ISINUSULONG ni Senador Loren Legarda, Komisyoner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ang mas mataas na pondo sa edukasyon at mas matibay na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor sa paglulunsad ng EDCOM II Year 2 Report na may temang “Fixing the Foundations: A Matter of National Survival”.
“Hindi lang ito simpleng ulat, ito’y isang malinaw na panawagan para sa kapakanan ng bawat batang Pilipino. Ang report na ito ay bunga ng masusing pag-aaral upang tuklasin ang kalagayan ng ating sistema ng edukasyon at maglatag ng mga solusyong magbibigay ng patas at dekalidad na edukasyon para sa lahat,” ayon kay Legarda.
Binigyang-diin ni Legarda na hindi sapat ang mga plano kung walang konkretong aksyon. Muli niyang tiniyak ang kanyang buong suporta sa pagsusulong ng pagtaas ng pondo para sa edukasyon, paglikha ng mga polisiya para sa dekalidad na pag-aaral, at suporta para sa mga guro at kawani ng paaralan.
“Saan ba nagkukulang ang pundasyon ng ating edukasyon? Paano natin ito mapapatibay para matupad ng ating kabataan ang kanilang pinakamalalaking pangarap?” tanong ni Legarda, na nagsabing ang edukasyon ang pundasyon ng inobasyon, kapayapaan, katarungan, at pag-unlad ng bansa.
Tampok sa report ang ilang mahahalagang datos: 25% lamang ng mga batang Pilipino edad 6-12 buwan ang nakakamit ng inirerekomendang energy intake; maraming mag-aaral sa Grade 3 ang hirap sa mga pangunahing kasanayan; halos kalahati ng pasok sa paaralan ang naaantala dahil sa mga sakuna; at 55% ng mga pampublikong paaralan ay walang permanenteng punong-guro.
Dahil dito, hinimok ng report ang pagbibigay-prayoridad sa maagang edukasyon at nutrisyon, sapat na guro at kawani sa paaralan, maayos na pasilidad at mga kagamitan.
“Hindi dapat manatili sa papel ang mga rekomendasyon na ito. Kailangang maisakatuparan ito sa tulong ng lahat–pamahalaan, pribadong sektor, mga guro, at bawat pamilyang Pilipino,” dagdag ni Legarda.
Binigyang-diin din ni Legarda ang kahalagahan ng pagkakaisa ng iba’t ibang sektor, mula sa mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, pribadong sektor, mga samahan sa komunidad, at mga katutubo, upang masigurong magiging inklusibo, matibay, at makabuluhan ang reporma sa edukasyon.
Para sa karagdagang detalye sa EdCom II Year 2 Report, bisitahin ang edcom2.gov.ph.