KASUNOD ng paglabas ng Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EdCom 2), binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na kailangang patatagin ang pundasyon ng mga mag-aaral upang masugpo ang krisis sa sektor ng edukasyon.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang bigyan ng prayoridad ang nutrisyon ng mga kabataan sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay, early childhood education, at pagkamit ng literacy sa Grade 3.
Pinuna ng Year Two Report ng EdCom 2 na pinamagatang “Fixing the Foundations” ang marupok na pundasyon ng mga kabataang Pilipino. Ayon sa naturang ulat, 25% lamang ng mga kabataang Pilipino, lalo na ang mga sanggol na anim na buwan hanggang isang taong gulang, ang nakakatanggap ng nirerekomendang energy intake para sa kanilang edad. Binigyang diin din ng komisyon na isa sa apat na batang Pilipinong mas bata sa limang taong gulang ang stunted o maliit para sa kanilang edad.
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi nakikilahok ang mga pamilya sa Early Childhood Care and Development (ECCD) programs ay ang kakulangan sa child development centers (CDCs). Bagama’t mandato ng Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act (Republic Act 6972) ang pagpapatayo ng daycare center sa bawat barangay, wala pa ring mga CDC sa 5,822 na mga barangay sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, matutugunan ang mga hamong ito ng Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575). Layon ng panukalang batas na makamit ang universal ECCD access para sa lahat ng mga batang mas bata sa limang taong gulang. Palalawakin ng naturang panukala ang saklaw ng National ECCD System sa lahat ng mga lungsod, munisipalidad, at mga probinsya.
Pinuna rin ng komisyon na maraming mga mag-aaral ang pumapasok sa Grade 4 na taglay ang mga kakayahang inaasahan sa Grade 2 o Grade 3. Ibinahagi ng EdCom ang resulta ng isang paparating na pag-aaral ng Unicef, kung saan lumabas na bago pa sumiklab ang pandemya ng Covid-19, nahuhuli ng isang taon ang mga mag-aaral na nagtapos ng Grade 3 pagdating sa literacy. Dahil sa pandemya, katumbas na ng tatlong taon ang nawala sa mga mga mag-aaral.
Ayon kay Gatchalian, mahalagang maipatupad nang maayos ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, isang programa para sa learning recovery na nilikha sa ilalim ng ARAL Program Act (Republic Act No. 12028).
“Malinaw ang mensahe sa atin: kailangan nating patatagin ang pundasyon ng ating sistema ng edukasyon. Kailangang harapin natin ang maraming mga hamong pinagdaraanan natin at bigyang prayoridad ang mga may kinalaman sa pagpapatatag ng pundasyon ng ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian.