25.8 C
Manila
Martes, Pebrero 4, 2025

Child-friendly content sa mga palabas sa TV bilang ‘safe space’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawang bahagi

KAHIT ang ahensyang pinaglilingkuran ko – ang NCCT – ay lumikha ng Child-Friendly Content Standards (CFCS) upang magsilbing gabay sa mga broadcast television networks (BTNs) sa paggawa nila ng programang pantelebisyon. Maaaring narinig n’yo na ito pero uulitin kong muli. Para masabing child-friendly ang palabas sa TV, may itinakda tayong criteria. Ang palabas ba sa TV ay kakikitaan ng E-V-A? Ano ito? E-Educational/Informative, V-Value Laden, at A-Age Appropriate. Tandaan natin ang E-V-A o EVA. Pagkatapos, tinatasa natin ang mga palabas sa TV batay sa 10 criteria na itinakda ng NCCT. Bukod sa tinitingnan namin ang tema, language, dialogue, sex and nudity, violence, gambling, at mga advertisements, tinitingnan din namin ang values na nakapaloob sa isang palabas. Ano ang values na itinatampok? May naging pagsasaalang-alang ba sa mga values that make us Filipino? Sa isang global community na inihahain ng social media, nagiging malabnaw na o diluted ang mga tinataglay nating values. Mas nagkakaroon  pa yata tayo ng appreciation sa kultura at values ng ibang lahi.

Noong nakaraang buwan, nagkaroon po ako ng pagkakataong dumalo sa idinaos na Asian Festival of Children’s Content (or AFCC) sa Singapore. Kasama ko po ang Exec Director ng aming ahensya upang pag-usapan ang ‘content’ sa mga aklat pambata at palabas sa telebisyon. Ibinahagi namin sa kanila ang mga ginagawa nating hakbang upang gawing child-friendly ang ating media environment, sa abot ng makakaya ng aming mandato. Halimbawa rito ay ang taon-taon naming pagdiriwang ng Dokyubata (isang documentary-making competition among young people), ang taunang pagbibigay ng grant na kung tawagin naming ay Natl Endowment Fund For Children’s Television (o NEFCTV) upang makapag-produce ng children’s shows at child-friendly shows ang mga independent producers, ang regular na pagdaraos ng ‘Dialogue with Content Creators’,  ang ginagawang ‘media monitoring’ sa mga palabas sa iba’t ibang TV networks. Bukod pa ito sa ipinatutupad naming batas na dapat ay maglaan ng 15% (kinse porsyentos) sa daily airtime ang lahat ng broadcast networks sa bansa.

Hindi magtatagal at ilalabas na rin ng NCCT ang Comprehensive Media Program for Children (CMPC). Pina-finalize na po namin ito. Magsisilbi itong roadmap para sa patuloy na pag-unlad at pag-angat ng NCCT bilang ahensyang nakatuon sa kapakanan ng mga bata.

Nandiyan din ang mga ‘media literacy workshops’ na ginagawa namin sa mga estudyante, mga magulang, at mga guro. Patuloy ang ating pag-abot sa mga magulang at guro upang higit silang malinawagan sa kung paano dapat harapin ang paggamit ng media at teknolohiya sa mga bata’t kabataan. Sa pamamagitan ng ating mga media literacy orientation services, nabibigyang-tuon ang kahalagahan ng ‘parental mediation’ sa mga bagay na may kaugnayan sa panunuod ng TV at paggamit ng gadgets, video games, at internet. Bukod sa ating ahensya, malaki ang papel ng mga magulang upang maitanim sa isip ng mga anak nila kung gaano kahalaga ang responsableng panunuod. Ito rin ang itinataguyod ngayon ng MTRCB: ang responsableng panunuod bilang susi sa pagkakaroon ng mas maayos na media environment. Bawat isa sa atin ay may stake dito.


Lahat po ng ito ay mga efforts natin upang makalikha tayo ng safe space o kanlungan para sa mga bata habang ginagalugad nila ang online world.

Ayon sa American Psychological Association, ang mga teenagers daw ay gumugugol ng humigit-kumulang na 5 oras sa mga pangunahing social media platforms gaya ng Tiktok, Youtube, at Instagram. Sa pag-aaral nilang ginawa noong 2019, tumaas daw sa 47% ang pagkakaroon ng suicidal thoughts at suicide-related outcomes nang maging popular ang paggamit ng social media. Lalo na itong tumindi nang dumaan tayong lahat sa pandemya. Natutuhan na rin ng mga bata na gumamit ng mga scientific terms patungkol sa mental health. Sa isang research na ginawa ng NCCT, ang ilang child respondents ay nagsabi ng mga ganitong statements: “Depressed po ako palagi; Bipolar na po yata ang nanay ko; Ang OC po kasi ng teacher ko.” Ngayon, more than ever, ang espesyalisasyon na Psychiatry sa Medisina ay naging sobrang in-demand dahil sa kabi-kabilang mental health concerns. Sabi ng kaibigan kong clinical psychologist, hindi na raw nila ma-cover ang napakaraming kaso ng mental health problems sa ating mga kabataan. Naisip natin na hindi lang pala kalusugang pampisikal ang dapat na isinasaalang-alang kundi pati ang kalusugang pangkaisipan.

Sa isyu ng nutrisyon, mahalaga ring mapaglaanan natin ng pansin ang kinakain ng mga bata. Kadalasan, puro sugary drinks at chips ang nakakain nila. Ito rin kasi ang laman ng mga patalastas sa TV at sa youtube. Dahil nagsusulat din po ako ng mga children’s books, nagulat ako nang sabihan ako ng mga guro sa public school na gumawa raw ako ng aklat tungkol sa UTI. As in UTI. Hindi ako makapaniwalang ganoon na pala karami ang kaso ng UTI sa mga estudyante. Dahil ba kako ito sa pagpipigil nilang umihi dahil hindi conducive sa kanila ang mga toilets sa iskul? Hindi raw. Ang pagkain ang mas itinuturo ng mga guro na siyang sanhi ng UTI – instant noodles, chips, softdrinks. Nagkulang ba ang mga eskuwelahan sa paglalaan ng safe space sa lifestyle ng mga bata habang nasa iskul? Paano ba natin mapoproteksiyunan ang mga bata sa mga panganib na dala ng pagkain?

May karugtong

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -