27.6 C
Manila
Lunes, Enero 27, 2025

Dapat bang pag-awayan ng mag-asawa ang pera?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG JUAN)

- Advertisement -
- Advertisement -

O, Uncle, saan ka galing?

Nag-reunion kami nung mga kaibigan naming mga couples, Juan.

Naku, sigurado ako ang dami n’yong Marites at mga “down memory lane” na kuwento.

Totoo ka dyan, Juan. Pero ang maganda dyan napag-usapan namin ang mga financial issues na nakakasira sa mga relasyong mag-asawa.

Bakit, Uncle? Marami ba talagang mag-asawang nag-aaway dahil sa pera?


Oo, Juan. Marami man o walang pera. Magtataka ka.

Ayon sa isang pag-aaral ng Fidelity, isang  investment company sa Amerika, sa kanilang  2024 Couples and Money study, 45 porsiyento ng partners ay nag-aaway tungkol sa pera at 25 porsiyento ng mga couples ay sinasabing ang pera ang pinakamatinding problema sa mga relasyon nila.

Sa Pilipinas, nakita ko na rin ito sa marami kong nakapanayam na mga mag-asawa. Kultura natin na hindi pag-usapan ang pera kahit na sa ating nga pamilya. Laging sinasabi na pera lang yan at hindi dapat maging dahilan ng alitan, tampuhan o awayan. Pero kadalasa’y ang nangyayari ay dahil sa hindi nga napag-uusapang mabuti ang mga bagay na tungkol sa pera, nauuwi ito sa hindi pagkakaunawaan at sa kasamaang palad ay napupunta sa hiwalayan ang karamihan.

Bakit nga ba? Ano ba ang mga financial issues na madalas na nagiging sanhi ng gulo ng mga mag-asawa?

- Advertisement -

Una, ang paghihiwalay ng kita ng mag-asawa. Kanya-kanya. Maaring hindi alam ng bawa’t isa ang totoong kinikita. Tinatago lalo na kung may ekstrang bonus o kita sa mga dinidiskartehang hanap-buhay. Ito yung tinatawag na “financial infidelity” na sinulat ko nung isang taon. Kaya pag nabayaran na ang mga bills, wala ng pakialam sa isa’t isa kung ano ang gagastusin ng bawa’t isa. Pag-aawayan  na lang kung kulang na ang budget o biglang naghanap ng pera para sa isang emergency. Kaya mahirap din ang ganitong arrangement lalo na kung hindi napag-uusapang mabuti. Walang long-term financial planning, lalo na sa paghahanda sa retirement.

Pangalawa, pagbabayad ng lumang utang. Posible na pag nag-asawa ang isang tao, may utang na maiiwan at maisasama sa mga bayarin ng mag-asawa. Paano kung ito ay malaking pagkakautang? Paano kung hindi ito nasabi at napag-usapan? Lalo na pag ang napangasawa ay mataas ang pagpapahalaga sa pag-iipon at pagba-budget, maaring maging malaking isyu ito sa pagsasama.

Pangatlo, ang magkasalungat na values sa pag-handle at pag-manage ng pera. Yung isa ay kuripot at yung isa naman ay magastos. Natural na magkaiba ang kinalakhan at exposure ng bawa’t tao sa usapin ng pera. Kaya kung hindi ito napag-usapan bago pa nagdesisyong magpakasal, malaki ang posibilidad na magbigay ito ng stress sa relasyong mag-asawa.

Pang-apat, ang paglaki ng pamilya. Pag dumadami ang anak at lumalaki ang responsibilidad sa pagpapakain, pagpapaaral at pagsuporta sa lahat ng kanilang pangangailangan, kinakailangang mas malaki ang kita at ambag ng bawa’t isa sa pagtaguyod ng pamilya. Kadalasa’y umiinit ang ulo ng Tatay o Nanay pagdating na ng bayarin at yung mga pagkakataong may biglaang pangangailangan. Kaya dito nagkakaroon ng minsa’y domestic violence sa mga mag-asawa. Nakasaksi na ko ng ganito lalo na sa mga mahihirap na komunidad.

Pang-lima, ang isyu ng housewife vs. househusband. Sa panahon ngayon, uso na ang lalaki ang nasa bahay para alagaan ang mga anak at ang kabahayan o ang tinatawag nating househusband. Hindi na katulad nuong araw na ang inaasahang nasa bahay ay ang mga babae lang at ang lalaki ang provider ng mga gastusin ng mga anak at ng buong pamilya. Kaya kadalasa’y isyu ito ng mag-asawa, lalo na ng mga lalaking nai-insecure sa asawa o di kaya’y naaawa sa sariling kalagayan at kapasidad. Kung hindi malinaw ang role ng bawa’t isa sa mga obligasyon ng pagtaguyod ng isang pamilya, puwede itong pag-awayan, lalo na kung dinidikta na ng mas kumikita kung paano patakbuhin ang household.

Panghuli, ang pagsuporta sa extended family. Madalas ang isyu ay nanggagaling sa kung bakit kailangan tulungan ang kapamilyang nangangailangan, kahit ikaw pa ay mas may kakayahan sa buhay. Kultura natin ang tumulong sa ating mga magulang at kapatid, lalo na kung sila’y kapos o walang mapuntahang iba kundi ikaw. Kung hindi malinaw ang mga priorities at boundaries ng mag-asawa tungkol sa pagtulong, lagi itong pag-aawayan at puwedeng humantong sa pagwatak-watak ng relasyon sa pamilya.

- Advertisement -

Ano bang dapat gawin para maiwasan ito?

KKK- Komunikasyon, Kooperasyon, Kumita.

Komunikasyon. Kailangan pinag-uusapan ang pera at lahat ng financial na aspeto ng pamumuhay. Maging transparent at open. Walang tinatago. Dito maiiwasan ang “financial infidelity”. Magpakatoo din sa kung anong dapat baguhin sa sarili para magkasundo. Kung dati kang magastos, baka maghinay-hinay na ngayong may pamilya ka na. Laging bigyang prayoridad ang asawa at pamilya kesa sa sarili lang. Kung ano ang mas makakabuti sa buong pamilya, yun ang gawin mo.

Kooperasyon. Hindi na tamang konsepto na ang lalaki lang ang dapat kumikita at ang babae ay dapat nasa bahay lang para mag-alaga ng pamilya. Ang mag-asawa ay merong karapatang mag-ambag para sa pagtaguyod ng pamilya. At may mga pagkakataong mas may posibilidad para sa mga babaeng kumita ng mas malaki. Kailangan ng kooperasyon at pagsuporta sa pagkayod ng bawa’t isa. Pag-usapan ang financial planning ng pamilya para malinaw ang financial goals na minimithing tuparin  at kung ano ang mga priyoridad sa pag-iipon, pagba-budget at pag-iinvest.

Kumita. Bawal ang tamad. Bawal ang puro pangarap lang at walang ginagawa para matupad ito. Bawal umasa sa pamilya o sa ibang tao lalo na kung may malinaw na kakayahan ka sa paghahanap-buhay. Bawal ang pagbibigay priyoridad sa mga kabarkada o kaibigan o ibang tao kesa sa pamilyang umaasa sa yo.

Sa KKK, mas magkakaroon ng trust at respeto ang mag-asawa sa isa’t isa. At dun mo masasabing pera lang yan. Hindi dapat problema yan.

Kaya, Juan, bago ka mag-asawa, tandaan mo yung sinabi ko. Pero sana may pera ka na nun.

- Advertisement -
Previous article
Next article
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -