24 C
Manila
Huwebes, Enero 23, 2025

Papel ng mga entreprenor sa paglago ng ekonomiya

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Enero 20, 2025 ay dumalo ako sa isang panayam ni Profesor Lim Wonhyuk ng Korea Development Institute na idinaos sa De La Salle University. Ang panayam ay tungkol sa mga salik na nakapag-ambag sa mabilis na paglaki ng ekonomiya ng South Korea nitong nakaraang limang dekada. Isa sa mga salik na binanggit niya ang papel ng mga entreprenor sa paglikha ng mga bagong industriya na nagprodyus at nagluwas ng mga kompetitibong produkto sa buong mundo. Binanggit din niya ang mga entreprenor ay may naiibang katangian sa mga ordinaryong negosyante.

Ayon sa ekonomistang si Joseph Schumpeter ang isang ekonomiya ay lumalago dahil sa imbensiyon at inobasyon na isinasagawa ng mga entreprenor. Ang proseso ng pagbabagong teknikal ay nangyayari sa pamamagitan ng imbensiyon, inobasyon at difyusiyon. Ang imbensiyon ay ang pag-iisip ng mga bagong ideya tungkol sa mga bagong produkto o makabagong proseso ng produksiyon. Samantala, ang inobasyon ay ang pagsasaayos ng mga kinakailangang sangkap upang maisagawa at maipakilala ang mga imbensiyon samantalang ang difyusiyon ay ang panahon kung kailan ang isang bagong inobasyon ay ipinatutupad at ginagaya ng iba.

Naisasagawa ng mga entreprenor ang inobasyon dahil mayroon silang angking katangiang sikolohikal tulad ng katatagan ng loob, matinding kutob, at kapasidad na mapatid at tumayong muli. Ang mga katangiang ito ay nagbibigay ng paniniwala, lakas, at pag-asa  na isagawa at ipagpatuloy ang isang imbensiyon dahil alam nilang makapagbibigay ito ng malawakang benepisyo hindi lamang sa entreprenor ngunit sa buong lipunan kahit matindi ang pagdududa at oposisyon ng maraming tao.

Ayon kay Profesor Lim ang ekonomiya ng South Korea ay lumago nang mabilis dahil sa mahalagang papel ng mga entreprenor na tumaya ng kanilang oras, yaman at dangal upang mabago ang estruktura ng produksiyon ng ekonomiya. Nagsimula ang Korea sa pagluluwas ng mga produktong agricultural kasama na ang bigas. Ngunit ito ay binago ng mga entreprenor sa paglipas ng panahon. Dahil sa kanila pagpupursugi umusbong at lumago ang mga makabagong produkto at serbisyo mula sa mga industriya ng petrochemical, computer,paggawa ng mga barko at pagmamanufacktura ng kotse gamit ang mga imbensiyon ng pananaliksik ng mga siyentista sa pribado at publikong sector.

Sa dami ng mga mayayamang Filipinong negosyante na nabibilang sa pinakamayayamang negosyante sa buong mundo bakit hindi kasing bilis ng South Korea ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa nakaraang mga dekada? Maraming dahilan ang maibibigay natin sa tanong na ito. Ngunit sa larangan ng papel ng mga entreprenor marami sa mga negosyanteng Filipino ay hindi maituturing entreprenor at may ilan na ayaw mabilang sa grupo ng mga entreprenor. Sa ating bansa ang mga entreprenor ay mga negosyanteng nagsisimula pa lamang at nakatuon sa maliliit na negosyo.


Karamihan sa mga natatanging negosyanteng Filipino ay lumalawak ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng kapangyarihan sa bilihan at pagpapalawak ng mga produktong di kinakalakal sa bilihang internasyonal o non-tradable goods.  Yumayaman sila dahil sa control sa bilihan at hindi dahil nagsasagawa sila ng mga bagong produkto at serbisyo na kinakalakal sa bilihang internasyonal.

Ganoon pa man, may ilang negosyanteng Filipino na maituturing entreprenor na nakipagtulungan sa mga dayuhang negosyante at sa administrasyon ni Ferdinand E. Marcos noong dekada 1980 sa paglalatag ng 11 proyektong industriyal na naglalayong mapabago ang estruktura ng ekonomiya sa pamamagitan ng produksiyon ng mga pangunahing hilaw na materyal na magagamit sa iba’t ibang industriya at magproprodyus ng mga produktong ikakalakal sa buong mundo. Kasama rito ang mga industriya ay ang copper smelter, phosphate fertilizer, aluminum smelter petrochemical, cement at steel at iba pa.

Ngunit hindi ito naisagawa ang proyektong ito dahil sa oil crisis noong 1979, ang paglobo ng dayuhang obligasyon ng bansa bunga ng pagtataas ng interest rate US Federal Reserve at ang  pagbagsak ng presyo ng mga produktong iniluluwas ng bansa.

Isa pang balakid sa pagpapatupad ng mga proyektong ito ay ang oposisyon ng maraming mamamayan kasama na ang matinding pagtanggi ng mga ekonomistang Filipino na nagsabing ang mga proyektong nabanggit ay maksaya sa paggamit ng mga kapos na yaman, kawalan ng Pilipinas ng komparatibong kalamangan sa mga produktong iproprodyus ng mga proyektong industriyal at kinikilingan ang tinatawag nilang mga negosyanteng crony ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.

- Advertisement -

Ngunit ang mga kritisismo ito ay hindi lamang ibinato ng mga ekonomista sa mga entreprenor na Filipino ngunit sa mga entreprenor sa Japan at South Korea nang ilatag nila ang programa sa tungo sa makabagong industriyalisasyon. Ngunit sa supporta ng pamahalaan ng Japan at South Korea at pagpupursigi ng mga entreprenor na Hapon at Koreano naging pangunahing prodyuser ng kotse ang Japan at nakilala ang South Korea sa shipbuilding, produktong petrochemical, at makabagong computer kahit wala silang komparatibong kalamangan sa mga industriyang ito nang ito ay simulan.

Samakatuwid, naging matagumpay ang mga entreprenor na Hapon at Koreano dahil hindi sila nawalan ng determinasyon at pagpupursigi upang ipatupad ang kanilang pangarap sa harap ng matinding oposisyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -