25.7 C
Manila
Huwebes, Enero 23, 2025

Alituntunin sa pagtatrabaho ng dayuhang manggagawa sa Pilipinas, palalakasin ng DOLE

- Advertisement -
- Advertisement -

NILAGDAAN ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido  Laguesma noong Enero 20, 2025 ang DOLE Department Order No. 248, Series of 2025, na nagsasaad ng mga bagong alituntunin at regulasyon sa pagtatrabaho ng mga dayuhan sa Pilipinas o ang Alien Employment Permit (AEP) Guidelines.

Nilagdaan ni Kalihim Bienvenido Laguesma (itaas na larawan, nakaupo sa gitna) ang DOLE Department Order No. 248, Series of 2025, na bumabalangkas sa mga bagong alituntunin sa Alien Employment Permits (AEP) para sa mga dayuhang manggagawa sa Pilipinas sa ginanap na 2025 Central Office – Regional Offices (CO-RO) Annual Planning Exercise sa Quezon City noong Enero 20, 2025.

Itinatakda ng mga binagong alituntunin ng AEP ang mga makabuluhang hakbang tungo sa rasyonalisasyon ng mga kinakailangan at pagsasaayos ng pagproseso ng mga permit sa pagtatrabaho para sa mga banyaga na naglalayong balansehin ang pagsulong ng pamumuhunan, lokal na proteksyon sa paggawa, at tiyakin ang paglilipat ng mga kasanayan sa mga manggagawang Pilipino.

Sa huling tatlong taon, nakapag-isyu ang DOLE ng kabuuang bilang na 192,573 AEP sa mga banyagang nagtatrabaho sa iba’t ibang industriya sa bansa.

Paghahanay alinsunod sa pambansang prayoridad

Ang pinalakas na mga alituntunin ng AEP ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa ilalim ng Executive Order No. 18, Series of 2023, na naglalayong palakasin ang foreign direct investment (FDI) sa pagtiyak ng maayos na proseso sa larangan ng pagnenegosyo. Inaasahang makikinabang sa mga repormang ito ang mga employer na nasa priority investment sector sa pamamagitan ng mga pinabilis na proseso, na magpapatibay sa posisyon ng Pilipinas bilang competitive at investor-friendly destination sa rehiyon.

Layunin ng mga alituntunin na pagtibayin ang pinagsama at pinasimpleng pamamaraan upang maiwasan ang red tape at bumilis ang transaksyon sa pamahalaan. Tinitiyak nito na ang mga dayuhang manggagawa ay makakatulong sa priority sector, na naaayon sa layunin ng pag-unlad ng bansa, at gumagalang sa mga karapatan ng mga manggagawang Pilipino.

Pagsasaayos ng mga proseso at bagong mekanismo

Sa ilalim ng bagong alituntunin, pinasimple ang pagsasagawa ng labor market test kung saan pinag-isa na lamang ang paglalathala sa isang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon. Makakatulong ang hakbang na ito upang makatipid sa gastos at sa oras ng paghihintay ng employer at dayuhang manggagawa na nag-aapply ng AEP sa Kagawaran.

Upang higit itong mapalawak, ang labor market test ay isasagawa din sa pamamagitan ng paglalathala sa PhilJobNet, ang opisyal na job matching portal ng pamahalaan, para sa mas mahusay at malinaw na proseso para sa employer at mga naghahanap ng trabaho.

Ang isa pang tampok na bahagi ng alituntunin ng DOLE ay ang pagbubuo ng mekanismo upang matiyak ang paglilipat ng mga kasanayan at pagbabahagi ng kaalaman sa pagitan ng dayuhang manggagawa at katuwang na manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng Understudy Training Program (UTP) at Skills Development Program (SDP) na ipapatupad ng mga employer na may mga dayuhang manggagawa.  Dapat tiyakin sa balangkas ng programa sa pagsasanay na maililipat sa manggagawang Pilipino ang kasanayan at kahusayan na kinakailangan upang ipagpatuloy ang mga tungkuling hawak ng banyagang manggagawa, nang sa gayon ay maitataguyod at mapapanatili ang pag-unlad ng manggagawang Pilipino at sa katagalan ay mababawasan ang pagdepende sa mga dayuhan.

Bukod dito, nakasaad din sa alituntunin ang pagsasagawa ng Economic Needs Test (ENT), isang kritikal na pamantayan para sa pagsusuri ng mga aplikasyon ng AEP. Tinatasa ng ENT kung kinakailangang kumuha ng dayuhang manggagawa batay sa hanay ng mga kwalipikadong manggagawang Pilipino. Ang panukalang ito ay naglalayong pangalagaan ang mga lokal na oportunidad sa trabaho at sasailalim sa mga pampublikong konsultasyon sa mga darating na buwan upang tiyakin na inklusibo at ang kahalagahan nito.

Mananatiling matatag ang DOLE sa pagpapaunlad ng negosyo at lakas-paggawa, at pagtataguyod ng inklusibong paglago ng ekonomiya, at pantay na proteksyon sa mga lokal na oportunidad sa trabaho.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -