo” para sa girlfriend, pero hindi sa boyfriend. Ang unang pantig na ba ay pinalitan ng syo. Mid-80s na narinig ang short time na pinagmulan ng syota. Kaya, posibleng syo + (ba) ta ang etimolohiya ng syota.
Iba pang mga salitang nabuo mula sa syo-, ayon sa KWF
Narito ang iba pang mga salita na ayon sa KWF ay may unlaping syo-: syutay (patay), shondak (pandak), shogo (tago), shulog (tulog), shuloy (tuloy), shunga (tanga), shubi (sabi), syoyo (tayo na), syoyot (bayot), syobit (kabit), syogal (tagal), syongit (pangit), syopatid (kapatid). Ang mga ito ay matatagpuan sa “Mga Salitang Homosekswal: Isang Pagsusuri” (KWF, 2004).
Dagdag na paliwanag ng KWF: “Bagama’t nagkakaiba sa ispeling, kinakatawan ng digrapong SH/SY ang voiceless postalveolar fricative, kung baga ay maipapalagay na kahanay ito ng salitang syota <siyota> sa Tuntunin ng Ortograpiyang Pambansa. Ang ‘short time’ bilang mulaan ng syota ay paliwanag na hindi bunga ng pagsusuri (folk etymology). Binabalewala nito ang napakalinaw na pattern sa unang listahan. Kung gayon, ang syo-+sinta ang paliwanag na tinatanggap.”
Maliwanag nga ang pattern sa mga salitang nabanggit sa itaas. Ang unang pantig ng mga salita ay pinalitan ng syo at nanatili ang pangalawang pantig, sa mga salitang shunga (tanga), shubi (sabi), syobit (kabit), atbp. Simpleng pagpapalit lamang ng syo sa unang pantig ng salita para mabuo ang nasabing mga salita. Karaniwan ito sa tinatawag na sward speak o salitang bakla/beki.
Tungkol naman sa folk etymology, bumabalik sa aking alaala si G. Norlito Cervo, awtor ng isang aklat na nagsusuri sa kahulugan ng mga salita batay sa mga pantig na bumubuo rito. Sabi niya, bawat pantig ay may taglay na kahulugan, kapag pinagsama ang dalawang magkaibang pantig, makabubuo ng isang salita na ang kahulugan ay batay sa kahulugan ng mga pantig. Masalimuot ang pagsusuri niya at maraming halimbawang ibinigay. Sa kasamaang palad, dinismis lamang ng noo’y Direktor ng Surian ng Wikang Pambansa (KWF na ngayon), ang kanyang obra bilang “folk linguistics” o “folk etymology” at hindi pinag-ukulan ng ano mang pagsusuri. Yumao na si G. Cervo nang hindi nakapagkamit ng karampatang pagkilala sa kanyang naisagawa. Ang aking kopya naman ng aklat niya ay nabaha kaya wala na akong kopya.
Muling tanong: may unlaping syo- nga ba?
Ang batikang linggwista at ang premyadong makata ay kapwa hindi pumatol sa unlaping syo-. Wala silang banggit sa unlapi, ay nagpaliwanag lamang tungkol sa pagbaligtad ng mga pantig, at dagdag-kaalaman tungkol sa kahulugan ng salitang bata: maaaring ito ay child, pupil, protege, sweetheart, depende sa konteksto at kaligiran ng nagsasalita. Halimbawa, kung guro ang nagsabing “Maingay ang mga bata ko ngayon,” ang bata ay tumutukoy sa pupil/student.
Ngunit nanindigan ang KWF. Ayon dito, “maituturing na panlapi ang syo– kahit wala itong nakapirming kahulugan dahil masistema ang paggamit nito at nakatali (hindi magagamit nang mag-isa). Panlapi pa rin ito kahit tila eksklusibo sa isang sosyolek at bagama’t unproductive (hindi maaaring iaplay sa kahit anong ugat).
Totoong hindi magagamit nang mag-isa ang panlapi. Kailangan nito ng makakabitang salitang ugat. Pero may kahulugan ang mga panlapi at may kakayahang magpabago sa kahulugan ng salita batay sa direksyon ng kilos na isinasaad ng pandiwa. Naipaliwanag na natin ito sa kaso ng bumili/magbili, magpugay/pugayan, mag-iwi/iwan, at marami pang iba. Nababago ang kahulugan ng salita depende sa panlaping ginamit.
Ang syo- bilang panlapi ay hindi rin tulad ng kaso ng mga patay na panlapi, na tinawag na gayon, hindi dahil bangkay na nga, kundi dahil hindi na ginagamit sa ibang mga salita maliban sa mga dati na nitong kinakabitang mga salitang ugat. Pero may idinaragdag na kahulugan: halimbawa: hukay + -al- = halukay. Mas malalim ang paghuhukay kapag may isiningit na patay na panlaping -al-. Iba pang mga halimbawa: pakpak + -al- = palakpak, bagbag + -ag- = bagabag.
Kongklusyon: Walang unlaping syo-. Kung sakaling mayroon na pala at ako pala ang kulang sa kaalaman, paumanhin, ngunit bigyan ninyo ako ng sapat na ebidensya. At kapag nagkagayon, ako na mismo ay ipagsisigawan kong: May unlaping syo-. Sabay tanong: dito rin kaya galing ang syoti (nakababatang kapatid na lalaki), syobe (nakababatang kapatid na babae) sa wikang Tsino, gayon din ang syoktong at siomai?
I rest my case, Your Honors.