PINARANGALAN nina Sen. Robinhood “Robin” Padilla at Francis Tolentino nitong Miyerkules, Enero 15, 2025 ang tatlong mangingisda ng Masbate sa kanilang lakas ng loob at pagiging mapagpatyag at makabayan, matapos nila ma-recover at ibigay sa awtoridad ang isang drone na kanilang nakita noong Disyembre 30.
Sa Senate Resolution 1277, pinuri nina Padilla at Tolentino si Jojo Cantela, 39; Rodnie Valenzuela, 31; at Jeric Arojado, 17, sa kanilang ginawa sa Barangay Inarawan sa bayan ng San Pascual sa Masbate.
“It is imperative to highlight the value of collaborating with our local fisherfolks and other maritime stakeholders to complement our naval assets in terms of keeping an eye on our territorial waters,” ayon sa kanilang resolusyon.
Sa kanyang sponsorship speech, pinuri ni Padilla ang tatlo para sa kanilang “magandang halimbawa sa ating mga kababayan na maging alerto at mapagmatyag sa mga ganitong pagkakataon lalo sa mga bagay na may kinalaman sa ating pambansang seguridad.”
“Isa rin po itong patunay sa bisa ng kolaborasyon sa pagitan ng ating mga komunidad at pamahalaan para sa ating mga kolektibong hangarin para sa ating bayan,” dagdag niya.
Ani Padilla at Tolentino, ang pagtuklas ng drone sa katubigan ng Pilipinas ay naging wake-up call sa defense sector dahil may implikasyon sa ating mga batas tulad ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, at pati na rin ang ating territorial integrity at pambansang seguridad.
Idiniin ng dalawang senador na sana maging halimbawa ang tatlo sa pagiging mapagmatyag ng ating mga komunidad para maisumbong sa awtoridad ang kahina-hinalang aktibidad, upang protektahan ang ating pambansang seguridad at soberanya.
Ayon sa ulat, natuklasan at ni-recover ng mga mangingisda ang submersible drone, at ibinigay ito sa Explosive Ordnance Division/K9 Regional Explosive and Canine Unit 5. Ang drone ay nasa kustodiya ngayon ng Philippine Navy at pinag-aaralan na.
Samantala, sang-ayon si Padilla at Tolentino sa posisyon ng Armed Forces of the Philippines Public Affairs Office na ang pag-recover ng drone “highlights the significance of cooperation with local fisherfolk and maritime stakeholders.”