30.4 C
Manila
Huwebes, Pebrero 13, 2025

Epekto ng digmaan sa kalakalan sa mga maliliit na ekonomiya

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -
NOONG nakaraang linggo ay tinalakay ko sa kolum na ito ang epekto sa ekonomiya ng Estados Unidos ng pagpapataw nito ng taripa sa mga kakalakalang bansa tulad ng Mexico, Canada at China.  Sa sanaysay na ito ay tatalakayin ko ang epekto sa mga maliliit na ekonomiya ng pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos sa produkto ng isang malaking bansa tulad ng China ngunit  hindi nagpapataw ng taripa sa mga maliliit na bansa kahit na pinoprodyus nila ang poduktong nabanggit. 
Upang malaman natin ang epekto ng pagpapataw ng taripa sa Balance Payments (BOP) ng isang maliit na bansa suriin natin ang epekto ng pagpapataw ng taripa sa kalakalan ng isang maliit na ekonomiya na nagluluwas ng produktong pinapatawan ng taripa ng Estados Unidos na galing sa malalaking ekonomiya.
Ang eksport ng isang maliit na ekonomiya ay maaaring bumagsak  dahil sa dalawang dahilan. Una, bunga ng pagbaba ng kita sa buong mundo. Isa sa mga pangunahing bunga ng pagpapataw ng taripa ng mga bansa ay ang pagiging di episyente o maaksayang paggamit ng mga yaman dahil napipilitan ang mga bansang nagpataw ng taripa o buwis sa eksport na magprodyus sa mataas na gastos sa produksiyon. Dahil dito bumababa ang kanilang pambansang kita. Sa pagbaba ng kanilang pambansang kita ay liliit ang kanilang demand sa mga produktong iniluluwas ng mga maliliit na bansa.
Ang ikalawang dahilan ng pagbaba ng eksport ay bunga ng di elastikong demand sa kanilang iniluluwas. Kahit na bumaba ang presyo ng produktong kanilang iniluluwas, ang porsiyento ng pagbaba ng presyo ay mas malawak kaysa porsiyento ng pagtaas ng demand. Ang resulta nito ay ang pagliit ng halaga ng iniluluwas ng isang maliit na ekonomiya.
Ano naman ang nangyayari sa kanilang inaangkat? Maaaring lumiit din ang kanilang inaangkat dahil sa pagliit ng kanilang pambansang kita bunga ng pagkitid ng halaga ng kanilang eksport dahil di elastiko ang demand sa produktong ito. Ang pambansang kita ng maliit na ekonomiya ay bumababa rin sa pagbagsak ng presyo ng palitan sa kalakalan sa pagpapataw ng taripa ng Estados at sa pagbaba ng eksports bunga ng pagbaba ng kita ng buong mundo.
Dahil parehong bumababa ang eksports at imports ng maliit na ekonomiya, ang BOP nito ay makararanas ng paglawak ng deficit kung ang pagbaba ng eksports ay mas malaki sa pagbaba ng imports. Mas makitid lamang ang epekto sa pagbaba ng inaangkat dahil ito ay bunga ng mga di tuwirang epekto ng pagbaba ng halaga ng eksports.
Suriin naman natin ang epekto sa isang maliit na ekonomiyang kompetitibong umaangkat ng produktong pinatawan ng taripa ng Estados Unidos na galing sa ibang malalaking bansa, halimbawa sa Canada.
Ang import ng maliit na ekonomiya ay maaaring tumaas bunga ng pagbaba ng presyo ng inaangkat na produkto. Dahil ang Estados Unidos ay isang malaking tagaangkat ng produktong ito, ang pagbabawas ng demand nito bunga ng pagpapataw ng taripa at tutuguna ng pagbababawas ng suplay ng mga kompetitibong exporter. Samakatuwid, kahit bumababa ang presyo ng import, hindi pa rin tataas ang kanilang import dahil ang kanilang pambansang kita ay bumababa bunga ng pagbaba ng kanilang eksport sanhi  ng matamlay na lagay ng mga ekonomiya sa buong mundo. Kung ng mas matingkad, ang pagtaas ng imports bunga ng pagbaba ng presyo nito kaysa  pagbaba ng imports bunga ng pagbaba ng pambansang kita ng maliit na bansa, ang import nito ay tataas.
Sa pagbaba ng eksport at pataas ng inaangkat maaaring lumalala ang BOP deficit ng sinusuri nating maliit na ekonomiya. Sa dalawang halimbawang uri ng maliliit na ekonomiyang hindi pinatawan ng taripa ng Estados Unidos ay nagpakitra ng paglala ng kanilang deficit sa BOP kahit na ang pinatawan ng taripa ng Estados Unidos ay mga malalaking ekonomiyang kakalakalan nito. Ang pagsusuring ito ay nagpapahiwatig na ang aksiyon ng mga malalaking ekonomiya na pakitirin ang kalaklang global sa pamamagitan ng digmaan sa kalakalan ay pinapasan ng maraming  maliliit na ekonomiya kahit hindi sila sangkot sa digmaan sa kalakalan.
Dahil sa paglala ng BOP deficit ng mga maliliit na bansa, mapipilitang silang maghanap ng iba’t ibang pamamaraan upang tustusan ang lumalalang BOP deficit. Maaaring silang mangutang sa labas ng bansa. Mabigat na pasanin ito lalo na kung ang mga malalaking ekonomiya ay ayaw magpahiram ng pondo dahil sa lumiliit na pambansang kita. Mataas din ang babayaran nilang interest rate sa pangungutang. Maaari ding isagawa ang depresasyon ng kanilang salapi ngunit walang epekto ang alternatibong ito dahil matamlay ang mga ekonomiya sa buong mundo at walang silbi ang pagiging mura ng kanilang eksport dahil kakaunti ang bibili. Kung dalawang alternatibong hindi ay hindi maisasagawa, ang ekonomiya ng mundo ay papasok sa isang crisis na huling naranasan noong Malawakang Depresiyon (Great Depression) na nagsimula rin sa digmaan sa kalakalan sa pagitan ng malalaking ekonomiya.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -