SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukalang Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) ay inaasahang makakaakit ng mas maraming Pilipino upang mamuhunan sa capital market ng bansa. Ito ay ang sistema o lugar kung saan isinasagawa ang kalakalan ng pangmatagalang puhunan, tulad ng stocks at bonds.
“Sa pamamagitan ng CMEPA, hindi lamang magiging mas abot-kaya ang pamumuhunan. Magbibigay rin ito ng kapangyarihan sa ating mga kababayan na kontrolin ang kanilang financial future,” sabi ni Gatchalian matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas.
Kapag naisabatas na, babawasan ng panukalang ito ang stock transaction tax sa 0.1% mula 0.6%. “Ang mababawasang rate na 0.1%, ay malaking kabawasan sa gastusin ng pamumuhunan at kalakalan, at magbibigay-daan para mas maging malapit sa ating mga kapitbahay na bansa sa rehiyon na nag-aalok ng mas competitive rates,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Binigyang-diin ng senador na ang pagpapalakas ng capital market ay makakahikayat ng mas maraming pamumuhunan at magbibigay ng pagkakataon kahit na sa mga ordinaryong Pilipino na palaguin ang kanilang ipon.
“Hindi natin maipagkakaila ang reyalidad na ang pamumuhunan sa Pilipinas ay mas mahal, kumpara sa marami nating mga kapitbahay sa rehiyon, bagay na nagiging hadlang sa maraming Pilipino na mag-invest sa capital market. Dahil dito, kailangan nating maisabatas ang CMEPA,” sabi ni Gatchalian.
Dagdag pa niya, ang stock market capitalization ng bansa sa Gross Domestic Product (GDP) ay nasa 54.1% lamang, mas mababa sa average na 78.3% sa iba pang malalaking ekonomiya sa Southeast Asia.
“Kapag mas maliit ang stock market capitalization, mas limitado ang daloy ng pera sa merkado na magagamit sana ng mga negosyante sa pamumuhunan. Ang mga datos ay malinaw na nagpapakita na ang Pilipinas ay napag-iiwanan na ng ating mga kapitbahay na bansa,” aniya.
Batay sa 2021 Financial Inclusion Survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas, 1 lamang sa 10 Pilipinong nasa hustong gulang ang nag-iinvest sa capital market. Ang tingin kasi ng maraming Pilipino, ang capital market ay para lamang sa mga mayayaman at hindi naa-access ng mga ordinaryong tao.
Ang isa pang mahalagang probisyon ng panukala ay ang pagpapababa ng documentary stamp tax sa original issue ng shares of stocks sa 0.75% mula sa kasalukuyang 1%.