NAGLABAS ng paalala ang Baguio City Health Services Office (CHSO) matapos maitala sa lungsod ang unang kaso ng Monkeypox (Mpox).
Napag-alamang ang unang kaso ng Mpox sa lungsod ay sa isang 28-anyos na lalaki. Sinabi ng CHSO na ang impeksyon nito ay dulot ng Clade II Mpox Virus type. Isinailalim ito sa complete isolation at tuluyang gumaling noong Enero 17, 2025.
Ayon sa CHSO, ilan sa sintomas ng Mpox ay ang pagkakaroon ng rash, pantal, o pimples o paltos na nagtatagal nang dalawa hanggang apat na linggo.
Maaaring maisasalin ang Mpox virus sa pamamagitan ng skin-to-skin, mouth-to-mouth, o mouth-to-skin contact, close contact sa taong may Mpox, paghawak o paghaplos sa mga tela o kagamitan ng nagpositibo sa Mpox, at pagtalsik o pagdapo ng mga likido gaya ng laway, sipon, plema mula sa pagbahing, pag-ubo, at pagsasalita ng may sakit.
Upang makaiwas sa Mpox, dapat iwasan ang matagal na skin-to-skin contact at pakikipagsiksikan sa matataong lugar, magtakip ng bibig kung umuubo o bumabahing, gumamit ng alcohol, huwag gumamit ng gamit ng iba, dalasan ang paghugas ng kamay, at magpakonsulta sa pinakamalapit na district health center.
Ngayong uso ang kaparehong sintomas ng trangkaso, ipinapayo ng CHSO ang paggamit ng face mask, long sleeves, at pantalon lalo na kung pupunta sa matatao at kulob na lugar.
Nilinaw din ni City Health Officer Dr. Celia Flor Brillantes na isa lang ang naitalang kaso ng Mpox sa Baguio City.
Batay aniya sa surveillance protocol, hindi maituturing na Baguio case ang 32-anyos na lalaki na namatay dahil sa Mpox. Aniya, hindi nanirahan ng matagal sa lungsod ang nasabing indibidwal maging noong dinapuan siya ng tamaan at mamatay ito dahil sa naturang sakit.
Una nang inalerto ni Mayor Benjamin Magalong ang publiko na sumunod sa health precautions.
Aniya, bagama’t walang dahilan para mag-panic, pinapayuhan ang publiko na maging maingat at sundin ang mga kaukulang health protocols. (DEG -PIA CAR)