BILANG pagpapatuloy pa rin ng usapan sa nakaraang paksa, maitatanong natin ngayon: Ano ang ibig sabihin ng pananahimik ng China sa isyu?
Sa isang rali sa Ilocos Norte noong isang linggo, inilunsad ng Alyansa ng Bagong Pilipinas ang kampanya ng mga kandidato nito para senador. Lantarang inalipusta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang China. Tinawag niya itong mananalakay ng Pilipinas, binobomba ng tubig ang Philippine Coast Guard, ginigipit ang mga mangingisdang Pilipino at inaagaw ang kanilang mga huli, at sinasakop ang mga isla ng Pilipinas upang gawing bahagi ng bansang Chino. Napakalawak ng inabot ng pang-aalipustang iyun ni Bongbong upang palampasin ng China nang paganun-ganun na lamang. Ultimong si Rigoberto (Bobi) D. Tiglao, kabilang sa mga pinagpipitaganang kolumnista ng The Manila Times, ay agarang nagpahayag ng pagpuna sa ginawa ni Bongbong, tinawag iyun na isang seryosong paglabag sa mga tradisyunal na alituntunin ng kagandahang asal sa ugnayan ng mga bansa. Hindi mo binabatikos ang isang dayuhang bansa sa isang kampanya para sa eleksyong domestiko.
Sa ganang kolum na ito, pinuna natin na ang ganun kaselan na usapin ay dinadaan sa diplomasya.
Pero hindi, e, sa ginawa ni Bongbong, animo’y nag-aapoy na ang digmaan sa pagitan ng China at Pilipinas.
Dahil sa propaganda ng Amerika, malaking bahagi ng sambayanang Pilipino ay napag-apoy sa galit sa China kaugnay ng kanilang agawan sa teritoryo sa ilang bahagi ng South China Sea. Malinaw na intensyon ni Bongbong ay gamitin ang isyu upang makapang-akit ng boto para sa mga kandidato ng kanyang alyansa.
At iyun ang pinakamalaking kapinsalaan na maaaring gawin ni Bongbong sa Pilipinas.
Simpleng usapin ng eleksyon — paramihan ng bilang ng boto — ay iniligaw at pinagmukhang agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Papaano kung tinanggap ng China ang hamon ni Bongbong at sa ganun ay totoong sinuportahan ang mga kandidato ni Duterte?
Diyos na mahabagin!
Sa simula pa lang, patay dito, patay doon. Patayang umaatikabo. Ang mga mahahalal na linkod bayan ay pawang mamamatay tao.
Inamin iyan mismo ni Digong nang sa Club Filipino ay inilunsad naman niya ang kandidatura ng kanyang koponan. Wika niya, patayin natin ang 15 sa kalaban, panalo na tayong lahat.
Kaya nga nang patutsadahan ni Bongbong ang kampo ni Duterte na may bahid dugo ng tokhang, dapat lamang na nagsasabi siya ng totoo. Wika niya: “Tingnan nyo po ang rekord ng ating mga kandidato. Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa tokhang.”
Mas masahol pa, hindi lang tokhang ang akusasyon na ibinato ni Bongbong kay Duterte. Pansinin kung hindi korapsyon, pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagtalusira sa tungkulin ang ibig ipakahulugan ni Bongbong sa mga salitang ito: ‘Wala sa kanila (mga kandidato ni BBM) ang kasabwat sa pagbulsa ng saku-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay.”
Ganun pala’t mga korap, magnanakaw at mga pabaya sa sambayanan ang mga kandidato ni Duterte, bakit sila ang susuportahan ng China? Kung hindi ang China ay korap din, magnanakaw at pabaya sa bayan tulad ng mga kandidato ni Duterte?
Malungkot na sa ganitong mga konklusyon hahantong ang mga pagbibintang ni Bongbong. Patuloy sa paglala ang kalagayan sa South China Sea, pinag-aapoy ng kontra-Chinong propaganda ng Amerika. Lumilitaw sa mga akusasyon ni Bongbong na sa pangmundong alitan ng Amerika at China, Amerika ang bida at China ang kontrabida. Wala ni kapirasong reaksyon sa mga pagbibintang ni Bongbong ang narinig natin mula China. Sa kadahilanang ito kung kaya sa unahan pa lang ay pinuna na natin ang nakabibinging katahimikan ng China sa isyu.
Kapwa sa mainstream at social media, wala kang marinig na reaksyon ng China. Ibig bang sabihin, tanggap ng China na totoo ang mga pagbibintang ni Bongbong? Subalit China nga sa kaduluduluhan ang pinasasama ng mga akusasyon na ito.
Tanggap ng China ang mga kasamaang ibinibintang sa kanya ni Bongbong!
Diyos na mahabagin!
Di man karamihan, may mga miyembro ng Philippine media ang makikipagpatayan upang mapanindigan ang pagyakap sa mga simulain ng China sa hidwaan nito sa Estados Unidos. Ito ay hindi lamang dahil sa usapin ng pagkakaibigan bilang magkapitbahay sa rehiyong Asean kundi dahil sa, sa pangmundong pagsulong ng sangkatauhan, ang nilalayon ng Chiina na “pangmundong komunidad na may pinagsasamahang kinabukasan (world community of shared future) ay ang tunay na landas tungo sa maunlad at mapayapang pangmundong pamumuhay ng buong sangkatauhan. (Ang simulain at layuning ito ang patnubay ng aking aklat na China The Way, The Truth and The Life.)
Balintuna, ang pangmundong simulain ng Estados Unidos ay “America First.” Sa pagsisimula pa lamang ng termino ni Presidente Donald Trump, hayag nang plano niya ang gawing ika-51 estado ng Amerika ang Canada, bilhin ang Greenland at sakupin ang Panama, samantalang umandar na rin ang planong pakipagmananakop ng Estados Unidos sa Russia sa Ukraine at pagsakop upang irehabilita ang Gaza.
Sa labanan ng China at Amerika, ang China ang pang-sangkatauhan, Amerika ang pang-sarili.
Sa mga lantay na makabayang Pilipino, sino pa ba ang pipiliin kundi ang nagtataguyod ng “pangmundong komunidad na may pinagsasamahang kinabukasan – China.”
Subalit heto ka’t idinadawit na ni Bongbong ang China sa kanyang pakikipaglaban kay Duterte, wala pa rin itong kibo.
Hindi wastong basta na lamang manahimik ang China sa usaping ito. Oo nga’t patakaran ng China ang huwag makialam sa mga panloob na sigalot ng ibang bansa, subalit sa pagkakataong ito, ang eleksyon sa Pilipinas ay ipinasaklaw ni Bongbong sa pangmundong hidwaan ng China at Amerika.
Ang isyu ay hindi kung sino sa pagitan nina Bonbong at Duterte ang tatangkilikin kundi kung alin sa Estados Unidos at China ang wastong ilaw tungo sa “pangmundong komunidad na may pinagsasamahang kinabukasan” – China.