PINARANGALAN ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang dalawang nagwagi ng Gawad Julian Cruz Balmaceda, ang pinakamataas na pagkilala na handog ng KWF para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gamit ang wikang Filipino.
Sa kategoryang tesis, nanalo ang tesis masterado sa Bicol University ni Kristine Mae Nares, “Pagmamapa ng Kalinangang Bayan ng Munisipalidad ng Guinobatan, Albay” na nakatuon sa pagkolekta, pagsalin, at pagbigay interpretasyon sa kalinangang bayan ng Guinobatan, Albay upang makalikha ng aklat na magagamit bilang kagamitang panturo.
Si Mariyel Hiyas Liwanag naman ang nagawaran sa kategorya ng disertasyon sa DLSU-Maynila na pinamagatang “Isabuhay: Isang Larong Diesnyo para sa Diskurso ng mga Wikang Katutubo.” Ibinalangkas ng mananaliksik ang kabuoang tindig hinggil sa idinisensyong laro gamit ang konsepto ng value engineered sa paglalarawan ng kalagayang pangwika sa bansa magmula sa mga sangguniang tumatalakay direkta at di-direkta tungkol sa wika mula panahong bago ang pananakop ng mga Español hanggang sa kasalukuyan.
Sa kanyang mensahe, binati at pinasalamatan ni Dr. Arthur Casanova, tagapangulo ng KWF, ang dalawang awardee. Ayon sa kanya, ang karangalan na Gawad Julian Cruz Balmaceda ay isang halimbawa ng pagpupunyagi ng Komisyon sa Wikang Filipino na lalo pang mapaigting ang pagiging intelektwalisado ang ating Wikang Pambansa.
Pinangunahan nina Tagapangulo Dr. Casanova, Kom. Bejamin Mendillo Jr., Direktor-Heneral Atty. Marites Barrios-Taran, Kom. Carmelita Abdurahman, ang awarding ceremony.
Nag-uwi ng plake, medalya, at isang daang libong piso (P100,000) ang mga awardee ng naturang awarding ceremony sa Bulwagang Romualdez ng KWF.
Hinihikayat at isinusulong ng Gawad Julian Cruz Balmaceda ang pagunlad ng mga natatanging akda, tungo sa intellektwalisasyon at modernisasyon ng Wikang Filipino.
Ang Gawad Julian Cruz Balmaceda 2026 ay bukas na para sa pagsusumite ng lahok hanggang Oktubre 3, 2025, 5:00 nh. Malugod na inaanyayahan ng KWF ang lahat ng mga guro, iskolar, at lahat ng mga nagtataguyod ng wika, kultura, at panitikan sa Wikang Filipino sa malawakang partisipasyon at paglahok sa Gawad Julian Cruz Balmaceda 2026. (JLN/PIA-NCR)