ISANG lumalalang problema ng lipunan, partikular sa sektor ng mga kabataan, ang teenage pregnancy.
Sa Ilocos Region, naalarma ang pamahalan sa nakababahalang pagtaas ng maagang
pagbubuntis ng mga kabataang wala pang 15 taon gulang sa rehiyon.
Naglabas ng isang press statement ang Commission on Population and Development
(CPD) ng rehiyon upang manawagan sa lahat ng sektor ng lipunan na magtulung-tulong
upang supilin ang ‘adolescent pregnancies.”
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority Civil Registration and Vital Statistics,
tumaas ng 260.5 porsyento ang kaso ng maagang pagbubuntis sa rehiyon mula sa 38
na kaso noong 2020 na naging 137 nitong 2023.
Pangasinan ang may pinakamaraming kaso ng adolescent pregnancy na nagtala ng 75
na panganganak noong 2023 mula sa 10 panganganak noong 2020.
Kaya naman nais ni CPD Region 1 Director Aileen Serrano na mahigpit na ipatupad
ang Executive Order 141 na naglalayong gawing national priority ang prevention ng
teenage pregnancy.
Ipinag-uutos ng EO 141 na gawing prayoridad ng pamahalaan ang pagpigil sa teenage
pregnancy sa pamamagitan ng implementasyon ng mga hakbang upang solusyonan
ang ugat ng problemang ito at pakilusin ang mga ahensya ng gobyerno para sa
layuning ito, kasama dito ang pagbibigay edukasyon sa mga kabataan gamit ang social
media.
Pag-asa ng bayan para umasenso
Bukod sa problema sa kalusugan ng ina at sanggol dulot ng maagang pagbubuntis,
malaki ang epekto nito sa ekonomiya- sa kabuhayan ng maagang nagbuntis at sa
bansa, sa kabuuan.
Ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA) sa isang policy brief na nalathala
noong Enero 2020, may oportunidad ang bansang kagaya ng Pilipinas na may batang
populasyon na umasenso dahil sa pwersa ng lakas-paggawa nito kung mabibigyan ito
ng istratehikong pamumuhunan.Isa itong “demographic phenomenon” na ginamit ng Japan noon kaya sila umasenso ng husto. Nag-invest sila sa kalusugan, edukasyon at pagpapalakas ng tsansa ng mga kabataan na makapasok sa trabaho.
Nawalang oportunidad
Ayon pa sa UNFPA, aabot sa P33 bilyon ang posibleng mawalang kita ng bansa taun-
taon dahil sa nawalang oportunidad dulot ng teenage pregnancy.
At sa dalagitang nagbuntis, mas malaki ang tsansa nito na hindi na makatapos man
lamang ng sekondarya kumpara sa hindi nagbuntis. Dahil dito, malaki rin ang tsansa na
hindi sya makakuha ng magandang trabaho na may malaking sweldo, na makaaapekto
sa kabuhayan ng kanyang pamilya.
Posibleng maging sakit dahil sa maagang pagbubuntis
Hindi maganda sa kalusugan ang maagang pagbubuntis. Malaki ang tsansa na
magdulot ito ng problema sa kalusugan gaya ng anemia, sexually transmitted infections
(STIs), pagdurugo, at sakit sa pag-iisip na maaaring mauwi sa depresyon at maging
pagpapatiwakal.
Ayon sa policy brief, may kaakibat na salik na panganib ang mga dalagita na maagang
nagbuntis gaya ng pagkakaroon ng mas may edad na partner na maaaring maglagay
sa kanila sa panganib ng domestic violence bukod pa sa posibleng mahawahan sila ng
HIV o STI.
Ugat ng teenage pregnancy
Tinukoy ng EO 141 ang ugat ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng maagang
pagbubuntis.
Ayon dito, diskrimasyon, pambabalewala at pagbibigay-katwiran sa karahasan laban sa
kababaihan at mga bata, kakulangan sa impormasyon at edukasyon, at ang pagiging
bulnerable at pagkaligta sa mga kababaihan at bata na naninirahan sa mga liblib at
rural na lugar sa bansa.
Nais ito solusyunan ng EO 141 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte
upang maingat na isaayos, pangasiwaan, subaybayan, at suriin ang mga hakbang ng
mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang isang buo at koordinadong
pagtugon sa pagharap sa lumalalang suliraning ito.