BILANG pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang pagpapalabas ng P30.409 bilyon para sa regular pension requirements ng mga military at uniformed personnel (MUP) para sa unang quarter ng 2025.
“For many MUP retirees and their families, pensions are a lifeline that ensure their daily needs are met, katulad po ng pambili ng gamot o pagkain. Naiintindihan po natin, lalo na po ni Pangulong BBM, kung gaano kahalaga na matanggap po ng ating mga pensioner ang benepisyo nila kaya agad-agad rin po, matapos makumpleto ang mga kailangang dokumento, pinirmahan po natin ang pagpapalabas ng budget sa mga concerned agencies,” ayon kay Secretary Mina.
Ang P30.409 bilyong pondo ay magmumula sa Pension and Gratuity Fund (PGF) sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12116 o FY 2025 General Appropriations Act (GAA).
Nasa kabuuang P16.752 bilyon ang inilaan para sa Armed Forces of the Philippines – General Headquarters-Proper at sa Philippine Veterans Affairs Office ng Department of National Defense (DND).
Samantala, P13.297 bilyon naman ang inilabas para sa mga attached agency ng Department of Interior and Local Government (DILG), tulad ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at National Police Commission.
Para naman sa 34 pensioners ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), naglabas ang DBM ng kabuuang P8.530 milyon.
At panghuli, ang pondo para sa pagpapalabas ng pensyon sa 2,836 retired uniformed personnel ng Department of Transportation (DOTr)-Philippine Coast Guard (PCG) para sa parehong panahon ay nagkakahalaga ng P350.680 milyon.
Ang mga pondong inilabas ay batay sa aktwal na pension payroll as of Disyembre 31, 2024 na isinumite ng mga nabanggit na MUP agencies.