TINALAKAY natin nang nakaraang linggo (Enero 8, 2025) ang ugat ng mga salitang maging at matalo/manalo. Bakit nga ba importanteng suriin pa ang mga ugat at ang prosesong pinagdaanan ng mga salita bago ito nakarating sa kasalukuyan nitong anyo? Natututo tayong magsuri, di ba? Nagiging malalim ang pagkaunawa natin sa mga salita at sa kahulugan ng mga ito. Nakikita rin natin ang mga pagbabago hindi lamang sa mga salita kundi pati na rin sa wikang ginagamit natin.
Ngayon, alamin natin ang iba pang mga salita na mahirap nang makilala ang ugat.
Kanluran: lunod
Alam mo ba na ang salitang ugat ng kanluran ay lunod? Marami ngang nagtataka at hindi halos makapaniwala. Bakit ang layo naman ng kanluran sa lunod? Hindi na kasi makita sa salitang kanluran ang ugat nitong lunod. Kadalasan kasi, sa ating pag-aaral ng morpolohiya o ang pagbubuo ng mga salita, ang karaniwang tinatalakay lamang ay mga salitang madaling makita ang mga panlapi at salitang ugat. Ang karaniwang ibinibigay na mga halimbawa sa ating mga teksbuk ay mga salitang madaling suriin tulad ng mga sumusunod: magbasa, maglakad, kumain, matulog, maligo, maglaba, umawit, at iba pang katulad. Kitang-kita agad sa mga halimbawang nabanggit ang mga panlapi: ma-, mag-, -um-; at mga ugat na basa, lakad, kain, tulog, ligo, laba, awit. Pero hindi naman laging ganyang kasimple ang ating mga salita.
Paano nabuo ang kanluran mula sa lunod?
Salitang ugat: lunod
Mga panlapi: ka-… -an
Ka-+ lunod+-an = kalunodan = kalunuran = kalnuran = kanluran
Ang o ay naging u nang ilagay ang hulaping –an at ang d ay naging r nang mapagitna sa dalawang patinig. Nakaltas ang unang u at nagkapalit ng lugar ang l at n dahil mas magaan sa dila kapag nauna ang n sa l. Iyan ang maikling paliwanag.
Sa pananaw ng ating mga ninuno, ang araw kapag papalubog ay nakabubuo ng larawan ng bolang apoy na unti-unting lumulubog sa dagat, parang nalulunod.
Panginoon: poon?
Maraming nag-aakala na ang salitang panginoon ay nabuo mula sa poon. Kung totoo iyan, paano ipapaliwanag ang pagkakabuo nito? Ano ang (mga) panlapi?
Ang aking sagot: ang poon, syempre pabiro, kung baga, ay palayaw o pinaikling bersyon ng panginoon, pero hindi ugat. Ganito ang pagkakabuo ng salita:
Panlapi: pang- + -hing- + (salitang ugat) tuon = panghingtuon = panginoon
Ang hing- ay isa sa mga tinatawag na patay na panlapi – patay, hindi dahil parang tao na yumao na, kundi dahil hindi na ito ginagamit o ikinakabit sa mga salitang ugat maliban sa mga ugat na dati na nitong pinagkakabitan. Sa maikling salita, hindi tulad ng mga panlaping ma-, mag-, pa-, pang-, -um-, ki-, atbp., na ginagamit sa alinmang salitang ugat at nakabubuo pa ng mga luma at bagong salita. Iba pang mga salitang may hing-: himalay, hingalo, hinguto, atbp. May iba pang mga patay na panlapi, tulad ng –al– (halimbawa, salakay, palakpak), pero hiwalay natin itong tatalakayin.
Ano naman ang tuon? Ito ay salitang Bisaya na nangangahulugang aral. Di ba ang Panginoon ay nagbibigay ng mga aral sa buhay?
Makinig at marinig: parehong dinig
Sa biglang tingin, parang simpleng-simple ang pagkakabuo ng salitang makinig – ma-+kinig. Pero di ba ang kinig ay singkahulugan ng katal o paggalaw ng katawan dahil sa lamig o kaya’y nerbiyos? Samantala, ang kahulugan ng makinig ay alamin o pakiramdaman sa pamamagitan ng tainga. Kung gayon, hindi kinig ang salitang ugat ng makinig. Dinig kaya? Tama, dinig nga. Na nangangahulugang umabot sa tainga ang ano mang tunog. Kung dinig ang salitang ugat ng makinig gayon din ng madinig/marinig, may pagkakaiba ba ang dalawang salita? Mayroon. Ganito nabuo ang makinig: ma-+-ki-+dinig = makidinig = madinig = makinig. Samantala, ang madinig ay ganito naman: ma-+dinig = madinig = marinig.
Ano naman ang pagkakaiba sa kahulugan? Kapag madinig, ibig sabihin, umabot o nakarating sa tainga ang ano mang tunog, sadya man o hindi. Samantala, kapag makinig, sadya ang pagdinig sa tunog. Kapag nakikinig tayo, sinasadya nating marinig ang tunog na gusto natin, maaaring musika mula sa radyo, o lektyur ng ating guro.
Iwan: IW ba?
Paano naman ang salitang iwan? Iw + –an? Ha? Ano naman ang ibig sabihin ng IW? Hindi IW kundi iwi ang salitang ugat ng iwan. Iwi + -an =iwian = iwan. Nakaltas ang I kaya naging iwan na lang ang salita. Kapag iniwan ka, ibig sabihin, nilayuan ka. Hindi ka isinama.
Samantala, may iba pang mga salitang nabuo gamit ang iwi.
Narinig o nabasa na siguro natin ang ganitong mga pangungusap:
- Ang bagong Bb. Pilipinas ay nag-iiwi ng pambihirang kagandahan. Malamang na manalo siyang Miss Universe.
- Nagpapaiwi si Mare ng tatlong biik. Paglaki ng mga ito, makakaparte ako sa mapagbebentahan.
Ang Pangungusap 1 ay nagsasabing napakaganda ng babaeng tinukoy, may taglay siya, o may inaalagaang pambihirang kagandahan. Ang Pangungusap 2 naman ay nangangahulugang pinaaalagaan sa iba ang tatlong biik. Pansinin na mayroon itong dagdag na panlaping pa-, na nangangahulugang ipagawa sa iba ang aksyon ng pandiwa.
Kapag mag– ang panlapi, mag-alaga o magtaglay ang kahulugan; kapag ang ginamit naman ay hulaping -an, inaalis o inilalayo naman. Makikita natin sa talakay na ito ang nabanggit na noong nakaraan sa kaso ng manalo at matalo: na nagbabago ang direksyon ng aksyon depende sa ginamit na panlapi. Kapag mag-, may taglay; kapag –an, inaalis naman.
Ganito rin ang kaso ng magbili at bumili, magpugay at pugayan. Kapag nagbili ka, ikaw ang nagbenta o ang nagsagawa ng aksyon; kapag naman ikaw ay bumili, ikaw ang tumanggap ng aksyon ng pandiwa. Kapag ikaw ay nagpugay sa sino man, inalis mo ang sombrero mo bilang pagbibigay-galang; kapag naman pinugayan mo ang sino man, hindi mo siya iginalang. Kabaligtaran nito, inalisan mo ng dangal. Kaya nakakatawa o nakatutuwa ang bagong uso ngayong magbigay-pugay, samantalang magpugay lang naman ang dating gamit. Marami kasing hindi na nagbabasa at kung ano na lang ang narinig, o inakalang narinig, nang hindi naman nakikinig, ay iyon na ang gagamitin. Well, sadyang ganyan umuunlad at yumayabong ang wika habang lumalaganap at ginagamit ng marami. Bahagi ng pagbabago ng wika.
Busilak: Bulak?
Minsan, may nagtanong: Ang salitang ugat ba ng busilak ay bulak?
Agad-agad ang aking sagot: Hindi.
Tandaan natin: Ang mga salitang Tagalog ay binubuo ng dalawang pantig lamang. Kapag tatlo o higit nang pantig ang bumubuo sa isang salita, alin sa dalawa ang posible: (1) may panlapi ang salita, o (2) ito ay salitang hiram. Dahil tatlong pantig ang “busilak,” maaaring ito ay hiram dahil wala namang patay na panlaping –si-.
Ayon sa isang dating opisyal ng organisasyong Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF), sa wikang Malay ay may salitang “bersikan” na nangangahulugang “malinis.” Posible na nang gamitin ng mga Tagalog ang salitang ito ay nagkaroon ng pagbabago sa tunog o bigkas kaya naging busilak. Ang “kabersikan” ay nangangahulugang “kalinisan.”
Ipinapakita ng halimbawang ito na nakakatulong sa pag-unawa sa ating mga salita ang pananaliksik sa iba pang mga wika.
Ilan lamang ang mga halimbawang ito ng mga salita na mahirap nang makilala ang ugat. Marami pang mga salita sa ating wika na hindi kaagad makikita ang salitang ugat at kailangan pang himayin para malaman kung paano nabuo at naging ganito ang kasalukuyang anyo. Importante ang ganitong pag-aaral upang matuto tayong magsuri at maging mapanuri.