SA kasalukuyan, may dalawang pangunahing tulong ang ibinibigay ang pamahalaan sa mga maralitang mamamayang Filipino. Una, ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at ikalawa, ay ang Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Ang AKAP ay ibinibigay sa mga mamamayang may mababang kita dahil tumatanggap lamang sila ng minimum wage o sila ay nagtatrabaho sa informal na sector ng ekonomiya. Kasama sa mga ibinibigay na tulong ng pamahalaan sa ilalim ng AKAP ay tulong medikal, palibing, pagkain at cash relief. Ang tulong ay maaaring matanggap bilang cash o guarantee letter (GL). Sa pakikipagtulungan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan, makatatanggap din ang mga maralitang mamamayan ng Rice Assistance na magagamit upang tugunan ang mga kinakailangang nutrisyon upang mabuhay.
Samantala, ang 4Ps ay isang programa ng pamahalaan upang mangapital sa kalusugan at edukasyon ang mga maralitang pamilya, lalo na sa kabataan mula 0-18 taong gulang. Upang makatanggap ng tulong, kinakailangang matupad ang mga kundisyon patungkol sa pangangalaga ng kalusugan at pagpapatuloy ng pag-aaral ng kabataan. Ilan sa mga kundisyon ay ang mga sumusunod: pangangalaga ng kababaihan sa panahon ng kanilang pagbubuntis at pagkatapos ng panganganak, kinakailangang dumalo ang mga magulang sa mga Family Development Session (FDS), kinakailangang ang regular health check-up at pagpapabakuna ng mga batang may edad 0-5 taong gulang, kinakailangang tumanggap ng pilduras sa pagpapalabas ng bulate sa tiyan ang mga batang may edad 6-14 taong gulang, kinakailangang pumapasok sa mga paraalan at dumadalo sa mga klaseng hindi bababa sa 85 porsiyento bawat buwan ang lahat ng mga batang tumanggap ng mga benispisyo ng 4Ps.
Dalawang pangunahing dahilang ekonomiko ang ginagamit ng pamahalaan bilang batayan sa pagpapatupad ng AKAP at 4Ps. Una, upang maitanghal ang pagiging mapagpantay ng distribusyon ng kita at ikalawa ay upang malasap ang mga positibong eksternalidad ng pangangapital sa kalusugan at edukasyon. Dahil ang mga tumatanggap ng tulong sa programa ng AKAP at 4Ps ay mga maralitang mamamayang Filipino ang pagbibigay ng tulong ng pamahalaan sa kanila ay naglalayong itaas ang antas ng kanilang kita nang maitaas din ang kanilang pagkonsumo. Ang pagdaragdag sa kanilang limitadong kita ay naglalayong matugunan nila ang mga pangunahing pangangailangang medical at pagkain ng pamilya. Ang pananaw na ito ay nakatuon upang itanghal ang hangaring walang mamamayan ang dapat naiiwan sa pagpapatupad ng pamahalaan na itayo ang isang lipunang may masagana at maginhawang pamumuhay sa lahat ng mga mamamayan nito.
Samantala, ang ikalawa batayan ay upang malasap ang mga positibong eksternalidad ng malusog at edukadong mamamayan. Ang eksternalidad ay isang sitwasyon kung saan ang bilihan ay nagkukulang upang matamo ang optimal na alokasyon ng mga yaman dahil may mga benepisyong natatamo sa mga pribadong transaksiyon na lumalagpas sa kasiyahan ng pribadong indibidwal at tumatagos sa mga ibang mamamayan o sa buong lipunan na hindi kasangkot sa pribadong transaksiyon. Halimbawa, ang pangangalaga ng isang mamamayan upang maging malusog ay hindi lamang makabubuti sa indibidwal na nagsagawa ng pangangapital sa kalusugan ngunit sa komunidad na kanyang kinabibilangan. Dahil siya ay malusog at walang sakit, walang siyang nahahawaang mga kapitbahay. Lumalabas na nagiging malusog din ang pangangatawan ng kanilang kapitbahay. Sa larangan ng edukasyon, kapag ang isang tao ay may malawak na natapos sa pag-aaral nakapag-aambag siya sa pagbuo ng isang komunidad na mulat sa kalagayan ng lipunan, mababang krimen, pag-aambag sa buwis at mababang fertilidad na nakapagpapataas sa kagalingan ng komunidad at buong lipunan.
Dahil sa mga positibong epekto ng mga pribadong pangangapital sa kalusugan at edukasyon sa sa komunidad at lipunan, kinakailangang palawakin ang pangangapital sa mga ito. Subalit, ang mga positibong eksternalidad sa pangangapital sa kalusugan at edukasyon ay hindi lubusang matatamo dahil makitid lamang ang pangangapital ng mga mamamayan sa mga bagay na ito bunga ng kanilang limitadong kita. Ang mga maralitang mamamayan ay lalo pang kaunti ang pangangapital sa edukasyon at kalusugan ng kanilang mga anak. Dahil dito hindi lubusang natatamasa ng buong lipunan ang mga positibong eksternalidad na tinalakay sa naunang bahagi ng sanaysay na ito. Sa pagbibigay ng dagdag na kita, mapipilitang dagdagan ng indibidiwal ang kanilang pagkonsumo sa kalusugan at edukasyon. Ang mga benepisyo sa 4Ps ay matatanggap lamang kung isasagawa ang mga kundisyong nakasaad programa tulad ng pagpapabakuna, regular na check up at pagpasok sa mga klase sa paaaralan. Samakatuwid, hindi lamang iminumlat ng 4Ps sa kahalagahan ng pangangapital sa kalusugan at edukasyon sa buong lipunan ngunit isinasama sa mga kundisyon upang ito ay maipatupad.
Kaya’t sa susunod na maglatag ang pamahalaan ng mga programang pantulong sa mga maralitang mamamayang Filipino huwag sanang isipin na ito ay mga oportunidad para sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan na mangurakot ngunit ang mga programang ito ay naglalayong itanghal ang mapagpantay na distribusyon ng kita at upang matamasa nang lubusan ang mga eksternalidad.