23.7 C
Manila
Biyernes, Enero 31, 2025

Epekto ng minimum wage sa empleyo ng manggagawa 

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -
MARAMING bansa, mauunlad man o papaunlad, ang nagpapatupad ng patakarang nagtatakda ng pinakamababang pasweldo o minimum wage upang mabigyan ng sapat na kita ang mga ordinaryong manggagawa. Ngunit maraming ekonomista ang umaayaw sa patakarang ito ng pamahalaan dahil nauuwi ito sa di optimal na alokasyon ng mga yaman. Dahil ang pagtatakda ng minimum wage ay isang uri ng pinakamababang presyo na mas mataas sa ekilibriyong presyo sa bilihan nagbibigay ito ng insentibo sa mga manggagawa na maglaan ng dagdag na oras sa pagtatrabaho bunga ng mataas na pasweldo. Samantala, ang mga kompanya, ay napipilitang ibaba ang kanilang demand sa paggawa dahil ang mataas na pasweldo ay dapat tapatan ng mataas na produktibidad ng mga manggagawa na natatamo lamang sa mababang demand. Dahil dito nagkakaroon ng labis na suplay ng manggagawa na nauuwi sa desempleyo; ang maliit na demand sa paggawa ay pinapantayan ng maliit na suplay ng paggawa.
Ngunit sa larangan ng empirical na pag-aaral, may ilang ekonomista ang nagsiyasat kung talagang nauuwi sa desempleyo ang pagtatakda ng minimum wage. Sa pag-aaral nina David Curd at Alan Krueger noong 1990 sa Princeton University naipakita nila na may iba’t ibang resulta ang pagtatakda ng minimum wage kung ihahambing sa tradisyonal na teorya. Ang empleyo ng mga manggagawa ay maaaring tumaas, bumaba o hindi magbago bunga ng pagpapatupad ng minimum wage batay sa kapaligiran ng industriya at ng bilihan ng paggawa.
Kung ang bilihan ng paggawa ay kinatatampukan ng nag-iisang mamimili o monopsonyo, maaring tumaas ang empleyo ng mga manggagawa sa isang industriya sa pagpapatupad ng pagpapataas ng minimum wage. Ang monopsonyo ay isang estruktura ng bilahan na may nag-iisa o kakaunting mamimili o consumer ng serbisyo ng paggawa. Dahil sa katangiang ito, may kapangyarihan ang nag-iisang mamimili na bawasan ang binibili niyang serbisyo ng paggawa. Dahil kakaunti lamang ang binibili nitong serbisyo ng mga manggagawa, magbabawas din ang mga suplayer ng paggawa o mga manggagawa ng oras upang ilaan sa pagtatrabaho upang pumantay ang suplay sa pinaliit na demand. Sa mababang suplay ng paggawa, ang ang mga manggagawa ay handang tumanggap ng mas mababang pasweldo.
Ang pagpapatupad ng pamahalaan ng minimum wage na mas mataas sa pasweldo sa ilalim ng monopsonyo ngunit mababa pa rin sa ekilibriyong pasweldo sa ilalim ng kompetitibong bilihan ay mauuwi sa pagtaas ng empleyo. Dahil sa pagtaas ng minimum wage mapipilitang itaas ng monopsonyo ang kanyang demand upang mapaliit ang nabawasang consumer surplus bunga ng pagtaas ng pasweldo. Sa pagtaas ng demand sa paggawa, ang mga manggagawa ay may insentibo ring itaas ang kanilang oras sa pagtatrabaho bunga ng pagtaas ng pasweldo. Ang kongklusyong ito ay taliwas resulta ng tradisyonal na teorya sa pagtatakda ng pinamababang pasweldo.
Samantala, ang pagpapatupad ng minimum wage ay maaaring mauwi sa pagbabawas ng empleyo kung ang demand sa paggawa ay elastiko. Ang demand sa paggawa ay elastiko nangangahulugan na kapag tumaas ang presyo ng paggawa o pasweldo bunga ng pagtatakda ng minimum wage ay mas malawak ang porsiyento ng pagbabawas ng demand sa paggawa kung ihahambing sa porsiyento ng pagtaas ng pasweldo. Halimbawa, ang isang kompanya na nagmamanufaktura, maaaring itong gumamit ng maraming capital at iba pang teknolohiyang nagtitipid sa paggamit ng paggawa tulad ng automation sa pagtaas ng presyo ng paggawa. Sa ganitong sitwasyon, mababawasan ang paggamit ng paggawa sa pagtataas ng minimum wage.
Kung ang demand sa paggawa ay di elastiko, ang pagpapatupad ng minimum wage ay maaaring hindi baguhin ang demand sa paggawa at walang epekto sa empleyo ng mga manggagawa. Kapag ang demand sa paggawa ay di elastiko ang porsiyentong pagtaas ng pasweldo bunga ng pagpapatupad ng minimum wage ay mas mataas sa porsiyentong pagbaba ng demand sa paggawa.  Halimbawa, sa mga industriyang matitindi sa paggamit ng paggawa tulad ng mga maliliit na negosyo hindi maaaring magbago ang empleyo bunga ng pagtaas ng pasweldo dahil liliit ang kanilang produksiyon. Mahirap ding palitan ng paggamit ng capital o automation ang mga manggagawa kahit tumaas ang pasweldo dahil lalong tataas ang kanilang gastos. Ang maaaring gawin ng mga kompanya ay itaas ang presyo ng produktong kanilang ipinagbibili habang pinahuhusay nila ang kalidad ng kanilang serbisyo tulad ng ginagawa ng mga restawran.
Samakatuwid, hindi masama ang pagpapataas ng minimum wage dahil may iba’t ibang epekto ito sa empleyo batay sa estruktura ng bilihan at elastisidad ng demand sa paggawa. Ganoon pa man, may mga pagkakataon na bumababa ang empleyo. Ang mga nawalan ba ng trabaho sa isang sector ay kayang tanggapin ng mga industriyang tumataas ang empleyo bunga ng pagpapataas ng minimum wage? Kung matatanggap, wala talagang epekto ang pagtaas ng minimum wage sa kabuoang empleyo. Ngunit ang realidad ay mahirap ilipat ang mga nawalan ng trabaho sa mga sector na nangangailangan ng dagdag na trabaho dahil sa nagkakaibang lugar, nagkakaibang katangian at  nagkakaibang produktibad ng mga manggagawa.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -