UMAKYAT sa 2.9% ang year-on-year (YOY) inflation at 0.6% ang month-on-month (MOM) inflation noong Disyembre. Ano-ano ang mga dahilan ng pag-akyat na ito?
Ang pinakamalaking dagdag sa inflation noong Disyembre ay dulot ng pagkasira ng mga gulayan at palaisdaan dahilan sa mga sunud-sunod na malalakas na bagyo noong Nobyembre. Umakyat ang inflation ng gulay ng 14.2%. Kasama nitong umakyat ang inflation ng karne na tumaas ng 4.9% at isda na umakyat ng 1.0%. (Table 1)
Mabuti na lang at bumagsak ang YOY inflation ng bigas sa 0.8% mula sa 5.1% noong Nobyembre, at gatas sa 2.4% mula sa 2.9%. Nahila pababa ang presyo ng bigas ang overall inflation dahil sa pagbaba ng tariff rate sa 15% at pagdoble ng volume ng rice imports pagkapirma ng Executive Order No. 62, at ang pagdausdos ng presyo ng bigas sa pandaigdig na merkado. Ang gatas naman ay imported na produkto at dahil sa pagbaba ng demand sa mga malalaking bansa dahil sa matumal na ekonomiya, bumagsak din ang presyo nito kahit na tumaas ang gastos sa produksyon.
Umakyat din ang non-food inflation sa 2.6% noong Disyembre mula sa 1.9% noong Nobyembre. Umakyat ng 4.3% ang presyo ng Dubai crude oil sa US$76.07 kada bariles mula sa US$72.92 noong Nobyembre. Ngunit bumaba ang presyo nito kumpara sa US$77.57 noong Disyembre ng 2023. Umakyat ang presyo noong Disyembre dahil sa 1 million barrel-a-day oil na boluntaryong production cut na ginawa ng Saudi Arabia at ang pagbawas ng Russia ng 300,000 bariles bawat araw sa supplies na ibenebenta nito. Bumagsak naman ang presyo ng 3% noong 2024 dahil sa mahinang demand ng China kahit na ang Estados Unidos (EU) at iba pang non-OPEC producers ay nagdagdag ng krudo sa pandaigdig na merkado.
Halos lahat ng kategorya ng non-food ay di gumalaw o bumaba sa mga antas nila noong Nobyembre gaya ng clothing at footwear na bumaba ng 2.4%; household furnishings na di gumalaw sa 2.7%; health, at information and communication na bumaba ng 2.5%. Ngunit nahila paitaas ang antas ng housing, water, electricity and other fuels sa 2.9% mula 1.9%; at transport na umakyat sa 0.9% mula sa -1.2%.
Sinabayan ng month-on-month (MOM) inflation ang galaw ng YOY inflation. Mula sa 0.4% noong Nobyembre, tumaas ito sa 0.6% noong Disyembre. Nanatiling mataas ang inflation ng food sa 3.5% gaya noong nakaraang buwan dahil hindi pa nakakabawi ang supply. Pinakamalaking akyat sa inflation ang naitala sa gulay (4.8%), karne (1.5%), bigas (0.8%) at isda (0.7%). Kahit panahon ng tag-ani, nanatiling mataas ang inflation ng gulay, bigas at isda, dahil sinira ng malalakas na bagyo ang mga pananim at mga palaisdaan. Bumawi nang kaunti ang paghina ng inflation ng gatas na umakyat lang ng 0.2%, at asukal na bumagsak ng -0.1%.
Sa non-food category naman, dumoble ang MOM inflation sa 0.4% mula sa 0.2% noong Nobyembre. Trumiple ang inflation ng transport sa 1.2% mula sa 0.4%. Ganoon din ang housing water, electricity, gas and other fuels na umakyat sa 0.4% mula sa -0.2%. Di gumalaw ang MOM inflation ng clothing and footwear (0.1%); health (0.2%); at information and communication (0.0%) at dumausdos ang furnishings, household equipment, and routine maintenance sa 0.2% mula sa 0.5%.
Dahil ang naitalang inflation ay sakop pa rin sa projected inflation range na 2-4%, inaasahang itutuloy ng Bangko Sentral ang pagtapyas sa interest rates. Ngunit nagbabadya ang madilim na panginorin ang pagpasok ng bagong administrasyon sa EU na maaaring magtaas ng taripa sa lahat ng imports. Ang ibig sabihin nitoý ay panibagong pagtaas ng inflation ang sasalubong sa lahat ng mga produktong pumapasok sa international trade. Baka maantala ang pagnormalisa ng interest rates sa EU at maapektuhan ang inaasahang pagnormalisa sa galaw ng international trade at pandaigdigang GDP.
Table 1. CONSUMER PRICES | |||||||
Disyembre 2024 In Percent |
YEAR-ON-YEAR (YOY) | MONTH-ON-MONTH (MOM) | |||||
Oct | Nov | Dec | Oct | Nov | Dec | ||
ALL ITEMS | 2.3 | 2.5 | 2.9 | 0.2 | 0.4 | 0.6 | |
I. FOOD AND NON-ALCOHOLIC BEVERAGES | 2.9 | 3.4 | 3.4 | 0.5 | 1.0 | 0.8 | |
Food | 3.0 | 3.5 | 3.5 | 0.5 | 1.0 | 0.8 | |
Rice | 9.6 | 5.1 | 0.8 | -0.5 | -1.5 | 0.8 | |
Meat | 3.6 | 3.9 | 4.9 | -0.5 | -0.2 | 1.5 | |
Fish | -0.4 | 0.4 | 1.0 | 0.7 | 1.1 | 0.7 | |
Milk | 3.6 | 2.9 | 2.4 | 0.8 | 0.3 | 0.2 | |
Vegetables | -9.2 | 5.9 | 14.2 | 4.5 | 12.0 | 4.8 | |
Sugar | -3.3 | -2.9 | -2.7 | 0.1 | 0.0 | -0.1 | |
II. ALCOHOLIC BEVERAGES AND TOBACCO | 3.0 | 3.1 | 3.1 | 0.2 | 0.5 | 0.4 | |
NON-FOOD | 1.8 | 1.9 | 2.6 | -0.1 | 0.2 | 0.4 | |
III. CLOTHING AND FOOTWEAR | 2.7 | 2.7 | 2.4 | 0.1 | 0.1 | 0.1 | |
IV. HOUSING, WATER, ELECTRICITY, GAS AND OTHER FUELS | 2.4 | 1.9 | 2.9 | -0.2 | -0.2 | 0.4 | |
V. FURNISHINGS, HOUSEHOLD EQUIPMENT AND ROUTINE HOUSEHOLD MAINTENANCE | 2.4 | 2.7 | 2.7 | 0.1 | 0.5 | 0.2 | |
VI. HEALTH | 2.6 | 2.6 | 2.5 | 0.2 | 0.2 | 0.2 | |
VII. TRANSPORT | -2.1 | -1.2 | 0.9 | 0.1 | 0.4 | 1.2 | |
VIII. INFORMATION AND COMMUNICATION | 0.2 | 0.2 | 0.2 | 0.0 | 0.0 | 0.0 | |
Source: Philippine Statistics Authority |