Unang bahagi
Uncle, mahirap din pala ang may naiiwang pamana?
Pamana? Anong ibig mong sabihin, Juan?
Kasi, Uncle, nag-open up yung kaopisina namin na sumasama ang loob kasi hindi daw s’ya masaya sa hatian nilang magkapatid sa pamana ng Nanay nila.
Naku, marami ngang nangyayaring ganyan sa mga pamilya pagdating sa mga mana-mana. Lalo na kung hindi naayos ng mga nagpapamana ang mga papel at dokumento na nagsasaad kung kanino at ano ang pinapamana bago sila pumanaw.
Maraming drama ang nangyayari. May argumento. May diskusyon. May kasuhan. May awayan. May pagtatangka sa buhay. May patayan pa nga sa mas malalang kaso.
Akala ko ba, Uncle, malaking blessing kung may pamana sa mga naiwan? Bakit parang mas magulo pa pala at nagkakasakitan pa ng loob?
Blessing naman dapat ang pagtanggap ng pamana. Pero hindi talaga pare-pareho ang isip at pag-uugali ng tao kahit pa kayo ay magkapamilya. Lalo na kung ang usapin ay tungkol sa pera o kayamanan.
Kaya kailangan ba ang magpamana sa mga anak? Kung magiging sanhi lang pala ito ng gulo o pag-iisip ng hindi tama sa kapamilya imbes na magdulot ito ng saya at pasasalamat sa biyayang naipagkaloob?
May tatlong kuwento ako tungkol dyan. Iba-ibang kaso. Baka makapulot tayo ng perspektibo sa kung ano ang dapat nating bigyan ng prayoridad.
Una, dapat bang gamitin ng anak ang kanyang pinipilit na karapatan sa bahay na ipinundar ng ina at ngayo’y gustong ibenta para suportahan ang kanyang kalusugan at buhay?
Ito ay kuwento ng isang ina na pinatira ang anak na may pamilya sa kanyang tahanan. Nung dumating ang panahon na nagkasakit ito at kinailangan ng perang pantustos ng malaking gastusing medikal, gusto ng ina na ibenta ang bahay n’ya. Ang ibang mga anak ay sang-ayon dito nguni’t ang anak na nakatira sa buhay na ito ay galit at ayaw umalis sa bahay kahit na nahihirapan na ang ina at ang mga anak na tumutulong sa kanyang pagkakasakit. Ang katuwiran ng anak na ayaw umalis ay ito daw ang kanyang share sa bahay na yun. Namatay ang ina na hindi n’ya napakinabangan ang sarili nyang pinundar. May Will siyang iniwan na nagsasaad na ibenta ang kanyang bahay at paghatian nilang magkakapatid. Ang anak ay matigas pa rin at ayaw pa rin nitong umalis sa bahay. Kaya paano mabebenta?
Pangalawa, dapat bang ipangalan kaagad ang mga properties sa mga anak habang buhay pa para maiwasan ang magbayad ng malaking inheritance tax?
Ito ay kuwento ng isang mag-asawa na may pag-aari ng maraming real estate at condominium na pinangalan na ang mga titulo sa apat na anak. Ginawa nila ito nung sila’y parehong 65 years old pa lamang. Ngayon ay lampas na sila ng 80 years old at dahil may mga sakit, kailangan nila ng pera para sa long-term care nila. Hindi nila akalain na tatanda sila ng ganun. Wala na rin silang cash at properties na puede nilang ibenta. Nilapitan nila ang isang anak na pinamanahan nila ng condominium para pakiusapan na ibenta o isanla ang property. Pero nagulat na lang sila ng sinabing nabenta na nila ang condo noon pa.
At pangatlo, may karapatan ba sa pamana ang mga ampon?
Ito ay kuwento ng mag-asawang nag-ampon at pinamanahan nila ito ng mga lupain na namana din nila sa kanilang mga magulang. Ang kanilang ampon ay hindi nabigyan ng tamang adoption papers kaya hindi nila ito kaapelyodo. May mga kapamilya na kinukuwestiyon ito, lalo nung nalalaman nila na binebenta ng ampon ang ibang lupain habang buhay pa ang magulang. Nung namatay na ang mag-asawa, napag-alaman na naipangalan na pala nila sa anak nilang ampon ang mga lupain. Kaya dahil sa inis at galit ng ibang kapamilya sa ampon, hindi na s’ya sinali sa iba kang hatian sa mga lupaing may karapatan pa ang kanyang mga magulang. At dahil ampon s’ya na hindi “official” at walang tamang papel, hindi na s’ya binigyan ng karapatan sa natira pang mga pamana.
O, Juan, sasagutin ko yan sa susunod. Baka may mga isyu pa na konektado sa kuwento ng pamana, sabihin n’yo lang.