24.3 C
Manila
Martes, Pebrero 11, 2025

Patatagin ang values na makikita sa mga palabas sa TV

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Huling bahagi)

TUMAAS ang kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) dahil sa access natin sa mga gadgets. May pag-aaral na nagsasabing isa sa dalawang bata ang nakararanas ng ‘cyber violence.’ Ang ratio ay 1:2. Ang higit na masaklap, ang mga magulang pa ang nagpapahintulot na mangyari ito sa kanilang mga anak para magkapera. Katwiran nila’y hindi naman mahahawakan ang kanilang anak ng mga pedophiles (dahil napapanood lang ito sa screen).

Ano na ang nangyari sa mga values na iniingatan natin? Kahirapan o poverty ang ugat ng lahat. Pero makatwiran bang idahilan ang pagiging mahirap para mabuwag ang ating mga iniingatang values? O kapag ba kumakalam na ang sikmura, maaari nang itapon sa bintana ang mga values na iniingatan natin? Ano ang idudulot nitong epekto sa psycho-socio-emotional wellbeing ng mga batang nakaranas nito kung mismong ang tahanan na itinuturing nating kanlungan o safe space ang naging lugar ng kanilang pagkapariwara?

Isang kilalang children’s book author, si Augie Rivera, ang gumawa ng isang aklat pambata tungkol sa isang kaso ng aktuwal na OSAEC. Pinamagatang ‘Nina Inosente’, ito ay isa munang TV feature sa isang documentary sa GMA-7 bago ginawan ng children’s book.

Sa mga sinehan, bago ang mismong main feature na pelikula, nakita ko rin na nandoon ang panawagan ng ‘Philippine National Police (PNP) – Anti Cybercrime Group’ na magsuplong sa kanilang hotline sakaling may nararanasang cyber abuse. Ang pagkakaroon po ng ganitong hotline na puwedeng pagsumbungan ay isang magandang hakbang tungo sa pagiging ligtas ng mga kabataan.


Sa usapin naman ng mga babasahing pambata, naglabas din ng pondo ang DepEd kamakailan para sa pagbili ng  aklat pambata. Ito’y tugon sa lumalalang kalagayan ng mga bata’t kabataan patungkol sa pagbabasa. Kung gaano ang pagkahilig (o pagkagumon) natin sa social media, ganoon naman ang kawalan ng interes ng mga kabataan sa habit ng pagbabasa kung kaya’t kay rami nating non-readers kahit sa Grade 6 o high school na. Kung nakababasa man, kulang pa rin sa reading comprehension at critical thinking skills ang mga kabataang ito.

Hinati nila sa apat na kategorya ang mga aklat na oorderin at ipakakalat sa mga eskuwelahan: mga aklat pambata tungkol sa kalusugan, mga aklat tungkol sa peace education, mga aklat na tumatalakay sa gender (kasarian), at mga aklat tungkol sa values. Nandoon ang panawagan na muling tutukan ang mga values. Nakita ng DepEd ang pangangailangan na patatagin ang mga values na dapat taglayin ng ating mga bata’t kabataan. Pero supplement po lamang ang mga aklat, gayundin ang mga ginagawang child-friendly TV shows.

Ang ating mga pamilya ang higit na dapat tumuon sa pagtatanim at pagpapayabong ng mga values na nais nating taglayin ng mga bata. Di po ba’t may kasabihan tayong ‘kung ano ang itinanim, ‘yun din ang aanihin?’ Ano ang itinatanim natin sa mga batang ito? Ano ang itinatanim sa kanila ng social media at telebisyon? Naniniwala po ako na ang matatag na karakter at values ang mga pundasyong  magtatawid sa mga bata upang malampasan nila ang mga kakaibang hamon ng ating panahon.

Noong nakaraang taon, ang ANAK TV, isang NGO na kapanalig ng NCCT sa pagpapatupad ng child-friendly landscape sa telebisyon, ay naglunsad na rin ng ONLINE ANAK TV SEAL AWARDS upang maitampok ang isang makabatang panuorin sa TV man o sa online world para sa mga content ng TV networks na lumalabas sa digital platforms tulad ng kanilang website at You tube channel.” Sa nasabing ‘Online Anak TV Seal Awards’, hindi kasama ang facebook, Instagram, Tiktok, at iba pang social media networking sites. Dapat ay sa website at You Tube lang ng TV network lumabas ang programa para maging eligible na makasali.

- Advertisement -

Muli na ring ibinalik ng Anak TV ang kanilang ‘Makabata Awards’ para sa mga celebritities na nag-iiwan ng positive image sa mga bata’t kabataan. Nagsisilbing role models ng mga kabataan ang mga artista at media personalities na ito. Maingat ang Anak TV sa pagpili ng kanilang mga pararangalan para sa taunang MAKABATA AWARDS.

Lahat ng ating ginagawa ay dapat na nakaangkla sa nation-building.  At kapag binanggit natin ang nation-building, ang tinutukoy natin ay ang people-building. Dapat nating patatagin ang mga bata sa ating paligid. Sa paanong paraan: by equipping them with proper values ; by giving them safe spaces; by equipping them with life skills; by helping them navigate the online (and offline) worlds thru media literacy.

Mahirap nang baklasin ang mga bata sa mapanghalinang mundo ng online world at social media. Tayo pa ang magiging kontrabida kung sakali. Sadyang malakas ang hatak ng social media. Niligalig nito ang ating payapang buhay. Pero may magagawa naman tayo upang gawing mas ligtas ang online environment ng ating mga anak. Kung magiging mas mapagmatyag at mas may pakialam ang mga magulang, baka sakali. Kailangan pa ba natin ang cigarette-style warning na ilalagay sa mga apps at websites para alam ng magulang o guardians ang puwede sa mga bata’t kabataan? O ang ating mga responsableng kapamilya ang magsisilbing gabay sa patuloy na pagna-navigate ng mga kabataan sa online world?

Tandaang ang mga bata ay itinuturing na ‘zones of peace.’ Pero ang mga bata ring ito ay patuloy na naka-expose sa maraming anyo ng karahasan — sa tahanan, eskuwelahan, sa komunidad, at pati sa online. Ang ChildFund Philippines ay bumuo ng isang programang kung tawagin ay EPW – Education for Protection and Well-being. Ito’y nakatuon sa mga batang mag-aaral o school-age children, sa mga magulang at caregivers, at mga guro, na ma-engage sa mga procedures tungkol sa violence protection. Gayun din, nandoon ang mga gawain na sinusuhayan ang mga kabataan ng mga “self-protection skills” upang maiwasan o makagawa sila ng hakbang sakaling may karahasang nakaamba sa kanila. Ang programang EPW ay inaasahang magpapatatag ng socio-emotional development ng mga kabataang sumasailalim dito.

Sa lahat ng panahon at sa lahat ng pagkakataon, dalangin ko na ang mga bata ay makaranas ng isang childhood na ligtas sa ano mang anyo ng karahasan at panganib. We owe it to them to give them a safe space where they can grow and develop as individuals. Kasama sa tungkulin natin sa proseso ng nation-building ang mapatatag ang karakter ng mga kabataan at mapagkalooban sila ng isang lipunang lubos silang pag-iingatan. Children are zones of peace. At pagsumikapan nating mapanatili ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -