26.1 C
Manila
Biyernes, Enero 24, 2025

Makukulay na kasuotang hango sa yamang dagat, tampok sa Pangisdaan Festival ng Navotas

- Advertisement -
- Advertisement -

MISTULANG mayamang karagatan ang naging anyo ng isang lansangan ng Navotas City sa pagparada ng mga makukulay na kasuotan at naglalakihang imahe ng iba’t ibang yamang-dagat na sumasalubong sa mga manonood.

Kasabay ng masiglang tunog at ang malalakas na ugong ng palakpak at musika, sumayaw ang mga kalahok sa Pangisdaan Street Dance Competition na tila mga isdang lumalangoy sa malinis na tubig.

Ang buong kalsada ay naging isang makulay na eksena, sumasalamin sa mayayamang taon ng kasaysayan at pagdiriwang ng Navotas sa kanilang ika-119 na anibersaryo. Sa bawat pag-indak ng mga kalahok, parang agos sa karagatan—mabilis, masigla, at puno ng kasiyahan.

Hiyawan ang mga manonood sa kalsada, hindi lang 50 kundi 500 mag-aaral ang nakitampisaw sa sayawan: may mga maliksi, may mga malambot, at may mga sakto lang sa ritmo.

Kilala ang Navotas City bilang isa sa “pinakamalaking” fish port sa Timog-Silangang Asya, at ang pangingisda ang pangunahing kabuhayan ng mga tao rito.

Dahil dito, taun-taon ipinagdiriwang ang Pangisdaan Festival bilang pag-alala sa yaman ng dagat at pagkilala sa kanilang titulong “Fishing Capital of the Philippines,” pati na rin sa pagpapakita ng mayamang kultura ng mga Navoteño.

“Napakaimportante na ipakita natin sa pamamagitan ng talento ng mga kabataan ang mga nangyari sa nakalipas, sa kasalukuyan, at sa hinaharap. Dapat malaman ng ating mga kabataan kung saan sila nagmula at ang kasaysayan ng kanilang lugar,” wika ni Mayor John Rey Tiangco.

Sa kabila ng masiglang pagdiriwang, nasungkit ng Tangos National High School ang kampeonato, sinundan ng San Roque National High School bilang first runner-up, at Tanza National High School bilang second runner-up.

Ipinahayag din ni Tiangco na ang ganitong mga aktibidad ay hindi lamang nagsusulong ng kultura, kundi nagiging pagkakataon din ito para sa mga kabataan na maipakita ang kanilang kahusayan at pagmamahal sa sining at tradisyon.

Ang Pangisdaan Festival ay nagsilbing simbolo ng pagkakaisa at karangalan para sa mga Navoteño sa kanilang mayamang kultura at kasaysayan. JCO/PIA-NCR)

(Mga kuha ni Gelaine Louise Gutierrez/PIA-NCR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -