PINANGUNAHAN ni Senador Alan Peter Cayetano ang pag-apruba ng Senado sa huling bersyon ng Phivolcs Modernization Act (House Bill No. 10730 at Senate Bill No. 2825) nitong Martes, kasunod ng matagumpay na bicameral conference committee noong nakaraang linggo.
![](https://www.pinoyperyodiko.com/wp-content/uploads/2025/02/473715595_1109959637836058_510860230402886922_n-e1738872393782-300x232.jpg)
Bilang sponsor ng batas at lider ng Senado sa panel, inilatag ni Cayetano ang mga pangunahing punto mula sa ulat ng bicameral conference committee sa sesyon ng Senado nitong February 4, 2025, na nag-ayos ng mga pagkakaiba sa bersyon ng Senado at ng Kamara.
“By modernizing Phivolcs we are making a bold move to ensure that science and innovation are at the heart of our disaster response and preparedness,” sabi niya.
Ipinasa ng conference committee ang bersyon ng Senado bilang working draft at isinama ang ilang mahahalagang probisyon.
Isa sa mga probisyon ay ang pagpapahintulot sa Phivolcs na magrenta ng isang lugar sa loob ng Clark Special Economic Zone sa Tarlac mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na may opsyon na bilhin ito batay sa mga kasunduan na aayusin ng BCDA at Phivolcs.
Isa pang mahalagang probisyon ang nag-aatas na mag-develop ng mga kasunduan sa mga rehiyonal at internasyonal na ahensya upang mapalakas ang modernisasyon ng Phivolcs at matulungan ang mga pambansang inisyatibo sa disaster response.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ng senador na ang batas na ito ay magiging isang mahalagang hakbang upang palakasin ang paghahanda at pagtugon ng bansa sa mga kalamidad.
“What we can do is to be prepared, warn people, and of course what we can do is honor God’s creation by protecting nature,” sabi niya.
“Through this bill, we will enable Phivolcs to modernize, hire the people they need, to provide career paths for them, and of course, to provide the equipment that they need,” dagdag niya.
Layunin ng Phivolcs Modernization Act na palawakin at i-upgrade ang mga kagamitan, pasilidad, at mga tauhan ng ahensya upang mapabuti ang kakayahan nitong magmonitor at tumugon sa mga kalamidad.
Layon din ng panukala na mag-install ng seismic monitoring systems sa lahat ng 24 aktibong bulkan sa bansa, mula sa kasalukuyang 10. Nais din nitong palawakin ang mga earthquake monitoring stations mula 125 hanggang 300 upang matiyak ang mas malawak at mas tumpak na pagkolekta ng seismic data.
Dagdag pa rito, ang batas ay magbibigay ng mas mataas na sahod at mga training program para sa mga tauhan ng Phivolcs upang makapag-akit at makapagpanatili ng mga eksperto sa larangan.
Nakatakdang ipadala ang panukala sa Malacañang para sa pag-apruba ng Pangulo.