Unang bahagi
“Children as Zones of Peace.”
Noong 2019, naipasa ang Republic Act 11188: kilala bilang ‘Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Law.’ Ang batas na ito ay nagdedeklara na ang mga bata ay dapat ituring na ‘zones of peace.’ Na sa panahon ng giyera o armed conflict, ang mga bata ay dapat maproteksiyunan laban sa pang-aabuso at karahasan. Sa listahan ng mga Karapatan ng mga Bata mula sa UN Convention on the Declaration of the Rights of the Child, kasama roon ang ‘pagbibigay ng proteksiyon sa kanila sa lahat ng panahon at at sa lahat ng pagkakataon.’
Children are zones of peace. Narinig kong muli ang linyang ito sa isang peace advocate nang minsang pag-usapan namin ang digmaang naganap sa Islamic City of Marawi ilang taon na ang nakararaan. Sa aking aklat na ‘Maselan ang Tanong ng Batang si Usman,’ binigyan ko ng boses ang dalawang batang tauhan na sina Noraida at Usman. Sila ang mukha ng mga batang naging biktima ng giyera sa Marawi, sila ang mukha ng mga nagbakwit at nawalan ng tahanan, sila ang kabiyak ng mukha ng lahat ng batang napapasama sa usapin ng giyera.
Pero ibang giyera ang kinakaharap ng mga kabataan ngayon. Sa mga screen ng kanilang gadgets at computer, nandoon ang lahat ng posibleng makapagpaguho sa katauhan ng bata bilang ‘zones of peace.’ Nag-iba na ang mukha ng battlefield. Nag-iba na rin ang armas para sa digmaan. Hindi na ito baril o tangke o kanyon. Rectangle na ang hugis nito. Nahahawakan at napipindot. Hindi na kinatatakutan, bagkus ay kinagigiliwan. Mula pagkagising hanggang pagtulog, kasa-kasama natin ang mga ‘armas’ na ito. Naa-address ba ang karahasan at pang-aabusong nagaganap sa kanilang online world? Payapa pa ba ang puso ng mga batang nakatutok sa mga nakikitang palabas sa kanilang gadgets?
Paano ba natin mabibigyan ng proteksiyon ang batang Filipino? Marami ang nagsasabi na ang tamang values ay nag-uugat sa tahanan, sa piling ng ating pamilya. Pero may mga bagong kapamilya na dumagdag sa ating mga bahay na di natin namamalayan: ang mga gadgets na kasa-kasama natin sa araw-araw na malakas ang hatak sa mga bata’t kabataan. Kung noon ay telebisyon ang ginawang ‘yaya’ ng mga magulang sa kanilang mga anak, ngayo’y ang mga gadgets na ang pumalit. Sa isang pindot lang dito ay nakakunekta na ang bata sa napakaraming bagay na wala na siyang kontrol.
Kamakailan, sa Amerika, isang surgeon-general – si Dr. Slaven Vlasic – ang nanawagan sa US Congress na maglagay ng “tobacco-style warning” sa mga social media platforms gaya ng Youtube, Tiktok, at Instagram. Maganda ang ginawa niyang ito. Totoo nga naman na dapat ituring ang mga social media platforms na parang produkto – gaya ng sigarilyo – na iniaalok mo sa publiko. Sa dami ba naman ng apps na patuloy na dine-develop at mada-download for free, hindi na natin mausisa kung alin dito ang ligtas o alin dito ang may dalang panganib sa mga bata.
Matatandaan na noong 1965, natuklasan na may kaugnayan ang paninigarilyo sa lung cancer at sakit sa puso. Dahil dito, inilagay sa mga pakete ng sigarilyo ang paalala na ‘CAUTION: Cigarette smoking may be hazardous to your health.’ Maski naman ngayon, may mga retrato pa ng kung ano-anong sakit na nakapaskil sa pakete ng sigarilyo upang magsilbing paalala sa panganib na dala ng paninigarilyo. Kahit nga sa patalastas sa TV, binabanggit din ito. Kung naging proactive daw noon ang US Congress sa pagpapasa ng ganitong paalala, bakit daw hindi rin ito gawin para sa social media?
Sinasabi kasing ang social media ang major contributor ngayon sa nangyayaring mental health crisis ng mga kabataan, partikular ang anxiety at depression. Dapat daw banggitin ang panganib na maaaring idulot ng mga apps at websites na napupuntahan nila, sinasadya man o hindi. Kabilang sa binabanggit na posibleng panganib sa pagbababad sa social media ay ang patuloy na exposure sa violent and sexual content, bullying, harassment, at body shaming.
Binanggit din ng naturang surgeon na ang panganib ng pagkakaroon ng anxiety at depression sa mga kabataan ay may kaugnayan sa tagal ng panahong inilalagi nila sa social media. Pero hindi rin daw sapat ang paglalagay lamang ng warning na ang social media ay may dalang panganib. Kailangan ding may hakbang na gawin ang gobyerno, ang mga social media platforms, ang mga magulang at guro, upang maging mas ligtas ang online world para sa mga bata at nang maproteksyunan sila sa mga posibleng danyos perwisyos. Collective effort kumbaga. Hindi effort lamang ng isa.
(May karugtong)