ANG bawat pagsisimula ng semestre ay oportunidad upang higit na umunlad bilang iskolar at indibidwal. Subalit ito ay may mga kaakibat ding hamon at alalahanin. Layunin ng munting artikulong ito na makapagbigay ng ilang gabay at paalala upang ang pagbubukas ng semestre ay mapagplanuhan at mas maging kapaki-pakinabang.
- Alamin ang petsa ng enlistment at enrollment.
- Sumubaybay sa sistema at proseso lalo na kung ito ay bagong latag pa lamang.
- Kilalanin ang mga nakatokang academic adviser.
- Tiyaking may grado ang lahat ng pre-requisites ng mga asignaturang kukuhanin.
- Tiyaking pumasok lahat ng grado mula sa nakaraang semestre. Makipag-ugnayan agad sa guro ng asignatura kung may aberya.
- Maging magalang at malinaw sa pakikipag-ugnayan sa inyong guro at tagapayo maging ito man ay face-to-face o electronic. Susi ang epektibong komunikasyon sa mas maayos na transaksyon.
- Alamin at linawin ang iyong academic standing at maging year level lalo na kung transferee o shiftee.
- Itala at tipunin ang mga naging problema at aberya sa enlistment at enrollment at ipaabot sa kinauukulan. Malaking tulong ito para higit na mapag-ibayo ang sistema at proseso.
- Kilalanin kung sinu-sino ang magiging guro sa pahantong na semestre. Alamin ang kanilang contact details na kadalasang nakasaad sa syllabus. Makabubuti rin kung maging pamilyar sa kanilang larangan at pananaliksik. Makatutulong din ang Google Search para rito.
- Humingi ng kopya ng program brochure kung mayroon man.
- Tiyaking may kopya ng curriculum. Siguraduhin din na tamang curriculum o checklist ang iyong sinusunod. May mga pagkakataon na kapwa umiiral at ipinapatupad ang old at new curricula depende sa sitwasyon.
- Matutong isagawa ang self-advising at peer-advising bukod sa academic advising ng guro. May mga hindi napapabilang sa listahan ng magsisipagtapos dahil sa mga kulang na academic units o duplikasyon ng mga magkatumbas na asignatura. Resulta ito kadalasan ng miscommunication at misadvising.
- Balikan ang curriculum o checklist at tiyaking walang naiwang asignatura lalo kung huling semestre na sa pamantasan. Ilan sa mga kadalasang pagkakamali ay ang mga sumusunod: kulang o maling general education, elective, cognate at physical education.
- Alamin din ang proseso ng substitution of subjects kung kinakailangan.
- Tiyaking tamang cognate at/o elective ang kinukuha. Ikonsulta ito sa academic adviser, program head, registration volunteers, Office of the College Secretary at sa kaukulang guro, program at departamento na nagtuturo ng asignatura. Tandaang nasa huli ang pagsisisi. Tandaan din na nagbabago-bago ang patakaran sa paglipas ng panahon.
- Ikonsidera ang espesyalisasyong tinatahak sa pagpili ng asignatura bilang cognate at elective.
- Ihanda ang sarili sa posibleng bago at hindi kinagisnang dulog (approach) ng mga dalubguro sa kinukuhang cognates. Gayundin, maaaring ibang-iba ang ekolohiya ng klase kaysa sa kinasanayan.
- Alamin ang pagkakaibaba ng mga sumusunod at ang mga kaukulang asignatura na nakapaloob sa bawat isa: core general education, prescribed general education, foundation courses, core courses, cognates, electives, at legislated courses. May iba’t ibang nomenclature kada pamantasan.
- Iberipika ang mga nakakalap na impormasyon sa registration volunteers, class advisers, program head, Office of the College Secretary at iba’t ibang academic departments upang matiyak ito (information triangulation).
- Iwasang ipagpaliban ang mga kailangang isaayos at tugunan sa bawat pagsisimula ng semestre. Huwag magpatumpik-tumpik.
- Sumangguni sa mga upperclass student ukol sa mga aralin at paraan ng patuturo at paggagrado ng magiging dalubguro upang mas makapaghanda.
- Dumalo ng oryentasyon sa unang araw ng klase. Makatutulong din ang academic organization, program, department, college at university orientations.
- Alamin ang learning management system (LMS) na gagamitin sa klase kung mayroon man.
- Linawin ang moda ng klase: face-to-face, synchronous, asynchronous, hyflex o kombinasyon ng mga ito.
- Kilalanin kung sino ang bloc head, class beadle o section coordinator para sa mas mahigpit na ugnayan at komunikasyon.
- Tiyaking bahagi ka ng digital platform kung saan nagpapaabot ng kaukulang impormasyon ang guro at mga kamag-aral. Kabilang dito ang ang LMS, email, Facebook group, group chat at iba pa.
- Alamin at aralin ang artificial intelligence (AI) policy ng klase, programa at pamantasan kung mayroon man.
- Alamin ang porsyento ng bawat rekisito para maging malinaw sa iyo ang sistema ng paggagrado.
- Repasuhin (review) ang mga natutunan noong mga nakaraang semester.
- Magbasa-basa ng mga papaksain sa klase bilang paghahanda.
- Alamin kung anong panahon magiging mabigat ang larga ng klase para mas maplano ang latag ng buong semestre para sa lahat ng asignatura.
- Simulan nang mas maaga ang mga rekisitong nakalatag sa syllabi upang hindi kailangang sabay-sabay tugunan ang mga ito sa pagtatapos ng semestre.
- Itambal ang mga aralin sa mga napapanahong isyu upang magkaroon ng panlipunang konteksto.
- Alamin kung may isasagawang fieldtrip sa klase at paghandaan ito.
- Ugaliing magtala ng mahahalagang kaalaman mula sa mga binabasa at talakayan sa klase.
- Matuto rin sa mga pagkakamali sa mga nakaraang semestre. Magkaugnay ang academic at character development.
- Aralin ang mga epektibong paraan ng pabuo ng iba’t ibang klaseng rekisito kagaya ng capsule proposal, policy brief, podcast, public service announcement, brochure, flipchart presentation, infographic at iba pa.
- Gawing batayan ang kasanayang nalinang sa mga nakaraang semestre para may mapagkumparahan at masubaybayan ang pag-unlad bilang iskolar.
- Tukuyin ang iyong prior knowledge ukol sa pinapaksa ng kurso upang maging lunsaran ng kaalaman.
- Bumisita sa silid-aklatan at tingnan ang mga bagong koleksyon.
- Imaksima ang paggamit sa mga printed at online collection.
- Maagang magpareserba ng mga kakailanganing materyales sa silid-aklatan.
- Simulang pag-isipan ang magiging thesis/dissertation topic nang mas maaga. Sumangguni sa thesis repository ng silid-aklatan bilang panimula.
- Pumili ng mga responsableng study buddies at bumuo ng study groups.
- Tiyaking on-board ang lahat sa pagsisimula ng semestre at agapayan ang mga nahihirapang umangkop. Laging kamustahin ang isa’t isa.
- Magmalasakit na tumulong sa iba at, gayundin, humingi naman ng tulong kung kinakailangan. Palakasin ang kultura ng damayan. Hindi karera ang edukasyon.
- Alamin ang academic at counseling services na mayroon ang kolehiyo at pamantasan para sa mga mag-aaral.
- Ipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan sa mga nakaraang semestre at higit pa itong pag-ibayuhin.
- Tandaan na hindi pa huli ang lahat upang baguhin ang mga maling nakagawian (Unlearn bad habits).
- Huwag makuntento sa kasalukuyang antas ng kaalaman at kasanayan. Pagpunyagiang higit na umunlad.
- Makipag-ugnayan sa guro kung may mga adjustment at accommodation na kailangang isangguni o ipakiusap dahil sa iyong natatanging kalagayan o sirkumstansya. Isang halimbawa nito ay ang pagiging neurodivergent.
- Ikalendaryo ang mga mahahalagang petsa sa klase at kurso.
- Ikalendaryo rin ang mga symposium, forum at training na maaaring daluhan. Pinagyayaman ng mga ito ang mga natutunan sa klase. Huwag sayangin ang mga pagkakataong ito sa loob at labas ng pamantasan.
- Pahalagahan at daluhan ang nga symposium, fora at training dahil sa malaking ambag nito sa ating kaalaman at kasanayan. Kadalasang hinahanap ito ng mga prospective employer.
- Tiyaking naitatala sa inyong curriculum vitae ang mga nadadaluhang seminar at symposium. Isama ang mga sumusunod na detalye: kumpletong titulo, nag-organisa, pinagdausan, at petsa.
- Magtakda ng mga short-term, medium-term, at long-term goal.
- Igiit ang mas mataas na pambansang badget para sa serbisyong panlipunan dahil kritikal na salik ito ng de-kalidad na edukasyon.
- Tandaan din na hindi lamang nagsisimula, umiinog at natatapos ang pag-aaral sa apat na sulok ng pamantasan. May higit na malawak na larangan sa labas nito kung saan mas ganap at kritikal ang pagkatuto.
Para sa inyong reaksyon, maaari ring magpadala sa pamamagitan nito: [email protected]
- Advertisement -