“IMPEACH Sara…” sigaw ng mga raliyista sa EDSA isang linggo makaraan ang malaking rali ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Rizal Park noong Enero 13, 2025. Balintuna ng tema ng INC Rally na “National Rally for Peace,” ang rali ng mga Katoliko kamakailan ay tahasang humihingi na ng away. Nasabi ko na nga, huwag na tayong maglukuhan dito. Kulang na lang sabihin ng mga paring Katoliko sa isang misa sa EDSA Shrine noong Sabado, Enero 18, “Sinimulan nyo, tatapusin namin.”
Nakinikinita na natin sa rali ng INC noong Enero 13 na iyun ay patungo sa isang totoong malaking kaganapan.
Una, ang napakalaking pagtitipon ng mga Iglesia ay nagpapalusot na iyun ay bilang pagsuporta kay Presidente Ferdinand “Bongbong” R. Marcos sa kanyang paninindigan na isaisantabi ang impeachment ni Bise Presidennte Sara Duterte upang mas mapagtuunan ng pansin ang mas mabibigat na suliranin ng sambayanan, halimbawa ang lumalalang tensyon sa South China Sea at ang pumapailanlang na presyo ng mga bilihin.
Tapat ang pangulo sa pag-alala na ang mga suliraning ito ay maaaring maisaisantabi kung ang impeachment ni VP Sara ay magaganap. At hindi siya nagkulang ng paalaala na iwasan ito. Nangyari nga lamang na ang impeachment ay labas sa mabibigat na responsibilidad ng pangulo. Kahit sinong simpleng mamamayan ay maaaring magharap ng reklamo ng impeachment laban sa sinumang opisyal ng gobyerno na ayon sa batas ay maaaring maimpeach. At isang representante lamang ng Kamara ang kailangang umisponsor sa reklamong impeachment upang umandar ang proseso ng paggulong nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Kapag ang reklamo ay pumasa na sa plenaryo ng Kamara de Representante, ito ay iaangat na sa Senado na ang mga senador ay uupong mga huwes ng hukuman na pang-impeachment sa magkatuwang na pamumuno ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema at ng Pangulo ng Senado. Ang hukumang pang-impeachment ng senado ang magpapasya sa kaso.
Sa kasaysayan ng republika, dalawang beses nang nagawa ang impeachment. Una ay ang impeachment ni Presidente Joseph Ejercito Estrada noong 2000 at ang pangalawa ay ang kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Napigil ang impeachment ni Presidente Erap nang magtagumpay ang kanyang mga kakamping senador na harangin ang pagubukas ng isang envelope na pinaniniwalaang naglalaman ng ebidensya na magdidiin sa kanya. Nag-walkout ang mga senador na kontra kay Erap. Ang pangyayari ay humantong sa EDSA 2 na nagpatalsik sa puwesto kay Erap. Ang impeachment ni Chief Justice Corona ay nagwakas sa pagdeklara sa kanya na nagkasala. Sa kasong iyun pumutok ang iskandalo ng PDAF (Presidential Development Assistance Fund), pondong pangkaularan kuno na kaloob sa mga senador na bumoto laban kay Corona. Sa 24 na senador, tatatlo ang di tumanggap ng PDAF: Joker Arroyo, Miriam Defensor Santiago at ang ngayong Pangulo Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.. Tinangka ni Corona na kontrahin ang hatol ng isang malawakang people power, subalit siya ay maagap na napigilan at naatasang mapiit sa Senado ng Punong Hukom ng Impeachment Trial Court na si Senate President Juan Ponce Enrile.
Makikita sa mga paglalahad na ito na taos sa puso ang pag-aalala ni Presidente Bongbong sa masamang ibubunga ng impeachment kung magaganap ito laban kay Sara. Malungkot nga lang na sa usapin ng impeachment, labas ang kapangyarihan ng presidente. Noong 2000, mismong ang presidente ang biktima nito; noong 2012, kailangang suhulan ng tig-P50 milyun ang mga senador upang i-impeach si Corona.
Mai-imadyin natin ang mabigat na dalahin na dinanas ni Presidente Marcos oras na ang mga impeachment complaint laban kay Sara ay magdagsaan na sa Mababang Kapulungan.
Wala nang pagpigil sa proseso.
Tadhana ng saligang batas na oras na ang isang reklamo ng impeachment ay inindorso na ng isang kongresista, ito ay ligal na dapat aksyunan ng Mababang Kapulungan.
Iyun ang kalagayan ng tumay na pangyayari nang ang Iglesia ni Cristo ay magmobolisa ng kahindik-hindik na 1.8 milyun ng kasapian nito sa tinawag nilang National Rally for Peace sa Rizal Park noong Enero 13, 2025.
Ano ang ipinakita ng rali?
Na marami ang Iglesia?
Matagal nang tanggap ito ng madla. Sa katunayan, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga probinsya pa rin sa Luzon, Visayas at Mindanao kasabay na nagdaos ng ganung rali ang INC.
Na disiplinado ang Iglesia?
Siniguro ng INC na maging usap-usapan ito kapwa sa mainstream at social media, hindi lamang ayon sa mga paglalahad ng mga miyembro ng simbahan kundi ayon pa rin sa mga patunay ng kapulisan na nangalaga sa kaayusan ng higanteng pagtitipon.
Na napakalakas ng Iglesia?
Mangyari pa!
At iyun ang dapat na pinapansin ng mga nagmamahal sa katiwasayan, kapanatagan at kapayapaan ng bayan.
Ipinagsisigawan ng Iglesia na hindi layunin ng rali ang mamulitika, na wala itong pakialam sa impeachment na naihain na laban kay Bise Presidente Sara. Subalit buong lakas din nitong ipinahayag na sinusuportahan nila ang pagtutol ni Pangulo Marcos Jr. sa impeachment.
Sobrang talentado ang nagbuo ng linya na ito. Hindi mo nga sinasabing huwag i-impeach si Sara subalit isinusulong mo naman ang pagtutol ni Bongbong sa impeachment ng bise presidente, o di ba ang talagang ipinanakot mo ay ang kahindikhindik na kapangyarihan ng INC na suwayin ang estadong konstitusyunal ng Pilipinas?
Ito ang dahilan kung bakit sa simula pa lang ng pag-uusap na ito, nagbabala na tayo:
Kaingat sa “National Rally for Peace”.
(May karugtong)
- Advertisement -