28.4 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

Kaingat sa ‘Rally for Peace’

- Advertisement -
- Advertisement -

GAYA ng nauna nang pagmamalaki, pinuno ng Iglesia ni Cristo (INC) hindi lamang ang kagyat na paligid ng malawak na Quirino Grandstand kundi ang kabuuan ng Rizal Park sa pagsagawa ng tinaguriang National Rally for Peace. Ayon sa mga ulat na nalathala, umabot sa 1.8 milyon ang bilang ng mga dumalo. Kung tutuusin na ganun ding mga pagtitipon ang ginanap ng INC sa palibot ng bansa, tunay nga na pambansang rali ang naganap nang araw na iyun ng Enero 13, 2025.

Samakatwid, tagumpay ang INC sa naipahayag na layunin nito sa paglunsad ng rali?

Subalit unang tanong muna: Ano ang totoong layunin ng rali?

Sa di-iilang pagkakataon, ipinahayag ng mga tagapagsalita ng grupo ng relihiyon na ang rali ay para sa pagtatamo ng pagkakaisa ng sambayanan.

Bakit, watak-watak ba ang sambayanan? Sa paanong paraan sila pinaghihiwalay sa isa’t-isa para masabing kailangan nilang magkaisa. Sabi ng isang plakard sa rali: “Magkaisa hindi mag-isa.”


Makaraan ang ilang sandali ng kaaliwan (tinuya ng isang ministro si dating senador Leila Delima sa nalathalang pahayag nito na kahit umabot pa sa milyon ang dumalo sa rali, minorya pa rin kumpara sa mga Katoliko na mayorya; anang ministro, “hindi pa sikat, laos na”) pumagitna sa entablado si Rep. Rodante Marcoleta na sa isang mahabang talumpati ay pinuna ang pataas nang pataas na presyo ng mga bilihin (isang kamatis bumebenta sa halagang P40) na aniya’y siyang dapat pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan sa halip na ang pag-impeach kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayun!

Lumitaw din ang totoo. Ginawa ang rali bilang pakitang gilas sa kung ano ang pwedeng mangyari oras na ang bantang impeachment sa pangalawang pangulo ay mangyari: maghahalo, ika nga, ang balat sa tinalupan.

Magkakagulo, sa madaling sabi.

- Advertisement -

Daan-daan, ani Marcoleta, ang ahensya ng gobyerno na tumatanggap ng confidential fund, bakit bukod tangi na ang Office of the Vice President (OVP) ang kukuwestyunin?

Kalinaw-linaw ng mga tagapagsalita ng INC na ang rali ay walang pakialam sa kaso ni Sara kaugnay ng mga impeachment complaint laban sa kanya, ngayon sa mga salita ni Marcoleta (ang nag-iisang pulitiko na pinagsalita sa rali), ang “National Rally for Peace” ay ginawa tanging sa layuning kontrahin ang impeachment ni Sara.

Mangyari pa, ang bagay na ito ay ihahanap ng palusot.

Ano ang nag-iisang linya ng pangangatwiran ng mga tagapagsalita ng INC? Na ang rali ay bilang pagsuporta sa pagtutol dito na maaga pa ay naipahayag na ni Presidente Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. Walang masama sa pahayag na iyun ng pangulo. Udyok iyun ng kanyang sinserong pag-alala na ang impeachment ni Sara ay maaaring makaagaw ng atensyon sa mga pangunahing gawain ng pamamahala, halimbawa ang tiyakin na maayos ang kabuhayan ng sambayanan.

Hanggang doon lang ang kahalagahan ng winika ng pangulo.

Ang masama ay ang alisin ang salita ng pangulo sa wastong konteksto upang isulong ang kasalukuyang paghahangad ng bise presidente na pipilan ang naganap nang proseso ng impeachment sa kanya. Bukod sa reklamong impeachment na inihain ni dating Senador Delima, may limang iba pa na naiharap sa Mababang Kapulungan.

- Advertisement -

Paulit-ulit ko nang nasabi, huwag tayong maggaguhan sa pag-uusap na ito. Ang pagtutol ni Bongbong sa impeachment ni Sara ay bugso ng isang tapat na pag-alala ng isang lider sa kanyang mga nasasakupan. Kung siya ang masusunod, ayaw niyang mangyari ito. E, naiharap na nga ang reklamo laban kay Sara. Ang tanong, may magagawa pa ba si Bongbong upang pigilan ito? Wala na. Gumana na ang proseso. Papalaot na ito sa dapat niyang kahantungan. Gaya ng opinyon na naipahayag ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile – sinang-ayunan naman ni Marcoleta sa kanyang talumpati sa rali –  ang impeachment ay isang probisyong konstitusyonal. Naiharap na ito at tinanggap ng Mababang Kapulungan. Kailangan na itong isulong sa wastong wakas.

Ang magmobilisa ng pwersang 1.8 milyun sa layuning pigilan ang impeachment ni Sara gamit ang naunang pahayag ng pangulo laban dito ay isang gawaing kayang isipin lamang ng mga ministro ng diyablo.

Sasabihin mo, hindi intensyon ng rali ang mamulitika; magrarali ka upang suportahan ang pangulo sa kanyang paghahangad ng kapayapaan. E, pag sinuportahan mo ang pangulo sa paninindigan niyang iyun, ang totoong ginagawa mo ay ilibre si Sara sa pananagutang dapat na niyang harapin.

Hindi ba ginagago mo na lang niyan ang bayan!

Ano sa wakas ang mensahe ng “National Rally for Peace”? Ang ganap na kabaligtaran: pag itinuloy ang impeachment ni Sara, Diyos na mahabagin,  gagana ang people power ng Iglesia ni Cristo.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -