ISANG bagong evacuation center ang itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Marinduque District Engineering Office sa bayan ng Buenavista upang magsilbing kanlungan sakaling may dumating na kalamidad sa nasabing bayan.
Ayon kay DPWH Marinduque District Engineer Richard Emmanuel Ragragio, na siyang nagsagawa ng implementasyon ng proyekto, ang nasabing istraktura ay pinondohan ng ₱36 milyon na may lawak na 29.08m x 50m floor area na matatagpuan sa Barangay Uno.
Ang pasilidad ay mapapakinabangan ng 50 pamilya sa panahon ng sakuna at malayang makakagalaw dahil sa lawak ng lugar na maaaring maging kanlungan ng mga residente tulad ng mga senior citizens, Persons with Disabilities (PWDs), at mga buntis upang masiguro na matatanggap nilang lahat ang suporta na kailangan mula sa pamahalaan.
Layunin ng pagpapatayo ng nasabing gusali ang mabigyan ng komportableng lugar ang mga residente at maranasan ang isang maayos na kapakanan.
Sinabi pa ni Ragragio na hindi lamang ang mga residente ng Barangay Uno ang maaaring makinabang sa nasabing proyekto kundi pati na rin ang mamamayan ng nasa karatig barangay para maging ligtas sa lahat ng panahon lalo na tuwing sasapit ang isang kalamidad. (DN/PIA MIMAROPA-Marinduque)